Chapter 15

14.7K 234 12
                                    

Kanina lang yata ako nagkaron nang sapat na tulog. Sobrang pagod ako kahapon. Sumuko na rin ang katawan ko kakaisip at nakatulog na lang.

Pagbaba ko, natanaw ko agad si Eric sa kabilang kalsada. Nagce-cellphone siya at nakasandal sa kotse niya, nakasuksok sa bulsa ang isang kamay.

May apat na babaeng nagkukumpulan sa isang lamesa at nakatanaw kay Eric. Isa doon si Bless.

Lumapit siya agad sa 'kin. "Sure kang hindi mo jowa yan, Ate?" tanong niya habang nangingiti.

Umiling ako agad. "Hindi nga." Iniwan ko na sila. Narinig ko pang humahagikgik si Bless paglabas ko ng gate.

Natanaw ko ni Eric kaya tumayo siya nang diretso. Pinasadahan niya ako ng tingin. Nakasuot lang ako ng simpleng jeans at itim na polo shirt. Jina-judge siguro nito ang ayos ko. Nakasuot kasi siya ng tipikal niyang office suit.

"Good morning," bati niya, medyo nangingiti.

Saglit ko siyang tinitigan habang nakasimangot. Sa totoo lang, akala ko malilimutan niya rin ang text niya kaya kinalimutan ko na rin ang plano ko kagabi. Pero nandito talaga siya. Sa harap ng isang tulad ko, nakatayo ang isang tulad niya.

Hindi ako mahilig mangarap. Ni hindi sumagi sa isip ko na may ganitong taong maghihintay para sa 'kin. Kahit pa niloloko niya lang ako, one in a million pa rin talaga ang ganito. Sobrang layo ng mundo namin pero magkaharap kami ngayon dahil sa abot-langit na kasamaan ng pamilya niya.

Napawi ang ngiti sa labi niya. "Did I ruin your morning already?"

Kumapit ako sa strap ng dala kong tote bag at saka ngumiti nang marahan. Nandito na rin lang ako, sisimulan ko na.

"Akala ko lang makakalimutan mo," sabi ko, medyo malambing.

Marahang siyang umiling at ngumiti. "Napansin mo bang sobrang late ko nag-text? Ilang oras kong pinag-isipan 'yan." Lumingon siya isang beses sa cellphone niya. "Male-late ka na ba? Tara na?" Mas humigpit ang kapit ko sa strap ng tote bag ko. Napansin niya 'yon kaya natahimik din siya. "You don't have to do this if you're uncomfortable. . ." sabi niya.

Sa lumipas na dalawang minuto, siya lang ang nagsalita. Bigla akong natahimik dahil hindi ko inaasahan na ganito siya kagaling maglaro ng emosyon. Parang totoo ang bawat tanong, bawat tingin.

Tumikhim ako at umiwas ng tingin. Nire-reverse psychology yata ako nito. Ako naman ang umiling. "Nagugulat lang," sagot ko.

Tumango siya pero parang hindi pa rin kumbinsido. Dumiretso na lang ako sa passenger seat at binuksan ang pinto. Nauna akong sumakay at tumitig sa labas habang hinihintay siya.

Pag-upo niya, ini-start niya agad ang sasakyan at binuksan ang radio. Huminga ako nang malalim pero hindi ko naibuga nang matanaw ko ang braso niya sa mukha ko. Inabot niya ang dulo ng seatbelt sa gilid ko.

Saka lang ako nakahinga no'ng nag-click ang buckle. Hinawi ko ang buhok ko at marahang tumikhim.

"Do you like coffee? Pwede tayong mag-drive thru," alok niya.

Tumango ako at saka tumanaw sa labas. "May Starbucks tayo na madadaanan," sabi ko.

"You told me last time that you're working?" tanong niya sa gitna ng biyahe.

"Oo."

"Saan?"

Dalawa lang 'to, pwedeng alam niya na at tinitingnan niya lang kung aaminin akong amo ko ngayon si Sir Eros o baka wala talaga siyang alam.

"Alam mo ang address at number ko. Pero hindi mo talaga alam kung saan ako nagtatrabaho?" tanong ko.

Nagkamot siya ng batok at saka ngumiti. "I have my ways, yes. But now I just want to know things about you. . . from you. Pero nakikita kong pareho kayo ni Eros. You're too secretive."

When Liars PlayTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon