CHAPTER TWELVE
Sa kabila ng pagkabigla sa inakto ni Enuo, nanatiling matatag sa kanyang kinatatayuan si Aquil. Buong tapang niyang hinarap ang ama ng kanyang pinakamamahal na sang'gre at hinintay ang pagtama ng kamao nito sa kanyang panga. Ni hindi siya pumikit upang ipakita na hindi siya natatakot dito at handa niyang ipaglaban ang kanyang pag-ibig para kay Danaya.
Halos dalawang pulgada na lang ang layo ng kamao ni Enuo mula sa kanyang mukha nang bigla itong huminto at pinakatitigan siya.
"Tunay nga bang iniibig mo ang aking anak sa kabila ng katotohanang mas mataas ang antas at katayuan niya kaysa sa'yo?"
"Ang pagkatao ni Danaya at hindi ang kanyang estado sa Lireo ang minahal ko." sagot niya.
"Nasabi mo na ba sa aking anak ang tungkol sa iyong nararamdaman?"
Natahimik si Aquil at bahagyang nag-iwas ng tingin.
"Hindi pa ako nakakapagtapat sa kanya. Pero ipinapakita at ipinaparamdam ko sa gawa ang aking pag-ibig."
Napailing si Enuo. "Kumplikadong nilalang ang mga babae, Aquil. May mga bagay na hindi nila paniniwalaan hangga't hindi mo sinasabi ng diretso sa kanila. May mga bagay na kahit namamalas na ng kanilang mga mata ay itinatanggi pa rin ng kanilang puso."
"Ano'ng ibig mong sabihin, Enuo?"
"Kalimutan mo na iyon. Poltre sa aking ginawa. Hindi madali sa isang ama na tanggapin agad na ang kanyang bunso ay nasa hustong gulang na at hindi na dapat tratuhin bilang isang paslit. Tayo nang bumalik sa aking bahay."
Nalilito man sa biglang pagbabago ng kilos ni Enuo at tahimik na sumunod na lamang si Aquil.
Pagdating sa bahay, agad silang sinalubong ni Rael.
"Amo! Tumawag na yung secretary ni Mr. Zaldemar aka sinaunang diwatang si Zeno! May naka-set na kayong appointment sa kanya bukas ng 3pm."
Nilingon ni Enuo si Aquil. "Mapalad ka, dating mashna ng Lireo. Mukhang hindi ka mahihirapang makatagpo si Zeno. Ang tanong na lang ay kung ibibigay ba niya ng ganoon kadali ang iyong hinihingi."
Pinalakas ni Aquil ang kanyang loob kahit totoong sinakop ng kaba ang kanyang puso sa narinig. "Gagawin ko ang lahat ng aking makakaya upang makumbinsi ang sinaunang diwata. Isa pa, si Bathalang Emre mismo ang nag-utos sa misyong ito kaya sa aking palagay ay susunod agad si Zeno."
Nagkibit-balikat lang si Enuo at inutusan si Rael na ituro kay Aquil ang silid na kanyang gagamitin.
"So, hindi ka nga asawa ni sang'gre Danaya?" biglang tanong ni Rael habang binabagtas nila ang ikalawang palapag ng malaking tahanang iyon.
"Hindi pa. Ah, ang ibig kong sabihin.... hindi nga sabi." sagot ni Aquil.
Pero sana ay magkatotoo nga." piping bulong ng kanyang isip.
"Pero parang may something sa inyong dalawa eh! Kakaiba ang tinginan ninyo sa isa't isa. Ang lagkit!" hirit pa ni Rael.
Nginitian lang ni Aquil ang kausap.
"Akala ko pa naman dati, iyong Mulawin na hinahanap ni sang'gre Danaya ang napupusuan niya. Mali pala ako."
Kumunot ang noo ni Aquil. "Mulawin? Sino'ng Mulawin?"
"Si Lakan! Hindi mo kilala iyon? Siya lang naman ang Mulawin na nahanap ni sang'gre Danaya sa tulong ng plawta ni amo. Ang Mulawing iyon din ang naging daan kaya nakabalik ang mahal na sang'gre sa Encantadia. Sobrang laki ng utang na loob niya dito at talagang nag-aalala ang sang'gre Danaya dahil matagal na siyang walang balita dito."
