CHAPTER FOURTEEN
Ilang oras na ang lumipas pero tila pinoproseso pa rin ng utak ni Aquil ang mga bagong impromasyong nalaman tungkol sa dating mashna na si Zeno. Nagpasya ang sinaunang diwata na magtungo sila sa malaking tahanan nito upang doon ipagpatuloy ang pag-uusap at dahil doon din nakatago ang mahiwagang tubig ng Celestia Ashoka.
Namangha si Aquil sa marangyang tahanan ni Zeno dito sa mundo ng mga tao. Halos triple ang laki nito kumpara sa tahanan ni Enuo at halatang mamahalin ang lahat ng kagamitan. Ngunit sa kabila ng karangyaang nakapalibot sa kanila, hindi pa rin maitatanggi ang kahungkagan at lungkot na nadama ni Aquil sa unang pagtapak pa lamang nila sa tahanang iyon. Hindi nagawang takpan ng kayamanan at estado ni Zeno sa mundo ng mga tao ang katotohanang nabubuhay ito ng mag-isa sa napakahabang panahon. Kaya naman nang inalok sila ng sinaunang diwata na saluhan ito sa hapunan ay hindi na nila nagawang tumanggi.
Pagkatapos kumain ay doon lakas-loob na nagtanong si Aquil kay Zeno.
"Agape avi, Zeno. Lubos lamang akong nagtataka kung paanong ang isang dating mashnang gaya mo ay ni hindi man lang nabanggit sa amin ni Cassiopeia. At bakit mo nasabing nasaktan ka niya noon?"
Huminga ng malalim ang sinaunang diwata. "Nasaktan ako dahil naniwala ako noon sa isang ilusyon. Sa isang pangarap. Inakala ko noon na sapat na ang katapatan at paglilingkod ko bilang mashna upang ipakita kay Cassiopeia at sa lahat ng engkantado na karapat-dapat ako para sa pag-ibig ng aming hara. Umasa akong kami ang magiging magkatuwang sa pangangalaga sa Lireo. Ngunit malaking kalokohan lamang pala ang lahat."
Tumalikod sa kanila si Zeno at inabala ang sarili sa pagtanaw sa maliwanag na buwan. "Pagkatapos naming mapabagsak ang Etheria sa tulong ng iba pang kaharian, nagpasya akong kausapin si Cassiopeia at alukin ng kasal. Wala sa hinagap ko na magagawa niya akong tanggihan dahil ayon sa kanya ay mas dapat niyang pagtuunan ng panahon ang pangangalaga sa Lireo at buong Encantadia. Doon din nag-umpisang ipatupad ang batas na nagbabawal sa reyna ng mga diwata na magkaroon ng asawa. Ginawa iyon ni Cassiopeia upang tigilan ko na ang pangungumbinsi sa kanya na magbago ng isip at magpakasal sa akin."
"Ngayon ko lamang nalaman ang pinagmulan ng batas na iyon." pag-amin ni Aquil.
"Ang magmahal sa isang sang'gre ay lubos na napakahirap ngunit ang magmahal sa reyna ng mga diwata? Isa iyong sumpa, Aquil. Alam mo ba ang pakiramdam na ang mundong sinilangan at pinangangalagaan mo ang siya ring kaagaw mo sa puso ng iyong minamahal? Unti-unti ay nilamon ako ng galit. Inisip ko noon na kung wala ang Lireo, kung hindi isang hara si Cassiopeia ay magagawa naming magsama habambuhay. Kahit ako ay nangingilabot sa mga bagay na muntik kong magawa noon."
"Ano'ng ibig mong sabihin, Zeno?"
"Nagpakita sa akin noon ang Bathalumang Ether. Nangako siyang bibigyan ako ng kapangyarihan upang mapabagsak ang Lireo at makapaghiganti kay Cassiopeia kung sa kanya ako aanib at sasamba. Aaminin kong muntikan ko ng tanggapin ang nakatutukso niyang alok. Ngunit sa bandang huli ay nanaig pa rin ang katapatan ko kay Emre at sa Lireo."
"Nakakagulat! Ganyan din ang nangyari sa akin bago ako umalis ng Encantadia! Tinangka rin akong tuksuhin ng bathalumang iyon!" bulalas ni Aquil.
"At matapos ang tagpong iyon ay saka nagpakita sa'yo ang Bathalang Emre, tama ba?" dugtong ni Enuo.
"Tama ka, kaibigan. Ilang sandali pagkaalis ni Ether, isang nakasisilaw na liwanag ang bumungad sa akin. Ang liwanag ay nagmula sa isang nilalang na nagpakilala nga bilang si Bathalang Emre. Nanikluhod ako sa kanya at humingi ng tulong. Lubos ang takot ko noon na baka sa susunod na tuksuhin ako ni Ether ay madaig na ako ng aking kahinaan at mapagtaksilan ko na ang Encantadia. Kaya bago pa man mangyari iyon ay ninais ko ng agapan. Hiniling ko kay Emre na ilayo ako sa Lireo. At iyon ang dahilan kung bakit ibinigay niya sa Encantadia ang puno ng Asnamon."
BINABASA MO ANG
ANG SANG'GRE AT ANG MASHNA
FanfictionMy first ever Encantadia fan fiction, inspired by the episodes last Dec. 29, 30 and Jan.3 Para sa lahat ng nagmamahal kay Danaya at Aquil :)