Untitled Part 4

505 15 0
                                    


CHAPTER FOUR

Pinipigilan ni Danaya ang ngiti habang papalabas ng kanyang silid. Inilagay niya na sa mesang katabi ng kanyang kama ang mga bulaklak na ibinigay ni Aquil kanina. Ibig niyang ang mga bulaklak na iyon ang huli niyang makikita bago siya matulog at ang mga ito rin ang una niyang makikita sa kanyang paggising.

"Maliban sa pagdiriwang ng Pasko, may iba pa kayang dahilan ang pagbibigay ni Aquil ng bulaklak?" tila nangangarap na bulong ni Danaya sa sarili. "Hay, nawala na ang nararamdaman kong antok dahil sa ginawa mo, aking mashna. Mabuti pang magtungo muna ako sa hardin para makapaglakad-lakad."

Hindi niya maamin sa sarili na kaya siya magtutungo doon ay dahil pasimple siyang umaasa na muli niyang masasalubong si Aquil. Sigurado siyang nag-iikot ito ngayon sa palasyo para tiyaking nasa ayos ang lahat.

Tila lumulutang pa rin sa ulap ang isip ni Danaya kaya naman bahagya pa siyang nagulat sa paglapit ni Muros sa kanya.

"Avisala, sang'gre. Tanggapin mo ang mga alay kong prutas." may halong pagmamalaki ang tinig ni Muros. Sinenyasan nito ang mga kasamang kawal na alertong lumapit sa kanila at inilapag ang dalawang sisidlan. Kahit hindi buksan at usisain ni Danaya ang mga iyon, halatang-halata naman na naglalaman iyon ng maraming prutas.

"Avisala eshma, Muros. Ngunit nakakagulat na ganito karami ang inialay mo sa aking prutas."

"Kaysa naman bigyan kita ng bulaklak." sagot ni Muros. Makahulugan ang tingin sa kanya ng lalaki kaya doon pa lang ay nabatid ni Danaya na nakita ni Muros ang ginawang pagbibigay ng bulaklak ni Aquil sa kanya kanina lamang.

Bahagyang nakaramdam ng pagkailang si Danaya pero pilit niya itong itinago.

"Avisala eshma, Muros. Ikinatutuwa ko ang mga ginagawa mo para sa akin ngunit..." Hindi malaman ng sang'gre kung ano ba ang tamang salita na dapat niyang sabihin para hindi niya masaktan ang tapat na kawal na itinuturing niyang malapit na kaibigan.

"Ngunit may nagmamay-ari na ng iyong puso. Ang mashna Aquil." Malungkot ang tinig ni Muros pero matapang pa rin na sinalubong nito ang kanyang tingin.

Kahit hindi diretsahang kinumpirma ni Danaya ang kanyang kasagutan tila nabasa pa rin ito ni Muros sa ekspresyon ng kanyang mukha. May kurot siyang naramdaman sa kanyang puso nang makita niya sa mga mata ng lalaki ang sakit at panlulumo.

"Huwag sanang sasama ang loob mo sa akin." pakiusap niya.

Pilit man ang ngiti ni Muros ay naroon pa rin ang katapatan sa tinig nito. "Hinding-hindi mangyayari iyon, mahal na sang'gre."

Tumango na lamang si Danaya. "Mauna na ko."

Akma na siyang hahakbang paalis nang biglang hawakan ni Muros ang kanan niyang kamay at pigilan siya.

"Sang'gre Danaya..."

Bumilis ang kabog ng dibdib ni Danaya nang makita kung gaano kaseryoso ang eksresyon ng mukha ni Muros.

"Sakaling biguin ka ng ating mashna, nandirito lang ako para sa'yo." Sinundan ito ng matamis na ngiti ng lalaki na tila nagsasabing kakayanin nito ang sakit at huwag na siyang mag-alala.

Tumango na lamang si Danaya at umalis pagkatapos marinig ang ipinahayag ni Muros. Ni hindi niya nagawang magsalita pa. Ano bang maaari niyang sabihin para mabawasan ang sakit na idinulot niya kay Muros? Kung maaari lang niyang hatiin ang kanyang puso ay baka ginawa niya na. Napakabuti ni Muros at ang ganoong uri ng engkantado ay dapat lang na maging masaya, hindi ba?

Ngunit hindi kaya ni Danaya na bigyan ito ng huwad na pag-asa gayong alam niya sa sariling wala na siyang ibang kayang mahalin kundi si Aquil lamang. Heto nga't kahit itinatago niya ang nararamdaman para sa mashna ay nagawa pa rin itong mahalata ng iba.

"Patawad, Muros." bulong niya habang marahang pinapahid ang luhang pumatak sa kanyang mga mata.

Narating niya ang hardin nang hindi niya namamalayan. At dahil solo niya ang buong paligid, nagawa niyang biglang-laya ang kanyang emosyon. Nagpatuloy ang tahimik niyang pagtangis para sa pag-ibig ni Muros na kailanman ay hindi niya magagawang masuklian.

ANG SANG'GRE AT ANG MASHNATahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon