Untitled Part 7

486 18 2
                                    


CHAPTER SEVEN


Napakabilis ng mga pangyayari. Nagsimula ang lahat sa misyong iniutos ni Reyna Amihan upang mailigtas ang mga kapanalig na binihag ni Hagorn. Magtatagumpay na sana ang plano nilang panloloob sa Hathoria gamit ang mga baluti ng mga kawal ng Hathor na tinalo nila kung hindi lang dahil sa isang kalunos-lunos na pangyayari.

Nabihag ng mga kalaban sina Aquil at Muros.

Pagkabihag na naging daan para kumapit sa patalim si Aquil. Sa unang pagkakataon ay sumuway siya sa utos ng reyna ng Lireo at nakipagkasundo kay Hagorn.

Isang pagtataksil na nauwi sa kapahamakan nina Hitano, Lila Sari at ng sanggol na si Deshna.

Ipinikit ng mariin ni Aquil ang kanyang mga mata. Nag-iisa lang siya sa silid na iyon kung saan siya ipiniit nang magbalik sila sa palasyo ng Lireo pero tila naririnig niya pa rin ang pagsigaw at pagtangis ni Lila Sari.

"Patawarin niyo ako. Batid ni Bathalang Emre na hindi ko kagustuhang kayo'y mapahamak. Ngunit wala na akong pagpipilian nang mga sandaling iyon." nanlulumong bulong niya sa sarili.

Agad siyang napalingon nang makita ang pagdating ni Danaya. Hindi pa man ito nagsasalita ay nasasaktan na siya sa nang-aakusang tingin na ipinupukol nito sa kanya.

"Bakit ka sumuway sa utos ng reyna? Bakit ka nakipagtulungan kay Hagorn? Sumagot ka, Aquil! Iligtas mo ang sarili mo!" mariing saad nito sa kanya.

Tinitigan ni Aquil ang pinakamamahal na sang'gre. Ayaw na ayaw niyang nakikita itong umiiyak o nasasaktan.

"Ngunit tila nagbibiro ang tadhana. Ako pa ngayon ang dahilan ng kanyang pagdadalamhati."

Humugot ng malalim na hininga si Aquil bago nagsimulang magpaliwanag.

"Lumalaban na ako sa digmaan mula pa noong reyna ang iyong ina. Alam mo iyan, Danaya. At wala akong magawa dahil iyon ang aking kapalaran pati na rin ang aking mga kawal. Pati na rin kayo ni Amihan. Na ipagtanggol natin ang Lireo. Ngunit dahil kay Hagorn, nagkaroon ako ng panibagong pagkakataon na baguhin ang kapalaran ko at ng Encantadia. Pinili ko ang katahimikan at kapayapaan kahit na ang kapalit noon ay aking konsensiya dahil nagbuwis ng buhay sina Lila Sari at Hitano. Poltre! Poltre kung nabigo ko kayo ng ating reyna. Ngunit mas pipiliin ko pa ang maging masama basta matapos lahat ng kaguluhang ito."

"Maganda man ang layunin mo pero mali pa rin ang ginawa mo. Kaya dahil diyan kaya hindi kita maililigtas. Kailangan mo pa ring panagutan ang kasalanang nagawa mo." sagot ni Danaya. Pagkasabi noon ay agad itong tumalikod at nilisan ang lugar na iyon.

Higit sa mga salitang sinambit ni Danaya, mas nakakasakit sa kalooban niya ang ginawa nitong pag-alis. Bawat hakbang ng sang'gre papalabas ng silid ay tila nagbabadya na malabo nang matupad ang pinakamimithi niyang pangarap.

Ang maging kabiyak ni sang'gre Danaya at makasama ito habambuhay.

Umaalimpuyo ang emosyon ni Aquil nang mga sandaling iyon. Gusto niyang sumigaw, magwala at paulanan ng suntok ang mga pader hanggang magdugo ang kanyang mga kamao. Gaya ng pagdurugo ng puso niya ngayon.

"Masama bang maghangad ng kapayapaan? Pagod na pagod na ako sa walang katapusang digmaan, mahabaging Emre! Hindi ba nila naiintindihan iyon?!"

Napakatagal na panahon niya ng naglilingkod bilang kawal ng Lireo. Nasaksihan niya ang napakaraming labanan. Oo nga't noong kabataan niya ay ang mga labanang iyon ang tila apoy na nagpapasidhi ng pagmamahal niya sa Lireo at sa buong Encantadia ngunit sa paglipas ng panahon ay nagkaroon ng pagbabago. Kung noon ay nais niya lang patunayan sa lahat ang lakas at kakayahan niya bilang mashna ngunit unti-unti, nagkaroon siya ng pansariling pangarap. Kasabay sa paglaki ng isang batang sang'gre ang pagsibol sa puso niya ng pagnanais na makapiling ito sa isang mapayapang mundo.

"Pero dahil sa kasalanang aking nagawa ay mukhang hindi mo na nanaising makasama pa ako sa mundong iyon, Danaya. Hindi pa man ako hinahatulan ng reyna ay tila pinaparusahan na ako ng tadhana dahil sa sakit na aking nararamdaman ngayon. Tuluyan ka na bang mawawala sa akin, mahal ko?"

