Chapter 12: Unidentified Ability

648 119 15
                                    

Chapter 12: Unidentified Ability

Igagalaw ko na sana ang aking buong katawan nang nakaramdam ako ng matinding sakit. Pinilit kong igalaw ang mga kamay at paa ko pero nauwi lamang ako sa kabiguan.

Kaya naisipan kong imulat ang mga mata ko kaso puro itim lang ang bumungad sa akin. Inilibot ko ang aking paningin kaso wala pa rin akong nakikita. Ang dilim, sobrang dilim. Nakakapangilabot. Nakakatakot.

Yumuko ako kaya nabaling ang aking paningin sa buo kong katawan. Nanlaki agad ang mata ko dahil sa nakita. Nakaupo pala ako habang ang mga paa at kamay ko ay nakakadena. Hindi lamang ang paa at kamay ko kun'di pati ang tiyan ko, nakakadena kasama ang upuan kung saan ako nakaupo ngayon. Kaya pala hindi ako makagalaw at masakit ang buo kong katawan dahil dito.

Unti-unti akong nakaramdam ng panghihina. Wala akong maalala kung ano ang nangyari. Bakit ako napunta sa lugar na ito? Lugar kung saan ako lang ang naroroon. Bakit? Anong nangyari?

Uminit na ang sulok ng mga mata ko. Kinagat ko ang aking ibabang labi para mapigilang mapaagos ang luhang gustong kumawala. Sa mga ganitong oras, hindi dapat ako mawalan ng lakas ng loob. Dapat maging matatag ako. Agad akong napatango sa aking naisip saka nag-isip ng paraan.

Hindi ko alam kung nasaan ako basta'y para sa akin ay makawala ako sa lugar na'to.

Ginalaw-galaw ko ang aking kamay sa likod para lumuwang ang kadenang nakagapos dito. Ilang segundong paggalaw-galaw ko ay nagtagumpay akong makuha ito. Dumiretso ako sa kadenang nakagapos sa paa ko. Ilang ikot pa bago ko ito makuha ng tuluyan kaya tumungo na ako sa panghuling kadena na nasa may tiyan ko. Nagmula sa likuran, patungo sa harapan, nakuha ko rin ito. Nakahinga ako ng maluwag nang naramdaman kong makagalaw na ako ng maayos.

Dahan-dahan akong tumayo kaso napahawak lang ako sa sandalan ng upuan nang nanghina ang mga tuhod ko kaya ako nawalan ng balanse. Umiling na lamang ako at pinilit ulit na tumayo ng maayos.

Sinimulan kong inihakbang ang aking mga paa kaso sakto namang paghakbang ko ay lumitaw ang mga iba't ibang kulay na liwanag. Patungo sa lugar kung nasaan ako'y napahinto at napalibutan ng mga ito. Kung kanina ay sobrang dilim, ngayon naman ay nagliliwanagan ang buong paligid. Para bang mga mahikang nagpalutang-lutang sa ere. Nang tignan ko ito, nanalaki ang mata ko. Ito ang mga liwanag ng iba't ibang simbolo ng supernaturals. Apat na simbolong maliwanag na iba't ibang kulay. Naroon din ang isang hindi pamilyar na simbolo.

Napaupo ako sa sahig at napatakip sa aking tainga. Ang ingay din ng aking paligid. Sobrang ingay ng mga liwanag na siyang nagpalibot sa aking sarili. Nanghihilo na rin ako dahil ang silaw ng mga ito.

Napa-iling ako. Wala na talaga akong naintindihan.

Bakit? Bakit nangyayari sa akin 'to? Paniginip lang ba 'to? Alam kong nawala ako sa kawalan pero ano ba ang pahiwatig sa akin ng senaryong 'to?

Gulong-gulo na talaga ang utak ko. Para bang hindi ko na kilala ang sarili ko. Gusto kong sumigaw ngunit ayaw bumukas ng bibig ko. Napahilamos na lang ako sa aking mukha dahil dumausdos na ang luha mula sa aking mga mata. Nawalan na ako ng lakas ng loob. Nawalan na ako ng pag-asa. Paano ako makatakas? Parang nakakulong ako ngunit kailangan ko pang mag-isip ng matagal kung saan ako makalabas mula sa bangungot na ito.

"Arissa"

"Arissa"

"Arissa"

Napa-angat ang mukha ko nang marinig kong may tumawag sa'king pangalan. Napatayo ako bigla saka tinalasan ang pandinig. Paulit-ulit ang pag tawag sa pangalan ko, nag e-echo rin siya. Babae. Babaeng tinig. Sino iyon?

Tumingin ako sa likuran ko, sa bawat kiliran ko. Napalibutan pa rin ako ng mga iba't ibang kulay na liwanag. Red, blue, green, orange, at gold.

Pinikit ko ang aking mga mata at nakaisip ng paraan. Alam kong delikado pero walang masama kung susubok. Huminga ako ng malalim at sabay ng pagbukas ng aking mata ay ang pag takbo ko patungo sa liwanag para sana tumakas mula dito pero nabigo ako. Parang may malakas na puwersa ang tumulak sa akin na siyang dahilan para ako ay tumilapon sa ere patungo sa sahig dahilan para mawalan ako ng malay.

The Supernatural's Curse Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon