(Dante)
Patuloy sa pagdagundong ang kulog na nagmumula sa napakadilim na kalangitan. Tila nagbabadya rin ang isang malakas na ulan na balak pa yata na makisimpatiya sa nararamdamang kalungkutan ni Dante. Hanggang sa mga sandaling 'yon ay hindi niya pa rin mapagtanto kung anong tunay na dahilan kung bakit kailangang mangyari ang mga nangyayari. Paulit-ulit niyang sinusubukang alalahanin ang lahat simula nang araw na makilala niya si Scar ngunit wala talaga siyang maisip na maaaring dahilan kung bakit bigla na lamang siyang ayaw nang kausapin nito.
"Ano ba talagang nagawa ko?" hindi niya maiwasang itanong ng paulit-ulit sa kanyang sarili.
Ayaw niyang tuluyang matapos ang araw na 'to ng hindi niya nakakausap o nakikita man lang si Scar. Alam niyang babasahin nito ang kanyang iniwanang sulat at mabilis siyang pupuntahan nito upang ipaliwanag sa kanya ang lahat. Alam niyang hindi siya nito matitiis ng matagal kung kaya't matiyaga siyang naghintay sa labas ng bahay nito.
Pinili niyang pumwesto sa upuan sa tabi ng bakuran kung saan madalas nilang pagmasdan ang mga bituin na ngayon ay nagtatago sa likod ng napaka-kapal na mga ulap. Hindi niya alam kung ilang oras na ang lumilipas pero wala sa kanyang isipan na basta na lamang sumuko, na basta na lang umalis na hindi naaayos ang lahat. Hindi niya hahayaang mangyari 'yon. Hindi sa pagkakataon na 'to.
Maya-maya pa ay nakarinig siya ng ingay na nanggagaling mula sa loob ng bakuran. Mahina lamang iyon pero hindi siya pwedeng magkamali, alam niyang tinig iyon ni Scar.
Agad siyang tumayo at mabilis na lumapit papunta sa gate. Medyo may kataasan ang bakuran nito kung kaya mula rito lamang masisilip ang nasa loob. Nang dungawin niya ito ay hindi siya makapaniwala sa kanyang nakita na agad na nakapag palaki sa kanyang mga mata.
Scar. . .
Sa isang iglap, biglang nakaramdam ng matinding takot si Dante, hindi niya alam kung anong ginagawa ni Scar sa mga oras na 'yon pero pakiramdam niya'y muling mauulit ang lahat. Ang lahat ng nangyari noong malagim na gabing 'yon. Gabing kailanman ay hindi nabura o mabubura sa kanyang isipan.
Nanatili siyang natakatayo sa harapan ng gate, nakatulala, hindi makagalaw, nagpapawis ang buong katawan at nanginginig ang mga kamay. Ito ang pakiramdam na pinaka-ayaw niya sa mundo.
Hindi niya lubos na maintindihan kung anong ginagawa ni Scar sa mga sandaling 'yon, may hawak itong isang maliit na kulay puting papel at kitang-kita niya ang pagdaloy ng luha sa mga pisngi nito habang dahan-dahan nito iyong inilalapit sa apoy.
Maya-maya pa'y bigla na lamang nitong isinigaw ang kanyang pangalan, "Dante!" umiiyak na sambit nito bago tuluyang inilayo ang hawak na papel mula sa apoy. Bahagyang nasunog ang kalahating bahagi nito, "Dante! Dante ko!" sigaw nitong muli habang pinapahiran ang luha gamit ang likod ng kamay. Ramdam na ramdam niya ang lungkot sa tinig ng kasintahan ngunit wala siyang magawa.
Halo-halo na ang kanyang mga nararamdaman ng mga sandaling 'yon. Nais niyang lapitan ito pero pakiramdam niya'y tuluyan na siyang nawalan ng kontrol sa kanyang sariling katawan. Patuloy ito sa panginginig. Gusto niyang sumigaw, tumakbo palayo at magtago kung saan pero dahil sa kung anong kadahilanan ay hindi niya maigalaw ang kanyang mga kalamnan. Tuluyan nang binalot ng matinding takot ang kanyang kaisipan. Takot sa nagliliyab na apoy.
BINABASA MO ANG
Scarred
Romance[ Completed ] Magagawa mo bang maghintay para sa isang minamahal kung ang tanging panghahawakan mo lang ay ilang salitang isinulat sa isang gitara? | Romance | Drama | Coming-of-Age |