Chapter 8

16.4K 291 7
                                    

Gaano kalalim ang sakit na dapat nating maramdaman bago tayo tuluyang mamanhid?

Bawat minuto, lumulutang ako habang umuusad ang ibang tao. Bawat tahip ng puso ko, masakit. Bawat kurap, nakakatakot. Para akong naglalakad sa dilim—walang kasiguraduhan, hindi alam kung paano kikilos.

Nandito na naman ako sa malamig na pasilyo.

Sa morgue. . .

Sa harap ng kabaong. . .

Humaplos ang kamay ni Anjie sa braso ko. Pamilyar ang pakiramdam. Wala pang isang buwan nang huling damayan niya ako dahil nawala si Papa.

"May pulis," bulong niya. "Interview daw."

Sa likod ko, tahimik na nagdadalamhati ang mga kamag-anak ko. Hindi ako tumitingin sa kahit sino dahil alam kong sa oras na makita ko kung gaano sila nasasaktan, maglulumpasay ako rito.

Lumabas ako sa apartment nina Tita Chona at pinuntahan ang pulis na naghihintay sa labas. Nakatayo siya sa gate habang may hawak na maliit na notepad. Siguradong hindi ko siya ka-edad, pero hindi rin siya gano'n katanda.

Nakasuot siya ng puting t-shirt, itim na jeans at itim na bomber jacket. Kumunot ang noo ko. Tipid siyang ngumiti at ipinakita ang ID niya.

Gino Fernan.

"Okay lang ba ma-interview ka saglit?" tanong niya.

Naglakad kami papunta sa maliit na park sa dulo ng kalye. Alam ko kung para saan 'tong interview pero hindi matanggap ng isip ko.

"Nag-aaral ka pa?"

Tumango ako. "4th year," sagot ko.

"Nag-o-OJT ka na?"

"Hindi pa."

Hindi ako mahilig sa small talk, pero alam kong bumubuwelo lang din siya. Papalubog na ang araw at mahamog na kaya niyakap ko ang sarili ko. Huminto siya sa paglalakad para hubarin ang suot niyang jacket.

Inilapat niya ang jacket sa balikat ko kaya natigilan ako. Takang-taka ako habang nakatitig sa kaniya. Nagpatuloy siya sa paglalakad na parang walang nangyari.

Pagdating namin sa park, nag-aalisan na ang mga bata sa kalsada. May batuhang daan at mga bulaklak sa paligid kaya medyo ginanahan akong maglakad lakad.

Mabagal at maliit ang hakbang namin habang dinadama ang hangin.

"Condolence. . ." bulong niya. Tumango ako. "Nag-background check na kami. Na-demolish ang mga bahay niyo sa Pangasinan. Pumanaw ang Papa mo. . ."

Alam kong ginagawa niya lang ang trabaho niya kaya hinayaan ko siya kahit kumikirot ang dibdib ko sa mga naririnig ko. Tiis lang, Clariz.

"Itong nangyari kay Mrs. Belleza, homicide," balita niya.

Nangilid ang luha ko habang nakakapit nang mahigpit sa hawak kong jacket. Dumoble ang panlalamig ko.

"Kailangan nating mahamap ang gun man at malaman ang motibo, o kung may nag-utos. May. . . kilala ka ba?" tanong niya.

Huminga ako nang malalim at marahang sinipa ang maliit na bato sa daan. "Sa Pangasinan, na-demolish 'yong bahay namin. Doon namatay si Papa," panimula ko. "Kaya. . . pinuntahan ko 'yong bumili ng lupa at nagpa-demolish."

"Mga Delvan," sabi niya. Nilingon ko siya. "Kailan mo sila pinuntahan?" tanong niya.

Suminghap ako at huminga nang malalim. "No'ng araw na namatay si Mama." Nangili ang luha ko kaya inilibot ko ang tingin ko sa paligid.

"Nire-review na 'yung mga CCTV sa daan. Sasabihan kita kung may lead. Magpahinga ka muna—"

Tumigil ako sa paglalakad at hinarap siya. "Kung mga Delvan nga, pa'no sila makukulong? Bibilhin niya lang kayong mga pulis," bulong ko.

When Liars PlayTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon