Chapter 16 - [16/25]

3.8K 138 10
                                    

Chapter 16

SADYA NGA namang malupit ang tadhana. Ipapatikim sa'yo ang isang masarap na bagay pagkatapos ay kaagad naman itong kukunin. Para bang patitikimin ka lang ng dessert at pagkatapos mo itong makain ay sasabihin sa'yong, tama na, baka magkatonsilitis ka. Ganoon ang pakiramdam ko ngayon, kung ano ang ikinasaya ng gabi ko kagabi, ay siya namang ikinapangit ng umaga ko ngayon.

Alas-tres pa lang ng madaling araw, pero gising na gising na ang diwa ko. Wala pa 'ata sa dalawang oras ang tulog ko, pero sa tingin ko ay hindi pa ako makakatulog sa balitang natanggap ko. Dali-dali akong nagbihis at nagpahatid sa driver namin sa ospital kung nasaan si Nash nang tumawag sa'kin si Tita Leila at sinabing isinugod daw sa emergency room si Nash.

Hindi ako mapakali habang nasa byahe. Ano ba ang nangyari kay Nash? Hindi ba't maayos na naman ang lagay niya? Kanina pa mabilis ang tibok ng puso ko, hindi ko magawang pakalmahin ang sarili ko. Babala ba ito na malapit na siyang kunin sa'kin? Dalawang linggo na lang pala ang natitirang oras ko, para kunin ang huling rosas. Ang tanong, gusto ko pa bang makuha 'yon?

Oo, gusto kong magising na si Nash, pero anong mukha ang maihaharap ko sa kanya kapag nalaman niyang may iba na akong mahal? Kaya ko bang sabihin ang lahat ng katotohanan kay Leonne? Na ginamit ko lang siya no'ng una para makuha ang pakay kong rosas at magising si Nash na boyfriend ko.

Ilang sandali lang ay nakarating na kami sa ospital. Pinaghintay ko na lang sa sasakyan 'yung driver at ako na lang ang bumaba. Nagmamadali akong pumasok ng ospital at nang makapasok ako dito, napahinto ako bago lumiko papuntang emergency room.

Malakas na pag-iyak ni Tita Leila ang narinig ko, malayo pa lang ako. Doon ako mas lalong kinabahan. Nagsimula na akong maglakad ulit at pakiramdam ko ay bumibigat ang mga paa ko sa bawat paghakbang na ginagawa ko palapit sa emergency room, kayla Tita Leila.

Kaagad akong niyakap ni Tita Leila nang makalapit ako sa kanya, at sa mga balikat ko ay muli na naman siyang umiyak. "Si Nash... Ayoko pang mawala si Nash. Ayoko pang mawala ang anak ko," ang paulit-ulit niyang sinasabi kahit halata namang nahihirapan siya sa pagsaslita dahil sa pag-iyak niya.

"Hindi po mawawala si Nash sa inyo Tita. Hindi pa po niya tayo iiwan. Matatag naman po si Nash e, kaya niyang labanan ang lahat ng 'to." Hindi sumagot si Tita Leila, kumalas na siya sa pagyakap niya sa'kin at muling umupo sa tabi ng asawa niya. Sumunod naman ako at umupo sa tabi ni Tita Leila.

Maya-maya lang ay lumabas na ang doktor mula sa emergency room, at napatayo naman kaming lahat kaagad. Lumamit ang doktor kay Tita Leila bago siya nagsalita. "Nagkaroon ng mild cerebral hemorrhage ang anak niyo Ma'am, pero maayos na siya ngayon. Hindi ko lang po masasabi kung magigising na ba siya o hindi pa. Hilingin na lang po natin na magising na siya kaagad." Umalis na ang doktor pagkasabi niya no'n at inilipat na rin si Nash sa dati niyang kwarto.

Nasa kwarto na kami ni Nash. Inaasikaso lang ni Tito ang mga lagay ni Nash sa labas habang katabi ko naman si Tita Leila sa sofa. Pareho lang kaming nakatitig kay Nash. Tumigil na siya sa pag-iyak, pero hindi pa rin siya nagsasalita mula kanina.

"Naisip ko lang kanina, habang nasa emergency room si Nash," sabi niya habang nakatingin pa rin kay na Nash na siyang medyo ikinagulat ko. "Hindi ko pa pala kaya. Hindi ko pa kayang mawala sa buhay ko si Nash. Okay lang sa'kin na ganyan siya, walang malay. Kaysa naman sa habangbuhay ko na siyang 'di makikita."

"Pero, hindi pa po ba kayo napapagod?" Nagulat ako sa tanong ko. Alam kong maling itanong 'yon, pero wala na akong magagawa. Lumabas na sa bibig ko e.

Nilingon ko si Tita Leila at nakita kong paulit-ulit siyang umiling nang hindi pa rin inaalis ang tingin sa anak niya. "Hindi Brigette. Hinding hindi ako mapapagod sa pag-aalaga kay Nash. Hinding hindi akong magsasawang bantayan siya tuwing gabi, at titigan siyang magdamag. Hindi ako magsasawang maghintay na muli niyang idilat ang kanyang mga mata kahit ilang taon pa ang abutin, kasi mahal ko si Nash. Mahal na mahal ko ang anak ko." Lumingon siya sa'kin pagkasabi niya no'n. "Bakit ikaw Brigette? Pagod ka na ba?"

13th Rose [PUBLISHED]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon