Entry 12

278 16 1
                                    

SINO BA NAMAN AKO?

Paano ko ba sasabihin sa iyo?
May magbabago ba kung malalaman mo?
Ang dalawang katagang dapat sana'y itinatago ko
Ngunit patawad aking sinta sapagkat malapit na kong sumuko
Malapit ko ng tahakin ang daan ng paglimot
Siguro nga isang pagkakamali na umasa ako
Pilit na pinapaniwala ang sarili sa mga pantasyang mananatili lamang sa aking isipan
Para sa aking mga nararamdaman at nararanasan,
Patawad sapagkat inakala kong ito'y pangmatagalan
Isang pagkakamali lamang pala na itinatak ko sa aking isipan na baka nga ako yun
"Sana ako yun" ... "Sa tingin ko ay para sa akin yun"
Iilan lamang iyan sa mga tumatakbo sa aking isipan sa tuwing may mababasa ako na nagmula sa iyo
Mga salitang lalong nagpabihag ng aking nalilinlang na puso
Mga salitang naging dahilan ng aking pagkahulog sa iyo
Ilang libong beses kong pinag isipan
Ilang libong beses ko ring itinanggi
Ngunit sa ilang libong beses kong pagtanggi ay ang paglabas ng katotohanan na nagsasabing ikaw nga'y mahal ko na
Sa mga sandaling panahon na madalas kong balik balikan sa aking isipan
Ay ang paglabas rin ng mga tagong damdamin sa loob ng isang magulong hardin sa aking puso
Isang tagong lugar na ako lamang ang nakakaalam
Isang paraiso na nais ko sanang libutin kasama ka
Ngunit paano nga naman kita maiisama kung ikaw pala ay nakapasok na sa mundo niya?
Ang kanyang mundo na sa tingin ko'y nanaiising libutin ng lahat
Sino ba naman kasi ako?
Isang hamak na binibini na ang tanging maiaalay lamang ay ang pagsulat ng mga lipon ng mga salitang nais kong sabihin sayo
Sino ba naman kasi ako para sabihin sayo na mahal kita?
Nakakatakot na sa bawat subok ko na iwasan ka, ay siyang pagkatalo ko lamang sa isang labanan na katha lang naman ng aking mapaglarong isipan
"Hindi ka ba napapagod?" Apat na salitang katanungan na lagi kong ninanais na malaman mula sayo
Hindi upang bumanat ng "Lagi ka kasing natakbo sa isip ko"
Nais ko itong sabihin sapagkat ako'y nasa isang tabi lamang na nag-aalala at tahimik na pinagmamasdan ka sa iyong hindi mapakaling pagkabahala
Sino ba naman kasi ako para sabihan ka na magpahinga ka na?
Wala naman kasi itong ibig sabihin sa iyo kahit pa marinig mo na
Madalas akong magulumihanan sa iyong mga palaisipan na hirap na hirap kong buuin
Siguro nga hindi pa sapat ang kung anong meron ako upang mapantayan ang kaya niyang gawin para sa iyo
Siguro nga hindi ko na talaga maabot ang puso mong nasa alapaap na kasama siya
Sa mga oras na akin itong isinusulat ay nasa likuran lamang kita at natutulog
Marahil nga ay siya ang nasa panaginip mo at laman ng isipan mo
Huwag kang mag alala sapagkat alam ko kung saan ako lulugar aking mahal
Ang lugar kung saan ko maikukubli ang lahat ng aking nararamdaman
Ito ay ang lugar na kinalalagyan ng karamihan sa iyong buhay
Ang pinakamasakit na magiging karakter ko sa buhay ng aking minamahal
Ang iyong pagiging matalik na "kaibigan"

Unspoken MelodiesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon