Untitled Part 19

289 15 6
                                    


CHAPTER NINETEEN


"So, you're leaving."

Hindi mabasa ni Aquil sa ekspresyon ng mukha ng sinaunang diwatang si Zeno kung ano ba ang iniisip nito tungkol sa desisyon niyang magbalik ng Encantadia.

"Ang Bathalang Emre mismo ang nagbigay ng misyong ito sa akin. How can I refuse him?" katwiran niya.

Huminga ng malalim si Zeno. "Son, for once, try to be more honest with yourself."

Napakunot-noo si Aquil. "What do you mean by that?"

"Alam kong matagal mo nang gustong bumalik sa Encantadia. Nasa isip mo na iyan kahit noong hindi pa nagpapakita sa'yo ang bathala."

Napayuko ang binata. Ano pang saysay ng pagtanggi? Minsan pa ay pinatunayan ni Zeno kung gaano kalalim ang pagkakakilala nito sa kanya.

"Sinubukan mong tumakas ngunit nabigo ka. Bihag pa rin ng Hara ng Lireo ang puso mo. Iyan ang totoo." dagdag pa ni Zeno.

"Gaya ng katotohanang hanggang ngayon ay umaasa ka pa ring makikita si Cassiopeia, hindi ba?"

Tumalikod lang ang sinaunang diwata at alam ni Aquil na may sugat siyang nasanggi sa kanyang komento.

"Kailangan ko ng umalis, pap---" bahagyang napahinto si Aquil saka ipinaalala sa sariling tapos na ang pagpapanggap bilang anak ng sinaunang diwata. "Kailangan ko ng umalis, Zeno. Maraming salamat sa lahat. Hindi ko malilimutan ang lahat ng naitulong mo sa akin. Avisala meiste."

Hawak na ni Aquil ang seradura ng pinto nang muling magsalita si Zeno. "Tandaan mong lagi kang may puwang sa tahanang ito, Aquil. Mag-iingat ka sa landas na iyong piniling tahakin."

"Dahil ikaw ang uminom ng tubig ng Celestia Ashoka, noon pa man ay batid ko nang nakatakda kang magbalik sa Encantadia, Aquil. Ngayon na ang pagsisimula ng iyong tunay na misyon. Patnubayan ka nawa lagi ng Bathalang Emre." piping dalangin ni Zeno.




Halo-halong emosyon ang lumukob kay Aquil sa muli niyang pagtapak sa Encantadia. Naroon ang tuwa, pagkasabik, kaba, alinlangan at takot. Daig pa niya ang isang paslit na bago pa lang natututong maglakad dahil sa bagal ng kanyang paghakbang. Tila ninanamnam ng kanyang mga paa ang pamilyar na pakiramdam na muling masayaran ang lupang kanyang sinilangan.

Hindi na ikinagulat ni Aquil ang pagsalubong ni Bathalang Emre sa kanya.

"Bago ka bumalik ng Lireo, may kailangan akong ipakita sa'yo." bungad nito sa kanya.

"Ano po iyon, mahal na Emre?"

"Ang kinaroroonan ng bagong kaharian ng Etheria."

Hinawakan siya ng bathala sa balikat at gamit ang kapangyarihan nito ay mabilis nilang tinungo ang pakay na pook.

"Kagila-gilalas! Paanong muling naitayo ang kahariang matagal nang napabagsak at nawasak?" namamanghang tanong ni Aquil.

Naroroon sila sa hilagang bahagi ng Encantadia, sa isang liblib na parte ng kanilang mundo na halos hindi pinupuntahan ng mga karaniwang engkantado. Dati ay kabundukan at masukal na kagubatan lamang ang makikita roon ngunit ngayon ay mga nagtatayugang gusali at moog ang sasalubong sa sinumang maglalakas loob na magawi roon. May kakaibang kilabot na naramdaman si Aquil dahil kahit tila ang simoy ng hangin ay nagbubulong sa panganib na hatid ng mga nilalang na nasa loob ng kahariang iyon.

"Kagagawan ni Ether ang lahat ng ito. Naging pabaya ako at kampante. Hindi ko agad naisip na ang matagal niyang pananahimik ay paghahanda pala para maisakatuparan ang maiitim niyang balak. Ang muling buhayin ang naglaho niyang kaharian ng Etheria." paliwanag ni Emre. "Kaya talagang kailangang mabigyan mo ng babala ang mga diwata at kanilang mga kapanalig upang sila ay makapaghanda."

