TIDE
Ayaw nila akong pagsayawin dahil sa sakit ko? Wow! Gusto nilang magamot ako pero pagkatapos kong magamot, hindi naman nila ako hahayaang magsayaw pa rin. Oo, gagaling nga ako pero para saan pa kung pipigilan lang din naman nila ako sa gusto ko? Para pa rin akong may sakit no’n.
Ayaw nilang nalalamangan sila kaya ang ginagawa nila, todo effort at todo pokus sila. Ayaw nilang hindi sila ang nasa tuktok. Gusto rin nilang maging nasa tuktok kami at iniisip nilang sa pagsasayaw, nasa ibaba kami. Na patapon kami. Na basura kaming dapat lang talaga na itapon at itabi. Iniisip nila na mas maraming mas magaling sa aming sumayaw. Ano naman? Gusto kong sumayaw dahil gusto ko. Gusto kong sumayaw dahil ito ang nagpapasaya sa akin. Hindi naman ako sumasayaw para sa fame!
Humigpit ang kapit ko sa railings at napatingala ako sa madilim na kalangitan nang maramdaman ko ang unti-unting pagpatak ng tubig galing doon. Pumikit ako at dinama ang ambon na nagiging ulan.
“Ulan, tanda ng kalungkutan,” mahina kong sabi.
Napangiti ako nang mapait at pumunta na ako sa loob ng kwarto. Sinara ko ang sliding door nang lumakas na ang pagpatak ng mga tubig.
Umupo ako sa aking kama at malungkot na tinitigan ang sliding door na nababasa dahil sa ulan. Umilaw ang labas dahil sa biglaang pagsulpot ng matulis na kidlat at nabulabog ang tahimik na gabi dahil sa malakas na kulog. Mas lalong lumakas ang ulan. May bagyo yata.
Bagyo ng kalungkutan...
Nadako ang tingin ko sa sahig. Ngayong nasa kwarto ako, pakiramdam ay ko nasa kulungan na ako. Wala man akong krimeng nagawa, tila nakakulong na ako. Tila pinagbabawalan na akong lumabas at maging malaya.
At ang ayoko sa lahat ay ‘yung kinukulong ako. Ang lahat ay may kalayaang gawin ang gustong gawin, sa kabutihan man o sa kalokohan. Nasa tao naman kasi kung gagawa ba ito ng kalokohan o kabutihan. Iba ang takbo ng isip ng mga tao. Kahit masama na ang ginagawa, pinagpapatuloy pa rin, makuha lang ang gusto. May iba namang team banal.
Napabuntong hininga na lang ako.
Kung hahayaan kong makulong ako rito, syempre hindi ako magiging masaya. Gusto ko lang naman maging masaya, ano namang masama ro’n? Bakit ayaw nilang ibigay? Nakakainis naman. Jombagin ko sila, eh.
Napayakap ako sa aking sarili dahil sa lamig na naramdaman. Napatingin ako sa labas ng bintana at sobrang lakas na ng ulan. Humigpit ang kapit ko sa aking braso at kinagat ko ang aking ibabang labi.
Kung tatakas ulit ako, magiging masaya na ako. Kung aalis ulit ako rito… magagawa ko ang gusto ko.
***
Bihis na bihis na ako, handa ng tumakas sa kulungang ito. Hating gabi na rin kaya paniguradong tulog na sina Mommy at Daddy. Pero kahit hating gabi na, ang malakas na ulan ay patuloy pa rin sa pagbugso.
Hinawakan ko ang malamig na hawakan ng pinto ng aking kwarto. Binuksan ko ito at bumungad sa akin ang madilim at tahimik na pasilyo.
Tahimik ang bawat hakbang ko at wala akong iniiwang ni isang ingay para hindi mahuli. Nang madaanan ko ang pinto ng kwarto nina Mommy, napahinto ako at tinitigan ang iyon.
“Mommy Reyna, patawad…” bulong ko bago nagpatuloy sa pagtakas.
Nang makababa na ako sa hagdan ay wala pa rin akong marinig kung hindi ang malakas at galit na tibok ng puso ko. Tila binabaklas nito ang ang mga butong nakapalibot dito.
Damang-dama ko ang lamig ng buong paligid.
Kaagad akong mabilis na tumakbo palabas ng bahay upang hindi mahuli. Nang mabuksan ko ang pinakamain door ng aming bahay ay sumalubong sa akin ang galit na galit na panahon.
Inayos ko ang aking sumbrero at huminga ako nang malalim bago suungin ang malakas na ulan. Wala na akong pakialam kung sobra akong mabasa, makatakas lang ay ayos na.
Nadaanan ko ang guard house at kita ko sa loob nito ang isang guwardiya na nakanganga habang nakapikit ang mga mata. Napangiti ako at pasimple kong binuksan ang gate. Nang magtagumpay ako sa pagbukas, pakiramdam ko ay roon pa lamang ako nakahinga nang maluwag.
“Sa wakas, makakalaya na ako...” nakangiti kong bulong bago nagpatuloy sa pagtakbo.
***
Habang tumatakbo sa ilalim ng malakas na ulan, ang tangi ko lang na iniisip ay ang bahay ni Axion. Iyon ang distinasyon ko ngayong gabi dahil alam kong si Axion ang makaka-intindi sa akin ngayon. Alam kong kaya akong intindihin ng payatot na ‘yon. At gusto ko rin sanang humingi ng paumanhin dahil sa inasta ni Kuya Miko kanina.
Takbo lang ako nang takbo at hindi ko inaalintana ang pagbugso ng ulan at nang malakas na hangin. Nang matanaw ko na ang bahay nina Axion ay gumuhit ang kaunting tagumpay sa aking mukha. Tinakbo ko ang distansya pero nang mapasok ko ang bahay ay pagkadismaya ang pumalit sa aking mukha.
Madilim ang loob at tila wala ng kagamitan. Kinapa ko ang switch sa gilid at sinindihan ko ang ilaw. Bumungad sa akin ang malinis na loob ng bahay.
Bumagsak ang aking balikat at hindi ako makapaniwala.
Kung lumipat sila ng bahay, bakit bukas pa ang bahay na ito? At bakit sila lumipat? Saan sila lumipat? Saan ko na sila hahanapin ngayon?
Pinilit kong lumunok kahit tila may bara sa aking lalamunan. Nanghina ang aking tuhod kaya napaupo ako sa isang tabi. Nanghihina kong tinanggal ang aking sombrero at inilapag ko ito sa aking gilid.
Sinandal ko ang aking ulo sa dingding at malungkot na tinignan ang buong paligid.
Mag-isa na lang ako.
Nakakalungkot kapag mag-isa ka lang. ‘Yung wala kang masandalan, mapaglabasan ng sama ng loob, at makasama. Kailangan ba talaga ng iba para sumaya? Hindi ba pwedeng kahit mag-isa ka lang, masaya pa rin at hindi ganito ang pakiramdam? Nakakaurat naman.
Napayuko ako at napabuntong hininga. Sobrang lamig ng paligid at sobrang tahimik. Tanging pagbugso ng ulan at malakas na tibok ng puso ko lang ang naririnig ko.
Ayoko ng ganitong katahimikan. Pakiramdam ko ay aatakihin ako sa puso sa ganitong klaseng katahimikan. Hindi ako sanay sa ganito, sanay ako sa mga maiingay at magugulo dahil iyon ang tunay kong mundo.
Nagpakawala ako ng hangin at pumikit.
“Nasaan ba kayo, Aㅡ” napahinto ako sa pagsasalita nang biglang may pumasok na lalaki sa bahay at basang-basa rin ito.
“Sinong tao rito?” Tanong nito at luminga sa buong paligid.
Nanlaki ang mga mata ko at bigla akong napatayo.
“P-Payatot!” Pumintig nang malakas at mabilis ang puso ko nang makita ko ulit ang pagmumukha niya.
Napahinto siya at nagulat din nang makita ako. Unti-unti akong napanguso at sa hindi inaasahang pagkakataon, napatakbo ako palapit sa kanya at tumulo ang aking mga luha.
Ang drama ko yata. Bwisit.
BINABASA MO ANG
Dance And Dance Until I Die (Dance Series#1)
RomanceSi Tide ang klasing mananayaw na walang urungan kung sayawan ang labanan. Siya ang mananayaw na kahit hingal na talaga nang bongga, tuloy pa rin! Tuloy pa rin ang paghataw dahil iyon talaga ang kanyang kagustuhan. Iyon talaga ang tinitibok ng kanyan...