Chapter 29

61 6 0
                                    

TIDE

“Hans, ginagabi ka na ng uwi dahil diyan sa pagsasayaw mo, ah. Masama ‘yan sa kalusugan mo,” ani Mommy.

“Anong gusto mong gawin ko?” Napataas ang kilay ni Mommy sa sinagot sa kanya ni Kuya. Napatikhim naman si Daddy.

“Hans, ingatan mo 'yang dila mo. Nanay mo ako,” hindi natutuwang sinabi ni Mommy.

Napangisi si Kuya.

“Bakit kasi ayaw n'yo na lang diretsuhin?” Lumalim ang tingin niya. “Bakit kasi ayaw n'yo na lang kaagad sabihin ang gusto ninyong sabihin? ‘Yung isang bagsakan ba!” Dugtong pa ni Kuya Hans.

“Hans!” Napataas na ang boses ni Mommy. Napatayo ako sa kina-uupuan ko dahil sa biglaang pagtaas ng boses niya.

“Ano? Sabihin mo, Mommy! Sabihin mo!” Paghahamon ni Kuya.

Napapikit si Mommy nang mariin at nang idilat niya ang kanyang mga mata, nag-aalab na ang mga ito. Makikita mo sa mga mata niya ang galit na nararamdaman.

“Sige! Kung iyan ang gusto mo, sige!”

“Kita mo? Sasabog ka rin pala,” mapanuyang sinabi ni Kuya na hindi na nagugustuhan nila Mommy at Daddy. Kahit si Kuya Miko ay hindi na ito nagugustuhan.

“Bakit ba kasi ayaw mong sumunod sa utos namin? Bakit ba nagmamatigas na ulo ka pa rin! Bakit mas pinili mo ang pagsayaw at ang pagtuturo niyan? Ano bang makukuha mo riyan? Magagamot ka ba niyan? Yayaman ka ba riyan?! Makikilala ka ba riyan?!” Sunud-sunod na atake ni Mommy.

“Bakit mas pinili mo ang walang kwentang pagsasayaw na ‘yan, marami namang mas magaling sa ’yo pagdating diyan! Malalamangan ka rin nila, Hans!” Dugtong niya.

“Tapos ka na? Ako naman... Pakinggan n'yong mabuti.” Huminga nang malalim si Kuya bago umatake pabalik kila Mommy.

“Ayokong magamot dahil alam kong pagkatapos ng operasyon, mahahawla lang ako! Alam ko ang plano ninyo! Ayaw n'yo sa gusto ko dahil iba ang gusto ninyo!” Galit na sigaw rin ni Kuya Hans.

“‘Yan ang dahilan ko,” matigas na sinabi ni Kuya bago tahakin ang pinto ng aming bahay para maglayas.

Hinabol ko si Kuya at hinawakan ko siya sa kanyang braso para pigilan siya.

“Kuya Hans… ‘wag mo akong iwan,” bulong ko habang naluluha sa kanyang harapan.

Pumikit nang mariin si Kuya at inalis ang kamay kong nakakapit sa kanya.

“Tide, hindi pwede,” maikli nitong tugon bago tumakbo palayo.

Mas lalo akong naiyak nang lumayo siya sa akin. Kinuyom ko ang kamay ko sa sobrang inis.

“Hans! Bumalik ka rito!” Galit na galit na sigaw ni Daddy.

Inis na napasabunot si Daddy sa kanyang buhok. Si Kuya Miko naman ay dinaluhan si Mommy na umiiyak.

Ngayon, alam ko na ang plano nila sa amin ni Kuya Hans. Dadalhin nila kami sa ibang bansa at ipagagamot. Pagkatapos nila kaming ipagamot, ipagagawa nila sa amin ang gusto nila. Puputulin nila ang kagustuhan namin at ipapalit nila ang kagustuhan nila.

Masyadong makasarili...

Pinunasan ko ang luha kong patuloy na dumadaloy galing sa aking mata at gamit ang aking nanginginig na tuhod, tinakbo ko ang tinungo ni Kuya Hans, sinundan ko siya.

Dance And Dance Until I Die (Dance Series#1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon