TIDE
Mahigpit ko siyang yinakap habang tumutulo ang aking mga luha. Ewan ko ba kung bakit ako umiiyak ngayon at nagdadrama. Hindi naman ako ganito rati. Dati ay malakas ako at nakakayanang pigilan ang luha kahit naiiyak na talaga. Pero ngayon ay hindi ko napigilan at tuluyan akong naluha.
Dama ko sa yakap ang pagkatigil niya. Hindi niya maangat ang kanyang mga kamay para gantihan ako ng yakap. Tahimik lang siya at nanatiling nakatayo nang diretso.
Nang huminahon na ang pakiramdam ko ay kumalas na ako sa pagkakayakap sa kanya. Tinignan ko siya pero seryoso lang ang kanyang ekspresyon kaya napayuko na lang ako.
Hindi ako sanay na seryoso ang payatot na ito kaya bigla akong natahimik.
“Tol,” mahina kong tawag at hindi ko pa rin inaangat ang aking ulo. Nanatili pa rin akong nakatingin sa sahig.
Hindi siya nagsalita kaya napanguso ako at binalingan na siya ng tingin.
“Tol, naman… magsalita ka naman,” nakanguso kong sabi sa kanya.
“Tumakas ka na naman?” Seryoso niyang tanong na ikinahinto ko.
“Ay, biro lang pala. Sige, ‘wag ka na lang pala magsalita.” Napakamot ako sa basa kong ulo.
Ayoko sa tanong niya kaya hindi ko magawang sagutin ito kaya minabuti ko na lang na ‘wag na siyang pagsalitain.
Nanlaki naman bigla ang mga mata ko nang mapagtanto kong basang-basa nga pala siya ng ulan!
“Payatot, basang-basa ka!” Hindi ko makapaniwalang sinabi. Saka pag-iiba ko na rin ng usapan.
“Tumakas ka na naman?” Pag-uulit niya sa kanyang tanong kaya bumagsak ang aking balikat.
Napabuntong hininga at bumalik ako sa inuupuan ko kanina. Umupo ako roon at sinandal ko ang aking ulo sa dingding saka ko siya tinignan.
“Oo, eh.” Sabay ngiti ko nang matipid.
Napayakap naman ako sa aking magkabilang braso nang lumamig dahil sa hangin. Kahit may suot na akong dyaket, na basa naman, wala pa rin itong naitutulong para mabawasan ang pagkalamig.
Napapikit siya nang mariin at napabuntong hininga. Tila inis ito at may kaunting galit.
“Tide, naman. Galit na galit na ang mga magulang mo, dinadagdagan mo pa. Paano na lang kung tuluyan akong sampahan ng kaso ng Kuya mo? Kidnapping, Tide!” Mariing sinabi nito. Dama ko ang pagpipigil niya ng galit doon.
“Alam ko namang galit sila. Saka hindi ka masasampahan ng kaso, ako naman kasi ang pumilit sax’yong itakas ako,” tugon ko.
Totoo naman. Walang kidnapping na nagaganap dahil una sa lahat ay ako ang nagpresintang itakas niya ako. Hindi naman niya ako tinakas na labag sa kalooban ko.
“Kahit na! Tide, sundin mo na lang kasi ang gusto ng pamilya mo!”
Napahinto ako sa kanyang sinabi. Kumunot ang noo ko at mariin siyang tinignan.
“Alam mo ba ang gusto ng pamilya ko?”
Ang dali para sa kanila na sabihing sundin ko na lang ang gusto ng pamilya ko. Palibhasa hindi sila itong nakararanas ng problema ko. Palibhasa ay sila itong wala sa posisyon ko. Sa ayokong sundin, eh! Hindi naman kasi ako sasaya sa gusto ng mga magulang ko!
“Kung ano man ‘yon, alam ko man o hindi, sundin mo na lang dahil nahihirapan na rin ako.” Dama ko na ang pakikiusap sa kanyang pananalita.
Napangisi ako. Akala ko pa naman ay siya itong makikinig sa mga hinanaing ko. Akala ko pa naman ay siya itong masasandalan ko dahil kahit papaano, nagkaroon kami ng samahan. Pero mali pala ako. Nakakainis lang na umasang may nakikinig at umuunawa sa desisyon ko.
BINABASA MO ANG
Dance And Dance Until I Die (Dance Series#1)
RomanceSi Tide ang klasing mananayaw na walang urungan kung sayawan ang labanan. Siya ang mananayaw na kahit hingal na talaga nang bongga, tuloy pa rin! Tuloy pa rin ang paghataw dahil iyon talaga ang kanyang kagustuhan. Iyon talaga ang tinitibok ng kanyan...
