Chapter 14 - [14/25]

4.2K 144 7
                                    

Chapter 14

PARANG MAY kulang. Palagi na lang parang may kulang simula no'ng umalis si Leonne para puntahan ang burol at libing ng lolo niyang nasa America dalawang araw na ang nakakalipas. Mahirap din pala kapag palagi mo na lang kasama ang isang tao 'no? Para rin itong bagay na kina-aadikan mo. Hindi kumpleto ang araw mo pag wala sila.

Alam ko na hindi ko dapat nararamdaman 'to. Dapat hindi ko namimiss si Leonne. Dapat masanay na akong wala siya sa tabi ko dahil dadating din ang araw na magkakahiwalay kami ng landas. Dadating ang araw na makakalimutan din namin ang isa't isa.

Pero alam ko rin na iba si Leonne. Iba si Leonne kumapara sa mga lalaking naunang magbigay sa'kin ng rosas. Iba ang pakiramdam ko kapag nasa tabi ko siya. Iba ang pakiramdam ko kapag tinitingnan siya. Iba ang takbo ng isipan ko pag siya ang kasama. Iba. Ibang-iba.

Alam kong gusto ko siya. Hindi ko alam kung paano nangyari 'yon. Kung paano ako nagkagusto sa kanya. Kung paano niya napapabilis ang tibok ng puso ko sa tuwing malapit siya sa'kin. Kung paano ko hindi napigilan ang sarili ko sa delikadong feelings na 'to.

Pero alam ko rin na mali ang nararamdaman kong 'to. Alam kong hindi pwedeng magustuhan ko siya dahil si Nash ang boyfriend ko. Si Nash lang dapat ang gustuhin ko. Si Nash lang dapat ang mamahalin ko. Kay Nash lang dapat mapunta ang lahat ng atensyon ko. Si Nash lang dapat ang palaging laman ng isip ko.

Hindi ko alam kung bakit ako natatakot na masaktan ko si Leonne. Hindi ko alam kung dahil ba ito sa konsensya ko o dahil alam kong masasaktan din ako ng husto kapag sinaktan ko siya. Hindi ko alam kung ang pakay kong rosas na lang ba ang dahilan kung bakit ko siya gustong makasama o dahil lang sa gusto ko. Hindi ko alam kung ano na ba si Leonne sa buhay ko.

"Boo!"

"Ay napalaka ang buhay!" Napalingon ako sa tumatawang Martin na nasa likod ko. Nandito ako sa garden ng school, nagpapahangin lang. Nag-iisip-isip. Alam ko namang nakakatawa 'yung nasasabi ko 'pag nagugulat ako, pero medyo OA na ang pagtawa niya kaya inirapan ko na lang siya at tumingin na lang sa puno kung saan ako nakatingin kanina.

"Ang lalim ng iniisip natin a! Si Leonne ba 'yan?" tanong niya. Naramdaman ko ring tinabihan niya ako sa pag-upo. "Aminin mo nga sa'kin Brigette, may gusto ka na ba kay Leonne?" Napalingon ako sa kanya sa sinabi niya. Halata bang nagkakagusto na ako kay Leonne?

"Nako, delikado 'yan a. May boyfriend ka 'di ba?" I know. Alam ko namang delikado e, pero kaya ko bang diktahan ang puso ko? Hindi ko naman pwedeng pigilan ang nararamdaman ko e.

"Wala! 'Wag ka ngang mag-isip ng ganyan Martin. Sige, mauna na 'ko. Pupuntahan ko pa ang boyfriend ko e," paalam ko sa kanya. Diniinan ko pa ang pag-sabi ko ng boyfriend. Tumayo na ako at naglakad palabas ng school. Mabuti naman at hindi na ako hinabol ni Martin para kulitin. Mas lalo lang niyang pinapagulo ang isip ko e.

Ilang minuto lang ay nakarating na ako ng ospital. As usual, personal nurse lang ang laman ng kwarto niya maliban sa kanya, nasa trabaho kasi sina Tita at Tito. Nagpaalam siya sa'kin para lumabas, kakain lang daw siya saglit at pinayagan ko naman siya. Kailangan din kasi naming mapag-isa ni Nash.

"Hi Nash," bati ko sa kanya pagkaupo ko sa tabi niya at pagkaalis ng personal nurse niya. "Alam mo bang ang laki na ng kasalanan ko sa'yo?" Balak kong umamin sa natutulog na si Nash. Hindi ko alam kung naririnig ba niya ako o hindi, pero nangako akong hindi na magsisinungaling sa kanya.

"Nash, kilala mo naman si Leonne 'di ba? Sigurado akong kilala mo siya dahil halos araw-araw ko siyang ikinukwento sa'yo." Hindi lang 'ata araw-araw kundi oras-oras din. "Nash gusto ko na 'ata siya at hindi ko alam kung mag-eevolve pa ba 'tong nararamdaman ko. Hindi ko alam kung pagdating ng araw mamahalin ko ba siya." Napayuko ako sa pag-amin ko. Nahihiya ako kay Nash. Pakiramdam ko sinasaktan ko siya kahit natutulog siya.

13th Rose [PUBLISHED]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon