(SCAR)
Simula nang magka-ideya si Scar sa kunsepto ng pag-ibig ay nagsimula na ring maglaro sa kanyang murang isipan ang napakaraming katanungan ukol dito.
Sa murang edad, maagang nahilig ito sa pagbabasa ng mga libro na madalas na kakiligan ng mga mambabasa. Sa pamamagitan kasi ng mga salitang nakikita niya sa bawat pahina nito ay parang nalalaman na rin niya ang pakiramdam ng isang taong may iniibig. Bagay na hindi pa naman talaga niya personal na nararanasan.
Sa totoo lang, ngayon pa lang may nagpakita ng interes sa kanya kaya't hinding hindi niya kailanman malilimutan ang ekspresyon sa mukha ng binatang si Dante nang sagutin nito ang biglaang katanungan niya. Nagtataka nga rin siya kung bakit tila nahirapan itong sagutin ang napakasimple naman niyang tanong.
Ano bang mahirap sagutin sa tanong ko? Sabi nila, isa sa signs na may gusto sa'yo ang isang tao kapag lagi ka nitong sinusulyapan. Ilang beses ko kaya siyang nahuling nakatingin sa'kin simula pa lang sa loob ng simbahan.
"P-Paano k-kung... Oo?" nauutal na sambit nito sa wakas bago mabilis na nag-iwas ng tingin at ikinubli ang mukha sa nakasuot na hoodie sa ulo.
Hindi siya sigurado kung ilang minuto ang lumipas bago nito tuluyang nasagot ang tanong niya subalit may kakaibang dulot ang pagkakarinig niya sa sinabi nito.
My God. Bakit umiinit ang pisngi ko?
*****
"Mai, p'wede bang makitawag?" tanong ni Scar sa pinsang si Maica nang pasukin niya ang k'warto nito at maabutang nagta-type sa harap ng computer.
Mas matanda ito sa kanya subalit hindi niya nakasanayang tawagin itong "ate."
"Sino bang tatawagan mo? Wala akong load!"
"Kahit text lang? Please?" pangungulit niya rito habang pasimpleng sinisilip ang kung ano mang ginagawa nito sa computer.
"Haay, okay! Ibalik mo lang agad sakin 'to ha. May hinihintay akong text. Importante 'yon," napilitang tugon nito bago ipinaubaya ang gadget. "Now, leave me alone."
"Thanks! Love you pinsan kong maganda!"
"Nambola ka pa. Basta, bilisan mo. Go!"
Matapos tuluyang makalabas sa k'warto ng pinsan ay nasasabik na binuksan agad ni Scar ang phonebook sa cellphone. Agad naman siyang nanlumo nang walang nakitang 'Dante' sa listahan. Napapakagat labi na ini-scan niya ang listahan hanggang sa mapansin ang grupong may initial na 'CF' sa unahan. Mga sampung pangalan ang naroon kabilang ang pangalang Murky at Nigiel. Sigurado siyang ang mga kaibigan ni Dante iyon kaya't nabuhayan siya nang mapansin ang pangalang 'Aidan' sa listahan. Hindi siya sigurado kung si Dante nga iyon subalit nagbaka-sakali pa rin siya.
'Dante?' Mensahe niyang hindi nagpapakilala. Ilang minuto rin ang nagdaan bago tumunog ang cellphone na hawak.
'Yes?' tipid na sagot nito. Halos mapalundag siya sa tuwa dahil mukhang si Dante nga ang may ari ng numero. Napaisip tuloy siya kung bakit 'Aidan' ang naka-save na pangalan nito at hindi 'Dante'.
BINABASA MO ANG
Scarred
Lãng mạn[ Completed ] Magagawa mo bang maghintay para sa isang minamahal kung ang tanging panghahawakan mo lang ay ilang salitang isinulat sa isang gitara? | Romance | Drama | Coming-of-Age |