DARATING AKO
Dadating na kaya ang oras na pinakahihintay ko?
Ang sandali kung saan wala na kong mararamdaman para sayo?
Dadating na kaya ako gayong tila mas naguguluhan ako sa mga oras na ito?
Parating na ba ako kung tila yata mas napapalapit na ako sa pinapangarap ko?Bawat araw ay madalas akong magulumihanan kung kaya ko bang harapin ang katotohanan na "hindi talaga"
Subalit nawawala ang lahat ng kaguluhan kapag nasisilayan ko na ang ngiti na mas maganda pang pagmasdan kaysa sa kalangitan
Nawawala ang lahat ng aking pangamba kapag naririnig ko na ang isang tinig na tunay ngang nakapanghahalina
At nawawala ang hirap at lungkot lalo na kapag narito ka sa tabi ko kahit pa nakabibinging katahimikan ang siyang bumabalotSiguro nga hindi pa kita kayang kalimutan
Napakahirap pigilan ang isang damdamin lalo na kung ito'y napakarami nang napagdaanan
Pero mahal, dadating rin ako sa punto na iaadya sa atin ng Maykapal
Dadating rin ako sa lugar na kung saan tayong dalawa ang nakatadhanaHindi man ngayon ang oras na aking hinihintay,
Subalit alam kong malapit na ako sa paraisong aking pilit na tinatanaw
Alam kong darating ako sa tamang lugar na para talaga sa atin
At ito ay ang lugar na kung saan mas pipiliin kong makasama ang taong alam kong tunay na makapagpapasaya sa akin