AXION
"Alam mo, kasing liit ng bahay ng langgam 'yung bahay namin." Natatawa na lang ako sa mga pinagsasabi ko.
Kanina ko pa sinasabihan ng mga negatibo 'yung bahay namin pero panay "ayos lang", "kaya kong manirahan doon" 'yung mga pinagsasabi niya. Sinusubukan ko lang naman kung aatras ba siya kapag sinabi kong maliit o ano 'yung bahay namin.
Napahinto ako sa paglalakad nang kurutin niya bigla 'yung tungki ng ilong ko.
"Kanina ka pa! Kanina ka pa! Kahit gaano kaliit at kapangit 'yang bahay n'yo, titira ako roon! Aba, wala na nga akong matutuluyan, mag-iinarte pa ba ako?"
Kinagat ko 'yung loob ng pisngi ko.
"Talaga? Paano kung sabihin ko sa 'yong maraming ipis at daga 'yung bahay namin? Tutuloy ka pa rin ba?" Nakangisi kong tanong.
Bigla naman siyang umalis sa pagkakapasan sa likod ko at sinipa niya ako sa pwet.
"Iskwater ba 'yung bahay ninyo?!" Irita niyang sigaw.
Ngumisi ako at tumango. Umirap siya sa akin at malakas niyang hinigit 'yung heels sa kamay ko. Tumalikod siya at naglakad palayo na ikinataas ng kilay ko.
"H-Hoy! Saan ka pupunta?" Malakas kong tanong sa kanya.
Muli siyang humarap sa akin at napalunok naman ako nang makita ko ang kawalan ng ekspresyon niya. Patay. Galit yata.
"Sabihin mo kasi kung ayaw mo akong patuluyin sa bahay mo! Hindi 'yung nagpapaligoy-ligoy ka pa. Madali naman kasi akong kausap. Tsk!" Sabay irap niya sa akin at naglakad ulit siya palayo.
Bigla akong hindi mapakali. Hala. Ano ba 'yung gagawin ko? Nagalit tuloy siya! Nakatitig lang ako sa likod niya at hindi ako kumikilos. Hindi ko alam 'yung gagawin ko!
Dapat ko ba siyang sundan? O dapat ko lang siyang hayaan?
Kinagat ko 'yung ibabang labi ko at sinundan ko siya. Nang makalapit ako sa kanya ay hinawakan ko siya sa kanyang buhok at hinila.
"Oo na... Welcome ka na sa bahay," aniko habang hinihila siya sa buhok.
"Sus. 'Di mo lang ako kayang tiisin, eh!" Panunukso naman niya na ikinangiti ko nang palihim.
Hindi ako nagsalita at mas hinila ko pa ang buhok niya.
"Bitiwan mo naman ang buhok ko!" Sigaw niya sabay tapik sa kamay ko.
Binitiwan ko naman ang buhok niya at naglakad lang ako nang kaunti at nasa harapan na ako ng bahay namin. Pagtingin ko sa kaliwa ko ay nakita ko roon si Tide na nag-aabang.
Tumingin siya sa akin habang nakataas 'yung dalawa niyang kilay. "Ano?"
"Kapag nagtanong si Nanay kung bakit kita kasama, sabihin mong kaibigan lang kita at nangangailangan ka lang ng matutuluyan. Okay?"
Delikado na, baka kung ano pa ang isipin kasi ni Nanay kapag nakita niyang may kasama akong babae. Praning pa naman 'yon.
Umirap muna siya sa akin bago tumugon. "K."
Ngumiti ako sa kanya.
Huminga ako nang malalim at binuksan ko na 'yung pinto. Nang makapasok ako sa bahay ay bumungad kaagad sa akin si Nanay na pabalik-balik ang lakad sa sala.
Napatingin siya sa akin at agad niya akong nilapitan.
"Anak, minaliit ka ba nila? Hinusgahan ka ba nila? Pinagtawanan ka ba nila? Sabihin mo sa akin, anak!" Sunud-sunod na tanong ni Nanay sa akin.
BINABASA MO ANG
Dance And Dance Until I Die (Dance Series#1)
RomanceSi Tide ang klasing mananayaw na walang urungan kung sayawan ang labanan. Siya ang mananayaw na kahit hingal na talaga nang bongga, tuloy pa rin! Tuloy pa rin ang paghataw dahil iyon talaga ang kanyang kagustuhan. Iyon talaga ang tinitibok ng kanyan...
