#ProjectAusten
(Dante)
Ilang sandali matapos ang matagumpay na rehearsal sa function room ng Hotel ay sandaling tumigil si Dante sa paglalakad. Inalis niya sandali ang headset sa tainga bago maayos na pinakiusapan ang dalawang malapad na lalaking kanina pa bubuntot-buntot sa kanya. Parehong naka-dark blue na polo shirt ang mga ito at kapwa may sukbit na radyo sa bulsa ng pantalon. "Baka naman puwede n'yo na muna 'kong lubayan?"
Sandaling nagkatinginan pa ang mga ito na animo'y nagpapakiramdaman kung sino ang dapat na sumagot sa sinabi niya."Sorry, Sir. Mahigpit kasing bilin ni Boss S-Sean na 'wag na 'wag namin kayong aalisin sa paningin namin. Kilala niyo naman 'yon si Boss," napilitang sagot ng isa sa mga ito.
Hindi naman napigilang bahagyang mangiti ni Dante matapos maramdaman ang pagkabahala sa boses ng security personnel matapos bangitin ang pangalan ng taong nagpapasahod dito. Ganoon kasi talaga katindi ang dating ng manager nilang iyon. Mala-tigre na kailangan mong sundin ang lahat ng kagustuhan kung ayaw mong lamunin ka nito ng buhay. Sa totoo lang, hindi rin minsan masakyan ng mga kabanda niya ang ugali nito. Masyadong mahigpit. Masyadong mainitin ang ulo. Yung bang parang timebomb na kapag maling wire ang ginalaw mo ay bigla na lamang sasabog. Minsan nga ay namumura pa ito ng palihim ng ilan sa mga kasama niya dahil nga sa napakahigpit nitong mga polisiya. Sa kabila n'on, hindi naging problema kay Dante ang pakisamahan ito. Maaring napakahigpit nga nito pero alam niyang alam nito ang dapat nitong gawin. Trabaho kung trabaho lang.
"Oo nga, Sir. Balita ko nga, kapag sinabi no'n na tanggal ka na, tanggal ka na talaga agad. Wala nang mahabang usapan pa," gatong naman ng isa. Nakahawak ito sa earpiece na nakasuot sa tainga at palinga-linga sa paligid na animo'y may kung anong death threat sa buhay ng mang-aawit. "Bago lang ako dito, Sir, at ayoko pang mawalan ng trabaho."
"Ahh," sambit na lamang ni Dante na punong-puno ng pagkamangha dahil sa kabila ng naglalakihan nitong mga pangangatawan ay tila nagsibahag ang mga buntot nito sa kilalang music producer. "Ako nang bahalang magpaliwanag kay Boss. Don't worry. I just really hate being followed around."
"Hindi talaga p'wede, Sir. Pasensya na."Napabuntong hininga na lamang si Dante sa kabiguan at muling nagpatuloy sa paglalakad sa hallway habang patuloy pa rin ang pagsunod ng mga ito sa kanya. Alam niyang wala naman talagang mangyayari kahit pakiusapan niya pa ang mga itong muli. They are under Sean's spell and he knows that he really can't do anything about it. Isinuot na lamang niya muli ang nakapatong sa leeg na headset bago ipinagpatuloy ang ginagawa kaninang pag-contact sa nami-miss na naman niyang minamahal.
Bakit kaya hindi niya sinasagot ang tawag ko?
*****
(Scarlett)
"I still can't believe you didn't tell me," hindi pa rin nakaka-move on na sambit ni Nina habang nakahawak ito sa manibela at seryoso sa pagmamaneho. Kakalampas pa lamang nila sa arko ng bayan ng Montella at ngayon nga'y patungo na sa kalapit na probinsya ng Cavite kung saan tutugtog ang bandang Red Serenade.
Nginitian lamang ito ni Scar na nasa passenger's seat bago muling ibinaling ang tingin sa bahagyang nakabukas na bintana ng sasakyan at pinagmasdan ang naglalakihang kabundukan sa 'di kalayuan.
"Nina, hinto mo muna sa gilid."
"Why? What's wrong? Susuka ka?" tugon ng kaibigan bago dahan-dahang inihinto at ipinarada ang sasakyan sa gilid ng daan. Puro pakurba at paikot kasi ang mga dinaanan nilang kalsada kanina at talagang nakakahilo sa pakiramdam kapag hindi ka sanay.
BINABASA MO ANG
Scarred
Romance[ Completed ] Magagawa mo bang maghintay para sa isang minamahal kung ang tanging panghahawakan mo lang ay ilang salitang isinulat sa isang gitara? | Romance | Drama | Coming-of-Age |