Chapter 22 - [22/25]

4.1K 136 12
                                    

Chapter 22

ANO KAYA ang mas masakit? Ang maiwan? O ang mang-iwan kahit mahal mo pa ang taong 'yon? Sa tingin ko ay pareho lang. Pareho lang itong masakit. Parehong hindi katanggap-tanggap ang pangyayari. Parehong hindi ginusto.

Nasa sasakyan ako papunta sa bahay nila Abby ngayon. Nakatanggap kasi ako kanina ng tawag mula sa kanya. Umiiyak siya dahil iniwan daw siya ni Toffer. Alam ko kung gaano siya nasasaktan sa mga oras na 'to. Alam ko kung anong nararamdaman niya ngayon at alam kong kailangan niya ako.

Nagdoorbell ako pagkatapak na pagkatapak ko sa labas ng gate ng bahay nila Abby. Kaagad naman itong binuksan ng kasambahay nila at pinapasok ako sa loob ng bahay. Dumeretso ako sa kwarto ni Abby dahil alam kong nando'n siya't nagmumukmok.

"Brigette," tawag sa'kin ni Abby nang buksan ko ang pintuan ng kwarto niya. Halata sa boses nito na umiiyak siya. Lumapit ako at nakitang mugto ang mata niya. Napabuntong hininga ako, bago ko siya tinabihan sa kama niya.

"Brigette, ang sakit. Ayaw na akong makasama ni Toffer. Hindi na niya ako mahal. Nasawa na siya sa'kin," sabi niya sa pagitan ng paghikbi niya. Hindi ko alam kung anong gagawin ko. Ngayon ko lang nakitang umiyak ng ganito si Abby. Alam ko namang kahit madalas silang mag-away ni Toffer ay mahal na mahal niya ito, dahil kung hindi ay malamang hindi sila tatagal ng dalawang taon ni Toffer.

Niyakap ko siya at tinapik tapik ko ang likod niya. Wala akong masabi. Hindi ko alam kung ano ang dapat kong sabihin para mapagaan ang loob niya. Ang tanong meron ba? Meron bang mga salitang makakapagpagaan sa loob ng taong nasaktan? Wala naman 'di ba? Mas magiging magaan ang loob niya kapag papakinggan ko siya, at kapag hahayaan kong iyakan niya ako. 'Yon na lang siguro ang maitutulong ko sa ngayon.

Kahit patahanin siya ay 'di ko magawa. Alam ko kasi kung gaano kasakit ang maiwan ng mahal mo. Hindi man ako naiwan, gano'n pa rin ang naramdaman ko. Alam kong tanging sa pag-iyak lang mailalabas ni Abby ang sakit na nararamdaman niya. Sana lang. Sana lang na maging maayos na siya pagkatapos ng pag-iyak na 'yon.

Hindi ko alam kung gaano katagal umiyak sa mga balikat ko si Abby bago siya tumahan. Ang alam ko lang, basang basa na ang balikat ko sa mga luha niya. Nang tumigil na siya sa pag-iyak ay hindi ko naman siya makausap dahil tulala na siya, at parang wala na sa kanyang sarili.

"Brigette," tawag sa'kin ni Abby habang nakatingin sa kawalan. Ako naman ay napatingin lang sa kanya. "Samahan mo 'ko."

"Saan naman Abby?" tanong ko sa kanya. Hindi maganda ang kutob ko kung saan niya ako aayain. Mukhang alam ko na kung saan at mukhang hindi ako makakatanggi sa mga oras na 'to. Patay. Mapapasubo 'ata ako.

"Sa bar! Gusto kong uminom at magpakalunod sa alak. Samahan mo ako Brigette, please. Ngayong gabi lang please. Gusto ko lang makalimutan lahat ng sakit kahit ngayon lang," pakiusap niya sa'kin. Hindi ako makasagot. Bar or club house is not my place. Kahit nga lumapit sa labas no'n ay 'di ko ginagawa tapos ngayon papasukin pa niya ako do'n?

Hindi ito ang 1st time na inaya ako ni Abby sa isang bar, pero noon nakakatanggi ako, ngayon hindi ko na alam. Kung ako lang ang tatanungin, ayoko talaga, pero paano si Abby? Wala siyang kasama, baka kung mapaano siya kapag wala ako. Noon kasi si Toffer ang laging kasama ni Abby tuwing may party sa isang night club at may inuman.

"Pero..." Naghanap ako ng maidadahilan, pero wala akong maisip. Tiningnan ko si Abby na nakatingin lang sa'kin, na para bang sinasabing 'wag ako tatanggi. "Sige na nga, ngayon lang ha?" Ngayong gabi lang 'to, and I'll promise hindi na 'to mauulit.

"Thanks, Brigette. Alis tayo mamayang gabi, sa ngayon pwede mo ba muna ako iwang mag-isa?" Tumango ako at tumayo na mula sa kama niya. Palabas na ako ng kwarto ni Abby nang magsalita pa siya ulit. "Thank you best friend. Hindi ko alam ang gagawin ko kapag wala ka sa tabi ko ngayon."

13th Rose [PUBLISHED]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon