Chapter 26

12.1K 219 2
                                    

Nakuha ko kagabi ang number ni Wilson kaya hindi ko na pinalampas ang pagkakataon nang malaman kong wala kaming klase. Kating-kati na 'kong matapos itong lunch kasama si Eric pero napaupo ako nang diretso nang mapansin niya 'ko.

"Kailangan mo na bang bumalik agad sa school?"

Umiling ako at tinigilan ang pagsulyap sa relo ko. "Hindi naman. May kailangan lang akong gawin na activity, pero hindi naman ako nagmamadali."

"Anyway, sumahod ka na ba? Saan ka kumukuha ng expenses mo?"

Ngumiti ako agad at tinaasan siya ng kilay. "Sugar daddy ba kita?"

Tumawa siya at pinisil ang ilong ko. "You didn't have to call it like that."

Tumawa na rin ako habang pasimpleng sumusulyap sa relo ko. "Pinadalhan ako ng mga tito at tita ko pero naghanap pa rin ako ng trabaho para mabayaran ko sila pagsahod ko."

"Kung may kailangan ka sa school—"

Umiling ako agad kaya natigilan siya. "Ano ka ba, 'wag mo nang isipin 'yong mga gastusin ko. Kapag nasanay ako baka pati kuryente at tubig ipabayad ko sa 'yo."

Ngumiti rin siya at nagkibit-balikat. "Kung pwede lang sa 'kin ka na tumira, e."

Pinilit kong ngumiti kahit gusto ko nang iluwa ang pagkain sa bibig ko. "Funny."

Nagtalo pa kami sa lobby dahil gusto niyang ihatid ako sa school pero nagpumilit akong huwag na. Pinanood ko ang sasakyan niyang makalayo bago ako nagsimulang maglakad-lakad habang tinatawagan si Wilson.

"Hello?"

"Hi, Wilson!"

Matagal siyang nakasagot kaya tiningnan ko ang screen bago binalik sa tainga ko ang cellphone. "Hello?"

"Ano? Nasa meeting ako."

"Ows, taganood ka lang naman diyan. 'Tsaka 'di ba may isa ka pang purpose? Kailangan mong mapa-oo 'yong Zenaida sa New York."

"Ikaw, hindi mo na 'ko madadaan sa ganyang boses mo—"

"Sssh, ang dami mong sinasabi. Tuturuan kita, remember? 'Tsaka malaking trabaho 'to. Hindi ka ba natatakot na baka pumalya ka?"

"Hindi ko kailangang humingi ng tulong sa 'yo."

"Bakit, may iba ka bang mahihingan ng tulong?" Hindi siya sumagot kaya natawa ako. "As usual, Wilson. Wala kang kaibigang babae."

"Bakit naman ako hihingi ng tulong sa babae?"

Pinatay niya ang tawag pero kusa na lang akong napangiti. Hintayin mo lang. Naupo ako sa isang waiting shed at tinawagan si Officer Gino. "Hello, Officer. May kailangan akong ipahanap na bahay."

"Kanino? Hahanapin ko habang nasa opisina pa 'ko."

"Wilson Del Valle Mariano. Personal assistant siya ni Domingo Delvan."

"Sige, sandali lang."

"Ah, wait lang. Officer?"

"Bakit?"

"Kailangan ko ng isa pang tulong. Maliit na maliit lang naman."

Maya-maya, natanggap ko ang text ni Officer Gino kaya napangiti ako nang tipid. Dinala ako ni Eric papunta sa 'yo Wilson, kaya hindi ka pwedeng umiwas sa 'kin. Ikaw ang pinakakailangan ko ngayon.

Nag-book ako ng sasakyan at nagpahatid sa bahay ni Wilson. Nang makababa ako, tinawagan ko siya ulit.

"It's me again!"

When Liars PlayTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon