Chapter 9

17.6K 323 10
                                        

Iba ang nagagawa ng motivation. Kahit sobrang hirap ng buhay, nakakausad basta motivated.

Ngayong wala na ang parents ko, parang wala nang silbi mabuhay. Gusto ko na lang iiyak lahat. Wala naman akong engrandeng pangarap. Simple lang ang gusto ko; mabigyan sila ng magandang buhay.

Pero wala na sila.

Natigil ako sa pag-iisip nang may kumatok sa pinto.

"Clariz?" tanong ni Ate Carla sa labas.

Lumapit ako sa pinto para pagbuksan siya. "Po?"

"May pulis sa baba. Tungkol daw sa kaso ng Mama mo. . ." sabi niya.

Motivation. Pwede kayang maging motivation ang galit? Kailangang may magbayad sa mga nangyayari sa 'kin sa kahit anong paraan. Maniningil ako.

"Kumain ka na ba? tanong ni Ate Carla.

Tipid akong ngumiti at tumango. "Opo. Bababa na 'ko mamaya," sagot ko.

Pag-alis niya, bumalik ako sa lamesa para kunin ang cellphone ko. Tinitigan ko saglit ang cup noodles sa lamesa na hindi ko man lang nagalaw. Kinuha ko 'yon at nilagay sa lababo bago hinablot ang bag ko sa kama.

Sa baba ng apartment, naabutan ko si Sir Gino sa karinderya. Nakatitig siya sa hawak niyang baso ng tubig na nakapatong sa lamesa.

Pagkakita niya sa 'kin, tipid siyang ngumiti at naupo nang diretso. "Good morning," bati niya.

Ngumiti lang din ako. "Sorry sa nangyari last time, Sir" sabi ko tungkol sa pagkahimatay ko sa harap niya.

Umiling siya. "Gino na lang. Maayos ba pakiramdam mo?"

Tumango ako. "May balita ba sa kaso ng Mama ko?"

Umiwas siya ng tingin, parang nag-iisip. "Huminto sa isang covered court 'yong gunman, pero hindi na namin masundan sa CCTV kung saan nagpunta. Maraming blind spot sa lugar na 'yon. Walang plaka motor kaya lalong hindi ma-trace," paliwanag niya.

"Paano siya mahahanap, kung gano'n?"

Humalukipkip siya at kinagat ang ibabang labi. "Mabilis ang takbo ng motor niya no'ng pinaputok niya 'yong baril. Ibig sabihin, professional. Kapag pro, mahal ang bayad."

"Kaya mayaman ang nagbayad. . ." dugtong ko.

Marahan siyang tumango. "Itong mga professional na gunman, may mga organization 'yan. Ang kliyente nila, madalas politiko o negosyante." Naglabas siya ng isang picture na nakaipit sa dala niyang notebook at pinakita sa 'kin.

Humilig ako palapit sa lamesa para tingnan ang picture—kamay ng lalaking nakahawak sa handle ng motor. Nakasuot ng silver na singsing; may onyx na batong hugis oval.

"Sa fraternity sa college, nagpapagawa sila ng customized na singsing para sa mga miyembro. Ito pa lang ang lead sa ngayon. Susubukan naming malaman kung anong samahan ang gumagamit ng ganitong singsing."

Marahan akong tumango. "Umamin si Mr. Delvan. . ." bulong ko.

"Sayo?" gulat na tanong niya.

Tumango ako at bumuntonghininga. "Kailangan nilang managot at makulong. Wala silang awa."

Hindi na siya nakapagsalita habang pinoproseso ang nalaman. Naglabas ako ng ballpen at kinuha ang dala niyang notebook. Isinulat ko ang number ko. "Pakitawagan ako agad kapag may bagong lead," pakiusap ko.

Marahan siyang tumango.

Sa campus, ilang oras na naman akong nameke ng ngiti. Ayokong sumimangot buong araw kaya pinilit kong makitungo at makipag-usap sa mga kaklase ko.

When Liars PlayTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon