CHAPTER SEVENTEEN
Biglang napabalikwas mula sa mahimbing na pagkakatulog si Aquil. Tila naramdaman niya ang presensiya ni Danaya ngunit batid niyang imposible iyon. Nasa palasyo ng Lireo ang kanyang iniibig habang siya ay naririto sa kagubatan dahil nagpasya na siyang lumayo dito.
Panaginip lamang ba iyon na dulot ng lubha niyang pangungulila dito?
"Danaya, maging sa aking pagtulog ay naroroon ka. Napakalupit mo, mahal ko pagkat kahit pa lumayo ako ay ikaw pa rin ang nasa isip ko."
Mukhang hindi sapat na umalis lang siya ng palasyo. Kailangan niyang magtungo sa isang mas malayong lugar. Pero bago iyon, mainam na magpaalam muna siya sa isang kaibigan.
"Avisala eshma at nakipagkita ka sa akin, kaibigan. Batid kong abala ka sa iyong tungkulin ngunit naririto ka pa rin."
Malungkot na sinulyapan siya ni Muros. "Natutuwa akong makitang nasa maayos kang kalagayan ngunit nalulungkot din ako sa pasyang iyong nabuo. Sumusuko ka na bang talaga, Aquil kaya mo nais iwan ang Encantadia upang magtungo sa mundo ng mga tao?"
Humigit ng malalim na hininga ang dating mashna. "Panahon na upang tanggapin ko ang aking katayuan na kahit kailan ay hindi ko na talaga makakatuluyan ang iyong Hara."
"Liban na lang kung hihilingin mo sa kanya na talikuran niya ang trono."
"Na hindi ko gagawin, Muros! At alam kong hindi rin iyon gagawin ni Danaya." malungkot na sagot niya sa suhestiyon nito.
"Ngunit.. mas sinasaktan mo lang ang iyong sarili, kaibigan. Ano't ipinagkakait mo sa iyong sarili at sa Hara ang pagkakataong magkasama kayong muli?"
Puno ng kapaitan at resignasyon ang tinig ni Aquil nang muling magsalita.
"Sanay na ako, Muros. Pabayaan mo na lamang ako. Muli, avisala eshma kaibigan. Ingatan mo ang iyong sarili."
Pagkatapos makipagkita kay Muros, tiyak ang mga hakbang ni Aquil habang tinatahak ang daan patungo sa puno ng Aznamon. Gaya ng mga engkantadong nauna sa kanya, mukha ito lang din ang natitirang paraan upang matakasan niya ang sakit na dulot ng pananatili niya rito sa Encantadia.
Bago muling gamitin ang kantao na ibinigay sa kanya ng Bathalang Emre upang makatawid sa lagusan, malungkot na nilibot niya ang tingin sa paligid. Hindi niya naisip darating ang panahong iiwan niya ang mundong sinilangan upang manirahan sa isang banyagang lugar.
"Paalam Encantadia. Paalam Lireo."
Pumatak ang luha sa mga mata ni Aquil nang muling maalala ang napakagandang mukha ng kanyang pinakamamahal na sang'gre.
"Paalam, mahal kong Danaya."
Iyon lang at binuksan ni Aquil ang daan patungo sa mundo ng mga tao kung saan siya mananatili upang takasan ang sakit ng kabiguan na dulot ng bagong hara ng mga diwata.
"Aquil.."
Hindi alam ni Danaya kung bakit biglang sumagi sa isip niya ang dating mashna habang nagbabasa siya ng mga kasulatang may kinalaman sa kanyang nasasakupan. May kabang bumundol sa kanyang dibdib. May nangyari kayang hindi maganda kay Aquil?
Ipinatawag niya sa isang kawal ang kanyang mashnang si Muros.
"Mahal na reyna, may ipag-uutos po ba kayo sa akin?"
"Tungkol kay Aquil. Alam kong matalik kayong magkaibigan at alam mo kung nasaan siya ngayon. Maaari mo ba siyang puntahan? Nais ko lang.. nais ko lang makatiyak na maayos ang kanyang kalagayan."
Malungkot ang tinig ni Muros nang sumagot. "Alam ko nga ang kanyang kinaroroonan, mahal na hara, ngunit ipagpatawad mo dahil hindi ko siya magagawang puntahan doon."
Takang nagtanong si Danaya. "At bakit naman? Malayo na ba ang kinaroroonan niya?"
Tumango si Muros. "Sa mga oras na ito ay tiyak na naroroon na si Aquil sa mundo ng mga tao. Ginawa niya ito upang tuluyang lumayo at makalimutan ka, mahal na hara."
Nanghihinang tinutop ni Danaya ang kanyang bibig.
"Ayos ka lamang ba, mahal na hara?" nag-aalalang tanong ni Muros.
"O-oo. Maaari mo na akong iwan, Muros. Sige na. Ibig kong mapag-isa."
Nang makaalis ang mashna, doon lang hinayaan ni Danaya na mag-unahang pumatak ang luha sa kanyang mga mata.
"Nagbalik ka."
"Oo."
Napailing si Zeno. "Sa maniwala ka o sa hindi, nanalangin akong huwag kang matulad sa amin ni Enuo. Ngunit sa kasamaang palad ay tila hindi umabot sa pandinig ni Bathalang Emre ang aking panalangin."
"Kailangan ko ang iyong tulong, sinaunang diwata. Naiintidihan ko na ngayon ang pinagdaanan mo noon. Ang pagnanais na makalayo sa Lireo, sa lahat ng makakapagpaalala sa diwatang iyong inibig ngunit naging dahilan din ng iyong kabiguan. Hindi ko kaya.. hindi ko kayang manatili sa Encantadia dahil kahit saan ko ibaling ang aking paningin ay mukha ni Danaya ang aking nakikita. Tulungan mo ako, Zeno. Tulungan mo akong makalimot." pakiusap ni Aquil.
Tinapik ng sinaunang diwata ang kanyang balikat. "Ako ang bahala sa iyo. Maaari kang manatili dito kahit hanggang kailan mo ibigin. Ituturo ko ang lahat ng kailangan mong matutunan upang makapamuhay ka ng maayos dito sa mundo ng mga tao. Mula sa sandaling ito ay ikaw na si Aquil Zaldemar, ang aking nag-iisang anak at tagapagmana."
"Avisala eshma."
"Ang unang dapat mong matutunan.... tigilan mo na ang paggamit ng salitang Enchan. Maraming salamat o thank you ang dapat mong isagot."
Tumango si Aquil.
Ito na ang bagong simula ng buhay ko. Isang buhay na wala ka sa aking piling, Danaya.
Sa Devas...
Kunot-noong pinagmasdan ni Kahlil ang paglapit ng isang munting liwanag kay Bathalang Emre. Mas lalong lumalim ang kanyang pagtataka nang tila kausapin ng bathala ang liwanag na iyon.
Hindi nakita ni Kahlil na ang pinagmumulan ng liwanag ay isang espesyal na retre na nasa anyo ng isang kulay-rosas na paru-paro.
"Huwag kang mainip, munti kong bathaluman. Nagkalayo man sila ngayon ngunit umasa kang magtatagpo muli ang landas ng iyong mga magulang." narinig niyang pahayag ni Emre.
Kung anuman ang sinagot ng liwanag ay walang ideya si Kahlil. Basta't narinig na lamang niya ang bahagyang pagtawa ng Bathalang Emre.
"Tila mas matindi ang taglay mong kakulitan kaysa sa pinsan mong si Lira. Tiyak na bibigyan mo rin ng kulay at liwanag ang Encantadia sa oras na ikaw ay isilang. Isang sang'greng may kapangyarihan ng isang bathaluman."
BINABASA MO ANG
ANG SANG'GRE AT ANG MASHNA
FanficMy first ever Encantadia fan fiction, inspired by the episodes last Dec. 29, 30 and Jan.3 Para sa lahat ng nagmamahal kay Danaya at Aquil :)