Nagpahinga ako pagkatapos naming lumangoy habang nagtungo naman si Eric sa meeting niya. Hindi ko alam kung ilang oras akong nakatulog hanggang sa nagising na lang ako sa sobrang lamig.
Bumangon na ako at saka pinatay ang aircon. Binuklat ko ang kurtina para matanaw ang dagat sa labas pero agad na kumalabog ang dibdib ko nang makita kung sino ang nakatayo roon.
Isinara ko agad ang kurtina pero naisip kong malaki ang tiyansang alam na ni Sir Eros na narito ako. Naupo ako sa kama at tiningnan ang repleksyon ko sa salamin. Inayos ko agad ang sarili ko at nagbihis ng dress bago bumaba sa lobby.
Nang makarating ako sa entrance, lumapit agad sa 'kin ang isang guard. "I was told to be with you at all times."
"Doon lang ako sa dalampasigan. Nandito pala si Sir Eros?"
Tumango siya. "Yes, Ma'am. Kadarating lang. Sinabi kong nagpapahinga ka kaya roon siya naghintay."
Tumango ako at nagtungo na sa dalampasigan. Tumikhim ako nang makalapit ako kaya lumingon siya at pinasadahan ako ng tingin. May nilingon siya sa malayong likod na panigurdong 'yong guard ni Eric.
Nang bumaling siya sa 'kin, muli niya akong tiningnan mula ulo hanggang paa. Sa pagkakataong 'yon, nanliit ako. Siguro tinatantya niya kung nagalaw na ba ako?
"Bakit ka nandito?" Hindi ko magawang lakasan ang boses ko dahil natatakot ako sa matalim niyang tingin.
"I need to talk to you."
Bumuntonghininga ako at tumanaw sa dagat. "Ano namang pag-uusapan natin?"
"Marami."
Hinila niya ako patungo sa isang cabin dito sa resort pero hindi katulad ng kubo sa likod ng resort, may pinto ito kaya hindi tanaw ang labas. Nang mabuksan niya ang pinto, nagdalawang-isip pa ako sa pagpasok pero marahang lumapat ang kamay niya sa siko ko at iginiya ako papasok.
Naupo ako agad sa sofa na gawa sa rattan habang pinagmamasdan siya. "Sinundan mo ba kami?"
"Sumama ka pa talaga rito?" mabilis niyang tanong.
Naupo siya sa coffee table na katapat ng sofa kaya napaatras ako.
"Desisyon ko 'to at labas ka sa desisyon ko. Hindi mo ba napapansin 'yang sarili mo? Inuubos mo ang oras mo sa 'kin. Wala ka bang sariling buhay?"
Pumungay ang mga mata niya habang nakatingin sa 'kin. "Kung pwede ko lang alisin 'tong pag-aalala ko sa 'yo, matagal ko nang ginawa."
Hinawakan niya ang kamay ko pero agad ko 'yong binawi. Bumibilis na naman ang pintig ng puso ko kaya umiwas ako ng tingin.
Hindi ka pwedeng bumigay, Clariz. Nandito ka na at hindi mo pwedeng basta na lang isuko ang lahat.
"Kung nagpunta ka lang dito para awayin ako, bumalik ka na lang." Lumapit ako sa pinto pero hinablot niya ako pabalik kaya pumiglas ako. "Bitawan mo 'ko!"
Hinila niya ako pabalik sa sofa at pinaupo habang siya, nakatalikod sa 'kin at nakapamaywang habang nakatingala at tila nauubusan na ng pasensya.
Nang humarap siya sa akin, napakurap ako nang makita ang pamumula ng leeg niya at mga mata. "Sa tingin mo ba kapag nakaganti ka, tapos na? Nakuha mo ang atensyon niya kaya hindi ka niya titigilan! At kung hindi ka sa kaniya mapupunta, sisiguraduhin niyang hindi ka mapupunta kahit kanino." Bumalik siya sa pagkakaupo sa coffee table. "Alam mo ba kung anong ibig sabihin n'on?"
"Hindi niya malalaman sa ngayon kung hindi ka magsasalita—"
"Sa tingin mo, hindi niya malalaman? Alam niya kung niloloko siya o hindi."
"Kung alam niya na ngayon, bakit niya pa ako dinala rito? Ibig sabihin, wala pa siyang alam."
"Ibig sabihin, may plano rin siya sa 'yo! That's why I am fucking here! Kaya binabalaan kita simula pa lang."
"Hayaan mo na lang ako."
"Hangga't teacher mo 'ko, responsibilidad kita—"
"Alam ko na 'yon. Hindi ko hiningi sayo 'yan kaya sana umiwas ka na lang sa 'kin kasi tuwing nakikita kita, nasasaktan ako. Hindi mo ba nakikita? I am attracted to you, kaya sana... mag-iwasan na lang tayo dahil ayoko nang lumalim pa 'to!"
Natigilan siya sa biglaan kong pagsigaw. Kagat ko ang labi ko habang inuulan ng pagsisisi.
Ang tanga mo, Clariz. Ano 'yong mga pinagsasasabi mo?!
Bumuntonghininga siya at kalmadong tumingin sa akin bago ako hinila para halikan kaya mabilis ko siyang naitulak. "Hinalikan ako ng kapatid mo."
Napakurap siya habang hindi makapaniwala. Umiwas ako ng tingin habang iniinda ang paninikip ng dibdib ko. Muling pumungay ang mga mata niya habang hawak ang mga kamay ko.
"Umalis na tayo rito. I'll help you recover. You don't have to do this."
Kusang tumulo ang luha ko dahil nahihirapan ako. Nahihirapan akong bitiwan ang lahat at piliin na lang siya.
"Kung hindi mo maitigil na gamitin siya, ako na lang. Kahit ako na lang, Clariz."
Binawi ko ang kamay ko at mas lalong naiyak. Itinakip ko ang magkabila kong palad sa mukha ko dahil sa kahihiyan. Handa siyang magpagamit para sa akin, kahit mali, kahit masasaktan ko siya. Pero mali siya ng iniisip, hinding-hindi ko siya magagawang gamitin.
"Umalis ka na, please."
Hinuli niya ang dalawang kamay ko.
"Bakit hindi na lang ako?"
Marahas ko 'yong binawi at pinagmasdan siya. "Dahil mahal nga kita. Mahal na mahal kita at hindi ko kayang gamitin ka lang. Hindi ako kasing-sama ng iniisip mo. I don't use people like you. Ang manlolokong tulad ko ay para sa mga manlolokong tulad ni Eric. At ikaw, hindi mo deserve ang ganito. Hindi mo 'ko deserve."
Tumayo siya at nilahad ang kamay. "Ito na ang huling tatanungin kita. Sumama ka sa 'kin at itigil mo na lahat ng 'to bago ka pa mapahamak." Mas lalo akong naiyak nang magtama ang tingin namin. Hindi ko siya magawang piliin kaya mas lalo akong nasasaktan.
"Sorry..." Dahan-dahan akong umiling habang tila pinipiga ang puso ko. Tumalikod na siya at naglakad patungo sa pinto. Binalot ako agad ng takot habang pinagmamasdan siya. Pakiramdam ko, oras na lumabas siya rito, mawawala na siya sa buhay ko. Para bang ito na ang huling makikita ko siya.
Padarag niyang isinara ang pinto kaya naiwan akong mag-isa rito. Ilang minuto pa akong umiyak at hindi ko na alam kung kailan 'to mauubos. Halos hindi ako makahinga habang tuloy-tuloy ang paghikbi. Gusto ko siyang hilahin at yakapin, samahan siyang lumayo, pero hindi pag-ibig ang sagot sa lahat. Minsan, para talunin ang demonyo, kailangan mong maging demonyo rin. At hindi tulad ko ang babagay kay Sir Eros.
Pagbalik ko sa resort, dumiretso ako sa kwarto at doon inubos ang oras para umiyak. Nakatulog ako ulit at alas sais na ng gabi nang magising ako. Paglabas ko sa kwarto, naabutan ko si Eric sa sala na may inaasikasong mga papeles.
"Dito ko na ginawa 'to para mabantayan kita. Nalaman ko kay Lando 'yong nangyari and look at your eyes, anong napag-usapan n'yo?"

BINABASA MO ANG
When Liars Play
RomanceEros Delvan is the most attractive professor Clariz met at school. Their interactions are always minimal, so she expects to graduate with nothing more than a civil relationship with him. But a wealthy man kills her parents and he is Eros' father. T...