(DANTE)
Ilang buwan na ang nakakalipas simula nang maging sila ni Scar subalit hanggang ngayon ay hindi pa rin makapaniwala si Dante na magiging kasintahan niya ang babaeng nuo'y pinagmamasdan niya lamang sa may simbahan.
Habang dumaraan ang mga araw ay mas lalo kong napapatunayan na hindi ako nagkamali. Alam kong walang mali sa naging desisyon ko.
Habang naghihintay sa paglabas ng kasintahan ay abala siya sa pagtutupi sa mga papel na pinilas niya mula sa notebook, nakaupo rin siya sa waiting shed na hindi naman kalayuan sa gate ng eskwelahan. Ilang sandali pa'y isa-isa nang naglabasan ang mga estudyante mula roon.
"Dante!" tawag nito sa kanya habang kumakaway at nagmamadaling lumapit sa kanya.
Mabilis niyang itinago sa kanyang likuran ang mga itinuping papel bago siya tumayo upang salubungin ito.
"Ano 'yang itinatago mo sa likod mo?" tanong nito sa kanya. Suot ni Scar ang uniporme nitong long sleeve na may patch na pulang agila. Katerno nito ang kulay pula ring palda na abot hanggang tuhod. Para sa kanya ay bagay na bagay ang uniform na 'yon sa kasintahan.
"Alin? Wala naman ah," palusot niya rito bago inilagay ang kanang kamay sa bulsa.
"Wala ka d'yan, eh kitang kita ko kaya kanina n'ong nasa gate pa lang kami. 'Di ba Nina?" sabi nito bago tumingin sa kaibigang si Nina na palagi nitong kasama.
"O-oo," mabilis nitong tugon.
Marahan niyang inilabas ang mga bulaklak na ginawa mula sa papel. Mababakas ang pagkatuwa sa mukha ni Scar nang ibinigay niya ito.
"Ay, ang sweet mo talaga," sabi nito bago siya kinurot sa pisngi nang napakadiin, "kaso ang kuripot mo! P'wede bang sa susunod tunay na bulaklak na?" pagbibiro pa nito habang mababakas ang ngiti sa kurba ng labi.
Kinindatan at nginitian niya lamang ang kasintahan at sandaling ibinaling ang atensyon sa kaibigan nito.
"Salamat sa pagbabantay sa prinsesa ko, Nina," sabi niya rito bago niya inabutan din ng bulaklak na papel.
"Ay meron din ako. Thanks ha!" mabilis nitong kinuha ang bulaklak na papel bago ito inilapit sa ilong at tila inamoy.
"Ang sweet niya noh?" nakangiting sabi ni Scar, "maghanap ka na rin kasi ng boyfriend mo, Nina."
"Naku, wala pa 'yan sa isip ko. Baka palayasin ako ng mom ko sa bahay ng wala sa oras," patuloy pa rin nitong inaamoy ang bulaklak na papel. Sa totoo lang, wala naman talagang maaamoy sa bulaklak na 'yon dahil nga gawa lang 'yon sa mga pahina ng notebook kaya nagtataka si Dante kung bakit nito ginagawa 'yon.
"Bata? Ilang buwan lang naman tanda ko sa'yo ah!" pangungumbinsi pa ni Scar sa kaibigan.
"Basta ayoko muna sa ngayon," sabi nito habang nakatingin sa bulaklak at pinaiikot-ikot ang tangkay sa pagitan ng daliri.
BINABASA MO ANG
Scarred
Romance[ Completed ] Magagawa mo bang maghintay para sa isang minamahal kung ang tanging panghahawakan mo lang ay ilang salitang isinulat sa isang gitara? | Romance | Drama | Coming-of-Age |