BITUIN
Ang sarap balikan nung mga panahon na pareho pa tayong mga bata na nagsasaya sa kalsada.
Yung mga panahon na uuwi tayo ng bahay na kung hindi basa ng pawis ay basa naman ng dahil sa ulan.
Yung mga panahon na magkapit bahay lang tayo at pagkatapos ay lalabas na ako ng bahay at nandun ka na't naghihintay.
Yung mga panahon na naglalaro lang tayo ng patintero, tumbang preso, daga pusa at agawang base.
Ang sarap balikan nung mga panahon na nandito ka pa at hindi pa umaalis...
Dati rati naman kuntento lang tayo sa mga laruan na nilalaro natin sa bahay niyo,
Masaya na tayo sa hinahanda ni Tita na meryenda pagkatapos nating magsaya sa paglalaro.
Masaya naman tayo dito pero bakit kailangan mo pang lumayo?
Araw araw naaalala ko yung pananatili natin hanggang alas dyis ng gabi sa labas ng bahay para lang panoorin ang langit.
Naalala ko pa noon sinabi mo sakin na pangarap mong maabot ang mga bituin dahil alam mong gustung gusto ko ang mga ito.
Nakakatawa dahil ang babata pa natin pero literal na ang taas na agad ng nag-iisang pangarap mo.
Nandito tayo sa ibabaw ng bubong ng traysikel at nagtatawanan dahil sa mga biro mo noon na tungkol sa anime na napanood mo.
Yung dating "nandito tayo", nasaan na kaya? Bakit kaya ako nalang ang nandito ngayon at mag isa?
Limang taon na ang nakakalipas simula nung huli kitang nakasama.
Umiyak ako, nalungkot at nasaktan pero dahil nga bata pa ako, isang alok lang sa akin ng laruan ay nakalimutan ko na agad ng panandalian ang sakit na dinulot ng pag alis mo.
Araw araw nag hihintay ako sa labas ng bahay namin at umaasa na makikita ko ulit yung nakangisi mong mukha.
Araw araw nagbibilang ako ng mga bituin sa langit ang nagbabaka sakali na may isang tinig na sumabay sa akin sa pagbibilang.
Araw araw akong naghintay, umasa at nag baka sakali na babalik ka.
Pero lumipas ang araw, linggo, buwan at taon, ngunit wala ka pa...
Limang taon na ang nakalipas...
Ano na kaya ang itsura mo ngayon?
Makikilala pa kaya kita sa tagal ng panahon nating nawalay sa isa't isa?
Matatandaan mo pa kaya na ako yung babaeng kasama mo palagi kapag nagbibilang ka ng mga tala?
Matatandaan mo pa kaya yung pangako mo sakin na aabutin mo ang bituin dahil alam mong ito ang saki'y tunay na magpapasaya?
Limang taon... Hindi biro ang haba ng panahon na lumipas simula ng ako'y iwan mo.
Sa murang isipan natin noon, siguro ay ako nalang ang nakakaalala ng mga ito
Kasalanan kasi ito ng kasiyahan dito saamin kung kaya't biglang bumalik ang lahat ng mga alaala natin noon.
Ilang taon kong ibinaon sa limot ang pakiramdam nang nangungulila sayo.
Ilang taon kong tiniis na ni hindi manlang alalahanin ang bawat tunog ng tawa mo,
Ilan taon kong hinintay ang pagbabalik mo.
At sa mismong araw na yon ay dumating ka---
Walang pinagbago ang perpektong hilera ng ngipin mong napakaganda.
Walang kupas ang mga ngiti mong napakasarap titigan.
Oo, tinitigan lang kita--
Hindi kita nilapitan.
Hindi ko kasi maigalaw ang mga binti ko para tumakbo o lumakad manlang sana papalapit sayo para mayakap ka.
Gusto kong maiyak pero walang luhang pumatak.
Gusto kitang hampasin, sabunutan, sigawan, yakapin at suntukin dahil sa bigla mong pang iiwan sa akin ng mag isa.
Nakakatitig lang ako sa mukha mong wala manlang pinagbago.
Yung buhok mong mas malambot pa sa buhok na mayroon ako.
At yung mga mata mong tila nawawala kapag ngumingiti ka sa harap ko.
Oo, walang nagbago--
Parang walang pinagbago.
Parang wala lang sayo ang limang taong pagtitiis ko sa paghihintay ng pagbabalik mo.
Parang wala lang sayo yung sakit na naramdaman ko noong mga bata pa tayo sa biglang paglisan mo.
Parang wala lang sayo...
Dahil alam ko na alam mo na isang ngiti at yakap mo lang sakin, makakalimutan ko lahat ng araw na lumipas na nalungkot at naghintay ako para sayo.
Makalipas ang limang taon nandito ka na ulit.
Nandito nanaman ang taong lagi kong kasama kapag naiisipan kong maglaro sa ilalim ng mga bituin.
Nandito kang muli para iparamdam sakin ang lahat ng bagay na nais kong balikan noong mga panahon na cartoons lang sa hapon ang inaatupag natin.
Pagkalipas ng limang taon ay bumalik ka para tuparin ang salita na ibibigay mo sakin ang mga tala na naging dahilan ng pagkawalay at pagbalik mo sa aking muli.
Habang tayo ay nasa paborito nating tambayan ay hindi napigilang itanong sayo kung aalis ka bang muli,
At sinabi mo nga saakin ang mga salitang ayoko na sanang marinig--
"Oo, aalis ulit ako"
Nasaktan ako pero tumingin lang ako sa langit at nagbilang ng mga bituin.
Pero nagulat ako noong bigla kang nagsalitang muli.
"Aalis ako pero alam kong ituturo ng mga bituin sa akin ang daan kung saan kita babalikan at hahanapin muli"