Inihatid ni Bathalang Emre si Aquil sa harap ng palasyo ng Lireo. Agad din itong naglaho bago pa man may ibang engkantadong makapansin sa kanyang presensiya. Naiwan ang dating mashna na nakaramdam ng pagkailang at pangingimi pagkakita sa kahariang dati niyang tirahan. Nakatalikod siya noon sa pintuan ng palasyo at pinapalakas ang loob sa gagawing muling pakikipagkita sa mga sang'gre nang gambalain siya ng isang pamilyar na tinig.

"Aquil, aking kaibigan? Ikaw na nga ba yan?"

Lumingon si Aquil at awtimatiko siyang napangiti pagkakita kay Muros. Mabilis niyang nilapitan ang kaibigang tila namamalikmata pa rin at hindi makapaniwalang muli siyang nakita.

"Muros! Natutuwa akong ikaw ang una kong nasalubong dito sa Lireo." masigla niyang bati.

"Natutuwa rin ako at muli kang nagbalik dito, Aquil."

Sumeryoso ang mukha ng dating mashna pagkaalala sa misyong iniatang sa kanya ni Bathalang Emre.

"Mamaya na lamang tayo magkamustuhan, kaibigan. May kailangan akong iulat sa mga sang'gre."

"Kung ganoon ay tayo na. Tamang-tama dahil kumpleto ang mga sang'gre ngayon dito sa palasyo."

Iyon lang at iginiya na siya ni Muros papasok sa loob.





"May hindi magandang nangyayari sa Encantadia, mga ashti. Malakas ang kutob ko kaya hayaan niyo na kaming mag-imbestiga." giit ni Lira.

Malakas na buntong-hininga ang sagot ni Hara Pirena sa pangungulit ng kanyang hadiya at anak. "Ano'ng panganib ba ang inyong sinasabi? Wala na tayong mga kaaway. Masyado lang kayong nagpapadala sa inyong imahinasyon at hinala."

"Pero ina, paano niyo ipapaliwanag ang kakaibang kilos ng mga pashnea? Tila may bumabagabag sa kanila kaya nag-iingay at lumilikas ang mga ito sa ibang lugar." sagot ni Mira sa kanyang ina.

Na agad dinugtungan ni Lira. "Oo nga po! Kahit si Awoo, ang sabi niya sa akin may nararamdaman silang panganib pero hindi lang nila alam kung ano ba talaga iyon!"

May pagkabahalang bumalatay sa mukha ni Sang'gre Alena. "Maaari ngang tama ang sinabi ni Awoo at ng iba pang pashnea ngunit hindi iyon dahilan para maging padalos-dalos kayo sa inyong kilos, Mira, Lira. Baka mapahamak pa kayo dahil sa inyong kapusukan."

"Baka naman sobrang nasasabik lang kayong patunayan ang pagiging ganap niyong sang'gre kaya kung anu-anong hinala ang pumapasok diyan sa malilikot niyong isip." Napapailing na komento naman ni Hara Danaya.

"May katotohanan ang mga sinasabi ng mga batang sang'gre, mahal na hara."

Tila binuhusan ng malamig na tubig ang pakiramdam ni Danaya pagkarinig sa pamilyar na tinig na kay tagal niyang kinasabikan. Dahan-dahan niyang nilingon ang pinagmulan nito, pilit nilalabanan ang takot na baka gaya ng dati ay pinaglalaruan lang siya ng kanyang isip at ilusyon niya lamang ang lahat.

Napasinghap si Danaya nang magtama ang kanilang mga mata at nakumpirma niyang totoo ngang nagbalik na sa Lireo ang nag-iisang engkantadong nagmamay-ari ng kanyang puso. Gusto niyang umiyak at magpakulong sa matitipuno nitong bisig. Gusto niyang pupugin ito ng halik upang maramdaman ng dating mashna kung gaano siya nangulila dahil sa ginawa nitong paglayo.

Pero tulad noong una, ang posisyon niya bilang sang'gre at hara ang nagsilbing pader sa pagitan nila. Walang nagawa si Danaya kundi titigan na lamang ang pinakamamahal habang inuusal ang pangalan nito sa nanginginig niyang tinig.

"Aquil?! Nagbalik ka na!"

ANG SANG'GRE AT ANG MASHNATahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon