TIDE
Lumipas ang araw na puro kaba ang nararamdaman ko. Hindi ko alam pero sa bawat galaw ko, kaba at takot ang namumutawi sa dibdib ko. Pakiramdam ko ay may hindi ako gusto. Pakiramdam ko ay may mangyayari. At ayoko nang ganito.
Kinabukasan ay napagpasyahan namin ni Axion na maglibot. Kahit paniguradong hinahanap ako ng mga magulang ko, gusto ko pa ring gumala kasama si Axion. Ewan ko ba, gustung-gusto kong magsaya. Sa bawat hinga ko, gusto kong masaya ang dahilan nito.
Nginitian ko si Axion nang makita ko siyang handa na sa lakad naming dalawa. Nakasuot siya ng itim na pantalon na medyo hapit sa mga binti’t hita niya. Ang kanyang maroon na v-neck shirt naman ay bumagay kahit hindi malaki ang katawan nito. Maayos ang itsura niya ngayon at kahit papaano ay may ikakabog kina Hertzler.
Ano na kaya ang balita sa kanilang lahat? Miss ko na ang mga lokong iyon kahit papaano.
Pinasadahan niya ako ng tingin mula ulo hanggang paa kaya napataas ang kilay ko.
“Ano?” Tanong ko.
Ngumuso siya para matago ang ngiti. Tinignan ko ang sarili ko at nakapantalon lang din naman ako at v-neck na maroon kagaya niya.
“Aba, mukhang may lakad kayong dalawa, ah.” Napatingin ako kay Tita Arabelle nang magsalita ito na nakatabi pala sa akin.
“Opo, Tita. Gusto n'yo po bang sumama?” Nakangiti kong aya.
Kaagad namang umiling si Tita. “Naku, ‘wag na! Date n'yo ‘yang dalawa kaya dapat ay kayo lang. Solohin ninyo ang isa’t isa.” Malapad ang ngiti ni Tita na ikinatawa ko nang marahan.
Narinig ko namang napaubo si Axion nang masabi ni Tita na ‘date’ naming dalawa ito. Tinignan ko siya at nakitang mapula ang magkabilang tainga niyo at ang labi ay palaru-laro. Napailing ako at tumingin na kay Tita habang nakangiti pa rin.
“Sige po, Tita. Aalis na po kami ni Axion para masolo na po namin ang isa’t isa,” medyo natatawa kong paalam dahil mukhang malaki ang epekto no’n kay payatot.
Malapad pa rin ang ngiti ni Tita nang binalingan niya si Axion.
“‘Nak, pagkakataon mo na ‘to! Tsansingan mo na kung kinakailangan! Galingan mo, ah?” Nasamid naman si Axion sa mga pinagsasabi ni Tita. Ako naman ay tumatawa lang dahil hindi inaasahan ni Axion ang mga lumabas sa bibig ng Nanay niya.
“‘Nay, naman!” Nahihiyang sigaw ni Axion na mas lalong nagpatawa sa akin.
Tumingin sa akin si Axion at nang makita niya akong nakatingin sa kanya ay kaagad siyang nag-iwas ng tingin. Natigil ako sa pagtawa at napangiti na lang.
Kung ano man itong kaba at takot na nararamdaman ko, siguro ay idadaan ko na lang sa tawa at ngiti. Ganito naman talaga, ‘di ba? Kahit may lungkot o takot kang nararamdaman, tatawa ka at ngingitian na lang ang lahat kahit masakit na, para lang hindi mahalata nilang malungkot at takot ka. Para isipin pa rin nilang malakas ka kahit hindi naman talaga. Para isipin nilang kaya mo pa kahit hindi naman na. Ganyan tayo, eh. Mapagpanggap.
Napataas ang kilay ko nang makitang namumulang lumapit sa akin si Axion. Nakanguso ito at tila nahihiya. Mahigpit niyang hinawakan ang siko ko at kinaladkad na palabas ng bahay.
“Go, Kuya!” Masiglang sigaw ni Ashlon.
“Anak, umamin ka naman na, pakiusap lang! ‘Wag torpe, wala sa lahi natin ‘yan!” Sigaw rin naman ni Tita Arabelle.
“Tㅡ” hindi pa ako tuluyang nakakapagsalita nang putulin niya na kaagad ito.
“Shh!” Bawal nito sa akin.
BINABASA MO ANG
Dance And Dance Until I Die (Dance Series#1)
RomanceSi Tide ang klasing mananayaw na walang urungan kung sayawan ang labanan. Siya ang mananayaw na kahit hingal na talaga nang bongga, tuloy pa rin! Tuloy pa rin ang paghataw dahil iyon talaga ang kanyang kagustuhan. Iyon talaga ang tinitibok ng kanyan...