Napaisip si Aquil sa mga sinabi ni Rael. Sino nga ba si Lakan sa buhay ni sang'gre Danaya?
Samantala, sa pag-iisa ni Enuo ay hindi niya naiwasang mahulog sa malalim na pag-iisip. Naalala niya ang isang eksena kung saan tinutudyo ni Rael ang kanyang anak. Naganap ito noong inuumpisahan pa lang hanapin ni Danaya ang Mulawin na si Lakan.
"Type mo 'no?" tanong ni Rael kay Danaya. Tinutukoy ng kanyang tauhan ang misteryosong Mulawin na nagligtas sa sang'gre at siyang nais nitong hanapin ngayon.
"Type? Ano'ng type?" takang tanong ng kanyang anak.
"Type! Yung ganito..." paliwanag ni Rael sa pamamagitan ng pagkumpas ng mga kamay sabay umakto na tila may hinahalikan.
Nanlaki ang mata ni Danaya sa pagkabigla agad na pinamulahan ng mukha. "Ashtadi! May iba na akong napupusuan na naroroon sa Encantadia!" mariing tugon nito.
Hindi gaanong napagtuunan ng pansin ni Enuo ang sinabing iyon ng kanyang anak dahil abala siya noon sa pag-iisip ng paraan para matulungan ito. Ngunit ngayon ay iba na ang sitwasyon.
"Kung hindi ako nagkakamali, si Aquil ang engkantadong tinutukoy ni Danaya noon. Mukhang may pag-ibig ngang namamagitan sa anak kong sang'gre at sa dating mashna ng Lireo. Dalawang nilalang na mula sa magkaibang estado. Dapat ba akong mabahala? Paano kung mauwi lang ito sa kabiguan gaya ng nangyari sa akin at kay...." ipinilig ni Enuo ang ulo para iwaksi ang imaheng pumasok sa kanyang isipan. Ngunit gaya ng dati ay bigo siyang burahin sa gunita ang magandang mukha ni Mine-a. Ang dating reyna ng Lireo at ina ng dalawa niyang anak.
Ang nag-iisang diwatang natutunan niyang ibigin ng palihim.
Palihim dahil sa simula pa lamang ay alam na niyang wala siyang pag-asang makuha ito. Alam ng lahat na ang reyna ng Lireo ay itinatangi ang prinsipe ng Sapiro na si Raquim. At hindi hangal si Enuo para maghangad ng isang bagay na imposible niyang makuha. Ano ba naman ang laban ng isang mangangasong may natatanging kaalaman sa musika at mga halaman kumpara sa isang magiting na prinsipe?
"Bathalang Emre, mauulit po ba ang nakaraan? May isa na naman bang engkantadong masasaktan dahil umibig siya sa isang sang'gre?"
Huminga ng malalim si Enuo at pilit kinalma ang sarili. Sa ngayon ay mas dapat niyang pag-isipan ang pakikiharap nila bukas kay Zeno. Natutuwa siyang mabigyan ng pagkakataong dalawin ang kaibigan ngunit aminado siyang nakakaramdam din ng kaba. May isang bagay siyang hindi binaggit kay Aquil para hindi ito mabahala at mawalan ng pag-asa sa pagtupad ng misyon nito. Hindi niya sinabi dito na maaaring mahirapan silang kunin ang kooperasyon ng sinaunang diwata. Malaki ang posibilidad na tanggihan sila nito.
Dahil ang hindi alam ni Aquil, si Zeno ay may matinding pagkamuhi sa Lireo.
Pagkamuhing nag-ugat sa sinaunang reynang pinaglingkuran nito.
Si Cassiopeia.
BINABASA MO ANG
ANG SANG'GRE AT ANG MASHNA
FanficMy first ever Encantadia fan fiction, inspired by the episodes last Dec. 29, 30 and Jan.3 Para sa lahat ng nagmamahal kay Danaya at Aquil :)