Malamig ang hangin sa sementeryo. Tahimik na umiiyak ang mga kamag-anak ko habang pinapanood naming isilid sa nitso ang kabaong ni Papa.
Sa gilid, umiiyak si Mama habang yakap siya ni Tita Chona.
Hindi ako makagalaw sa kinatatayuan ko. Parang pinipigtas ang bawat ugat ko sa katawan. Basang basa ng luha ang pisngi ko, pero wala akong lakas kahit magpunas man lang.
Gusto kong tumakbo at lumayo. Baka sakaling kayang pagalingin ng distansya lahat ng sakit na nararamdaman ko.
Kung pwede ko lang ibalik ang oras, ilalayo ko sila sa lugar na 'yon. Hindi ko sila iiwan. Lahat ng pagsisisi ko sa araw na umalis ako, bumubuhos na parang bangungot.
Naramdaman ko ang palad ni Anjie sa braso ko. "Tara na sa jeep para makapag almusal ka na. Kagabi ka pa hindi kumakain," paalala niya.
Pagkatapos ng libing, dumiretso kami sa apartment ni Tito Rey. Nagluto ang mga tita ko para sa 'ming lahat.
Naglalaro ang mga batang pinsan ko sa bakanteng lote sa likod ng apartment kaya binabantayan ko sila. Katabi ko si Anjie na nagre-review para sa quiz.
"Gusto mo na ba umuwi?" tanong ko.
Sumimangot siya sa 'kin. "Kung wala ako dito, baka kung saan ka pa mapadpad," sagot niya.
Ngumuso ako at inubos ang kinakain kong pansit. Pagdating ng hapon, nag-ready na kami para umalis. Kumuha kami ng taxi pabalik sa apartment ko. Sinundo naman ng kuya niya si Anjie para makauwi.
Tahimik lang si Mama hanggang sa makarating kami sa apartment.
"Pahinga ka muna, Ma. Ako na magsasaing mamaya," sabi ko.
"Magluluto ako. Saan ba ang palengke dito?"
Umiling ako at inayos ang unan sa kama. "Ako na, Ma. Pahinga ka na lang."
Naluluha na naman siya pero pinilit kong ngumiti. Ayokong mag-iyakan pa kami hanggang pag-uwi dahil baka hindi na talaga ako makakilos.
Gusto kong magpatuloy.
Ayokong ma-stuck sa sakit kasi alam kong kaunting trigger lang sa 'kin, baka gustuhin ko nang sumunod kay Papa.
Dahil dito rin sa Lucena lumipat sila Tita Chona at Tito Darius, pinapunta nila si Mama sa kanila para may kasama. Lumipas ang Sabado at Linggo na parang lumulutang lang ako dito sa apartment. Mabuti na 'yong may kasama si Mama kapag may pasok na 'ko.
Tinignan ko ang calendar sa cellphone ko habang nakapila sa elevator. Isang linggo akong absent dahil sa burol at libing ni Papa, pero once a week lang din naman ang mga subject ko. Wala akong masyadong na-miss bukod sa lectures at quiz.
Pagdating ko sa room, napansin kong nag-aabang agad ang mga kaklase ko.
"Condolence, Clariz."
Isa-isa silang nagpaabot ng pakikiramay kaya tipid akong ngumiti. Marami ring nag-chat noong weekends pa pero hindi ako sinipag mag-reply.
Tumabi ako kay Anjie na pinapanood akong mabuti. "Nakatulog ka man lang ba?" tanong niya.
"Medyo."
"May klase na kay Sir Eros mamaya," sabi niya. Tahimik lang ako. "Galit ka ba sa kaniya?" tanong niya.
Huminga ako nang malalim at umiling. "Wala rin naman siyang magagawa," sagot ko.
Gusto kong magalit sa mundo.
Gusto kong sisihin lahat ng kaya kong sisihin kasi napakabuting tao ng papa ko. Hindi siya dapat maagang kinuha sa 'min. Pero bilang anak, alam kong mahirap para kay Sir Eros na baguhin ang gano'ng gawin ng mga magulang niya.
BINABASA MO ANG
When Liars Play
RomanceEros Delvan is the most attractive professor Clariz met at school. Their interactions are always minimal, so she expects to graduate with nothing more than a civil relationship with him. But a wealthy man kills her parents and he is Eros' father. T...