Saksi ang apat na sulok ng silid na iyon sa tahimik na pagtangis ni Aquil.





"Ang paglabag sa utos ng reyna ay katumbas ng pag-aaklas laban sa Lireo. Pag-aaklas na ang parusa ay kamatayan. Ngunit naniniwala ako na walang masamang layunin si Aquil. Bagkus ay nagtitiwala din ako na nais niya lang matigil ang nagaganap na digmaan sa Encantadia. Kaya kapalit ng kamatayan, tinatanggalan ko na lamang ng katungkulan sa ating hukbo si Aquil."

Paulit-ulit na umaalingawngaw sa utak ni Aquil ang naging hatol ni Reyna Amihan sa kanyang nagawang pagtataksil. Inaasahan niya na ang mabigat na kaparusahan pero hindi niya inakalang ganito pala kasakit kapag tuluyan na itong ipatupad.

Sa isang pagkakamali ay nawala sa kanya ang lahat. Ang posisyon niya sa hukbo ng Lireo. Ang tiwala at paggalang ng lahat lalo na ng mga kawal na kanyang pinamunuan.

Ang pag-asang makuha ang pag-ibig ni Danaya.

Walang salitang namagitan pero sa pagsasalubong ng kanilang mga tingin ay bakas ang sakit na kapwa nila nararamdaman. Habang naglalakad siya palabas ng bulwagan, palayo sa mga diwatang pinaglingkuran at pinag-alayan niya ng buhay ay daig pa niya ang unti-unting lumulubog sa kumunoy, sa isang lugar kung saan wala siyang natatanaw na pag-asa.

Isang lugar kung saan mag-isa niyang nanamnamin ang pait na dulot ng kanyang maling pagpapasya.

Pagkalabas ng palasyo ay naglakad siya sa kakahuyan na tila isang pashneang ligaw at walang tiyak na pupuntahan. Halos buong buhay niya nang itinuring na tahanan ang palasyo ng Lireo. Wala siyang ideya kung saan siya dadalhin ng kanyang mga paa. Manhid na ang kanyang utak at puso.

Natigilan si Aquil sa paglalakad nang marinig ang pamilyar na tunog na iyon. Lagaslas ng tubig. Pamilyar din sa kanya ang lugar na ito at muling nanikip ang kanyang dibdib nang maalala niya kung bakit.

Ito ang munting talon kung saan ninakaw ni sang'gre Danaya ang kanyang mga kasuotan habang abala siya sa paliligo. Isa sa hindi mabilang na pagkakataong pinairal ng sang'gre ang kapilyahan nito pagdating sa kanya.

"Pinalayas na ako sa palasyo ng Lireo pero ayaw pa rin akong lubayan ng mga alaala mo, Danaya. Mahal ko, wala pang isang araw tayong nagkakalayo ay para na akong mababaliw sa pangungulila sa'yo."

"Gusto mo bang mabawing muli ang pag-ibig ng sang'greng iyong itinatangi? Matutulungan kita sa bagay na iyan, Aquil."

Gulat na nilingon ni Aquil ang pinanggalingan ng nakakapangilabot na tinig na gumambala sa kanya. Napaatras ang dating mashna nang makita ang higanteng ahas na ilang dipa lamang ang layo sa kanyang kinatatayuan. Nakatuon sa kanya ang mga mata nitong nagliliwanag na tila bola ng apoy.

"Sino ka? Ano'ng klase kang nilalang?"

"Ako si Ether. Ang bathalumang dapat mong sambahin kung nais mo pang makuha ang puso ni Danaya. Pagtaksilan mo na ng tuluyan ang mga diwatang kapanalig ni Emre at ipinapangako ko sa'yo, gagamitin ko ang buo kong kapangyarihan makapiling mo lamang habambuhay ang sang'greng iyong pinakamamahal. Hindi ba't iyon ang matagal mo ng pangarap, Aquil? Itatwa mo lang si Emre at umanib ka sa alagad kong si Hagorn. Kapag ginawa mo iyon ay makakamit mo na ang iyong pinakaaasam na pag-ibig." pagkasabi noon ay dinugtungan pa ito ng bathaluman ng nakapangingilabot na halakhak.

Tila tinakasan ng dugo si Aquil at matinding kilabot ang kanyang naramdaman. Muling sinusubok ang kanyang katapatan sa Lireo. Aminado siyang nahahati ang kanyang puso. Nakatutukso ang alok ng bathaluman. Itinaboy na siya ng mga diwata, hindi ba? Siguro naman, sa pagkakataong ito ay maaari na siyang maging makasarili at piliin ang bagay na makapagpapasaya sa kanya.

Sumagi sa isip niya ang lumuluhang anyo ni Danaya. Ang pagkabigong nabasa niya sa mga mata nito.

Napapikit si Aquil at huminga ng malalim. Nang magmulat siya ng mata, isang desisyon ang kanyang nabuo at lakas loob siyang nag-angat ng tingin sa bathalumang naghihintay ng kanyang kasagutan.

"Nakapagpasya na ko, Ether. Makinig ka sa aking sasabihin."

ANG SANG'GRE AT ANG MASHNATahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon