****All Characters and Events in this story are entirely fictional. Any resemblance to events,real persons, living or dead is purely coincidental****
NAMTAR's POV
"Bilisan mo nga Enlil. Malelate na tayo" nagkukumahog na sambit ng aking Ina na pabalik balik sa pagsilip sa bintana.
Pinagmasdan ko siya habang isa isang inilalagay ang ilang piraso ng aking damit sa loob ng maliit na bag.
Umupo ako sa maliit na lamesang aming kinakainan. Hindi ko mawari ang dahilan ng kaniyang pagmamdali. Isinuot nito ang belong itim sa kaniyang mukha at iniipit ang dulong bahagi sa pangilalim na damit.
"Ina bakit kailangan mong itago ang iyong maganda mukha?" tanong ko.
Sa mura kong edad na labing isa ay alam kong hindi ordinaryo ang ganda ng aking Ina. Namumukod tangi ang ganda nito sa gabi sa tuwing tinatanggal niya ang telang nagtatago sa kaniyang mukha. Minsan nga kapag nagigising ako sa kalagitnaan ng aking pagtulog, para akong namamalikmata sa kaniyang ganda habang siya'y nakatanaw sa bilugang buwan sa maliit naming bintana.
Napakalambot ng kaniyang kulay kremang balat.Ang parang alon alon niyang buhok na umaabot sa kaniyang paanan ay kasing itim ng gabi. Minsan pa'y inaakala kong isang Diyosa ang kumakanta sa akin sa tuwing hihiga ako sa kaniyang hita habang ako'y kaniyang kinakatahan sa aking pagtulog.
"Bawal magpakita ng balat ang mga babae anak" sagot nitong ngumiti sa akin. Napangiti na rin ako sa kaniya. Ang kaniyang mga mata at labi ay nagbibigay sa akin ng kapanatagan sa tuwing may inaalala ako o iniisip.
"Halika ka nga dito. Tutulungan na kita sa damit mo, naghihintay na ang ama mo sa simbahan" pamumutol nito sa anu pa mang aking iniisip.
Hinila niya ako patayo sa harap ng salamin. Isinuot sa akin ang itim na damit na ngayon ko lang nakit ang disenyo. Ikinabit sa aking leeg ang maliit na lasong itim at nilagyan ng panyolito ang bulsa sa aking harapan.
"Para san po ito Ina?"
"Basta. Ito na lang ang pag asa ko anak para sayo. Kailangan mo ito para gumanda naman ang iyong buhay"
Hindi ko siya maintindihan. Sinipat ko na lamang ang aking sariling repleksiyon at nagpaikot ikot ng ilang ulit. Ngayon lang ako nakapagsuot ng itim na sapatos. Ngayon rin lang ako nakapagsuot ng pang ibabang itim na itim. Pinagmasdan ko ang polong itim na isinukbit niya sa aking likuran at hinawakan ang patulis na disenyo nito na parang hiniwa sa dalawa.
"Ina, ang ganda naman ng padala ni-" bigla akong natumba ng yumanig ang paligid. Nais kong magtanong ngunit hinila na ni Ina ang aking braso at lumabas sa bahay na gawa sa lupa.
Ang saya sa aking mukha kanina ay napalitan ng pagkabahala ng bumulaga sa akin ang malakas na hanging nagdadala sa makapal na alikabok. Ang tunog ng mga eroplano sa langit ay sumasabay sa malalakas na pagsabog na aking naririnig sa di kalayuan.
Pinagmasdan ko ang ilang bahay na nasisira sa tuwing may bumabagsak na malaking bato rito. Ang ilang mga tao sa paligid ay isa isa nang nagtatakbuhan sa hindi ko malamang dahilan.
"Enlil anak. Tandaan mo, anumang mangyari kailangan mong makapunta sa simbahan. Kailangan mong mabinyagan para makasama ka sa iyong ama"
"Ano pong binyag?"
"Basta anak. Iyon na lang ang tanging maipapamana ko saiyo"
Ngumiti ako sa kaniya at yumakap sa kaniyang kamay. Wala man akong maintindihan ay sapat na ang katotohanang nanggaling ito kay Ina para aking paniwalaan.
BINABASA MO ANG
When A GOD Dies (COMPLETED)
RomanceKamatayan ang nagbibigay sa kaniya ng ligaya. Kamalasan ang nagpapagulong ng kaniyang buhay. Ito ang dalawang bagay na tanging mayroon siya. Siya si Namtar -tinaguriang Diyos ng Kamatayan at Pagkakasakit. Siya na nabubuhay sa kamalasan ng iba. Siya...