AXION
“Sige, panget, papunta na ako,” nakangiti kong paalam sa kausap ko sa cell phone.
Tinapos ko na ang tawag at nang tumahimik ang buong paligid, napatulala na lang ako sa kawalan.
Hindi ganito ang buhay ko noong kasama ko pa siya. Hindi ganito katahimik ang kwarto ko kapag nasa paligid lang siya. Pero iba na talaga ngayon, sobrang laki na ng pinagbago ng buhay ko.
Ngumiti ako nang matipid at napabuntong hininga bago tumayo sa kama. Kinuha ko rin sa kama ang puting damit at sinuot ito. Inayos ko ang aking damit bago lumabas ng bahay. Wala sina Nanay rito sa apartment dahil namili ito ng mga bulaklak sa palengke kasama si Ashlon.
Sinara ko ang pinto at nilakbay ang isang lugar kung nasaan ang isa sa naging pamilya niya.
Nilakad ko lang ang isang dance studio na napamahal na rin sa akin. Nang nasa tapat na ako nito ay napangiti ulit ako. Naalala ko na naman ang alaala naming dalawa noon sa dance studio na ito.
Wala sa sariling napatingin ako sa tabi ko. Noon, nandito siya sa tabi ko habang tinatanaw ang studio na ito. Noon, kita ko sa mukha niya ang kagalakan habang nakatitig sa studio na ito. Pero ngayon… wala na. Wala na akong matatanaw at hindi ko na makikita ang kagalakan sa kanyang mukha.
Napayuko ako at pinasok ko na ang dance studio. Bumungad sa akin sina Senior Defcdee, Senior Plert, Senior Shanelle, at Senior Paulo. Nakangiti ang mga ito sa akin nang makita nila ako.
“Mukhang handa na ang isa riyan sa recital,” nakangising parinig ni Senior Defcdee sabay akbay sa akin.
“Medyo kabado nga ako, eh,” nakanguso kong sagot sa kanya na ikinangiti niya nang malapad.
“Mukhang malaki ang naitulong ni Tide para mabago ‘yang ugali mo, ah?” Agad akong napahinto sa sinabi ni Senior Defcdee.
Humigpit ang pagkakaakbay niya sa akin.
“Miss mo na siya? Miss na miss na rin namin siya! At ang araw na ito ay espesyal dahil ang araw na ito ay inilaan para sa kanya,” nakangiti niyang sabi.
Bumuntong hininga ako at tumango.
“Tama,” maikli kong tugon.
Bigla namang sumingit si Senior Plert sa aming harapan. Muntikan pa akong mapatalon dahil sa gulat.
“Excuse me, guys, ha. Inform ko lang kayo na kayo na lang ho ang hinihintay. Baka ho gusto n'yo ng umupo sa tabi para makapagsimula na tayo ng recital,” mataray na singit ni Senior Plert pero nakangiti pa rin ang labi nito.
Natawa kami ni Senior Defcdee at umupo na siya sa tabi nina Senior Paulo. Ako naman ay tumabi sa mga nakatayong mga juniors. Kami ang nasa sentro ng studio dahil mayamaya lang, sasayaw na kami.
Oo, nagkaroon ako ng interes sa pagsasayaw. Si Maton ang dahilan kung bakit ako nagka-interes. Malakas maka-inspirasyon ang lahat ng sinasabi niya tungkol sa pagsasayaw. Siya ang aking inspirasyon sa aking pagsasayaw. Siya ang naging dahilan sa lahat ng ito.
Nang narinig ko na ang tugtog ay napangiti ako. Gaya ng tinuro sa akin ni Tide, ginawa ko ito ngayon.
Itinuro niya sa akin noon na kapag umiindak ka at humahataw, ilagay mo lang ang puso mo. Ilagay mo sa pagsasayaw ang pagmamahal. Dahil kahit hindi mo man sabihin sa lahat, gamit ang iyong pagsasayaw, mapapahiwatig mo sa kanilang lahat na gusto mo ito at mahal.
Hindi man ako sobrang magaling sa pagsasayaw, kaya ko naman itong matutunan. Dito naman talaga nagsisimula, ‘di ba? Hindi ka naman agad level 10 dahil magsisimula ka muna sa level 1. At para makamit ang level 10, kailangan mo itong paghirapan at ito ang gusto kong gawin ngayon. Dahil hindi man natupad ni Tide na maging isang pinakamagaling na mananayaw, gagawin ko ang lahat para tuparin ito dahil ito na rin ang isa sa mga pangarap ko: ang maging pinakamagaling na mananayaw. Mahirap mang abutin, ayos lang dahil alam kong kakayanin ko.
BINABASA MO ANG
Dance And Dance Until I Die (Dance Series#1)
RomantizmSi Tide ang klasing mananayaw na walang urungan kung sayawan ang labanan. Siya ang mananayaw na kahit hingal na talaga nang bongga, tuloy pa rin! Tuloy pa rin ang paghataw dahil iyon talaga ang kanyang kagustuhan. Iyon talaga ang tinitibok ng kanyan...
