Chapter 21 - [21/25]

4.1K 137 4
                                    

Chapter 21

UMAGA NA naman. Isang araw na naman ang kailangan kong harapin. Isang araw ng masakit at mahirap tanggapin na katotohanan. Mag-iisang buwan na rin mula nang mag-entrance exam si Nash sa university. Last week ay nakakuha siya kaagad ng resulta, malamang nakapasa siya. Hindi maitago ang galak niya samantalang ako ay walang nararamdang kahit anong pagkasaya. Hindi ko alam kung bakit, pero pakiramdam ko ay magiging mas kumplikado lang ang lahat.

Iniisip ko pa lang na nasa iisang university lang kami ni Nash at Leonne parang hindi na tama. Parang may hindi na magandang mangyayari. Iniisip ko pa lang, awkward na. Mahal ko si Leonne, pero hindi kami pwede kaya iniiwasan ko siya. Mahal din ako ni Leonne, pero pinalayo ko siya. Pinili kong makasama si Nash na mahal din ako, at ang alam niya'y mahal ko rin siya, pero hindi, dahil mas mahal ko si Leonne.

Napabuntong hininga ako. Bakit kailangan maging ganoon kakumplikado ang sitwasyon namin? Bakit kailangan pang mangyari ang lahat nang 'to. Ang tanging gusto ko lang naman ay magising si Nash at maging masaya kami ulit, pero bakit kailangan ko pang mahulog para sa iba? Bakit kailangan ko pang lokohin si Nash? Ginulo ko na lamang ang sarili kong buhok, para matigil na ang mga bagay na tumatakbo sa isip ko. Kakagising ko pa lang at nakahiga pa ako sa kama, pero 'yun na agad ang pumasok sa isipan ko.

Bumangon na ako para maligo, mag-ayos, mag-almusal at pumasok sa school. Nagkita kami ni Abby sa Ministop malapit sa school at sabay nang pumasok ng campus. Maayos at tahimik naman ang simula ng araw ko tulad lang ng mga nakaraan, bago ako pumasok sa Humanities class ko.

Umupo ako sa palagi kong inuupuan noon katabi si Leonne, hindi naman nagtagal dumating na si Ma'am at nagstart na ang klase. Ilang linggo na simula noong 'di na pumapasok si Leonne sa klaseng 'to. Sa nag-iisang klase na magkasama kami. Hindi ko alam kung dahil siguradong papasa na naman siya dito o nagpalipat siya ng section at schedule.

Natapos ang klase at break ko na kaya napagpasyahan kong pumunta sa canteen at mag-aral para sa next class ko. May klase pa kasi si Ally kaya hindi ko siya maaya, kaya mukhang loner na naman ako sa mga oras na 'to. Kung okay pa sana kami ni Leonne, malamang nasa likod ko na 'yon ngayon at mangangalabit o 'di kaya'y mang-aakbay, pero hindi. Wala na ang friendship namin. Pinutol ko na.

Napapigil hininga ako nang tawagin ako ng isang pamilyar na boses, kay Francis, katropa nina Leonne at Martin. Marahan akong lumingon sa kanya at nakita kong nakaupo siya sa isang table sa canteen, kasama ng buong tropa nila. Kasama si Leonne.

"Bakit?" tanong ko, at sa wakas nakahinga na ako ulit matapos kong pigilin ito kanina. Sa halip na sumagot ay tumayo siya at hinila – mali – kinaladkad niya ako papalapit sa mesa kung saan sila nakabilog ng tropa niya.

"Birthday ko ngayon Brigette, ang tagal mo nang di nakikihalubilo sa'min, kaya sana pagbigyan mo na ako. Namiss ka kaya ng barkada! Sabi ni Leonne, busy ka daw sa projects mo kaya madalang ka na lang makasama sa'min, pwede bang magbreak ka muna sa mga projects mo ngayon?" nakangiting aya niya sa'kin. Napakagat ako sa dila ko. Hindi na ako makakatanggi dahil sa mga narinig ko, nakakahiya naman, kaya marahan lang akong tumango.

Naupo ako sa tabi ni Martin at sa tapat ni Leonne, doon kasi ang pwesto ni Francis at doon niya ako pinaupo. Binigyan niya ako ng isang slice ng pizza at iced tea bago siya umupo sa tabi ko.

"Nangayayat ka 'ata Brigette? Masyado ka 'atang concentrated sa projects mo at 'di ka na nakakakain ng tama a!" puna ni Michael na kaibigan din nila at nasa tabi ni Leonne, kaya nang mapatingin ako sa kanya ay 'di sinasadyang magtama ang tingin namin ni Leonne.

"Nako 'di naman 'no. Kumakain pa rin naman ako ng tama," depensa ko. Kumakain naman talaga ako sa tamang oras, pero hindi sa tamang dami. Simula nagising si Nash, wala na ako palagi sa mood kumain, kaya siguro nangayayat nga ako.

13th Rose [PUBLISHED]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon