Chapter 19 - [19/25]

3.9K 145 11
                                    

Chapter 19

PARANG MAY kulang. 'Yan ang nararamdaman ko sa mga oras na 'to, parang may malaking kulang sa pagkatao ko kahit na alam ko namang masaya ako. Masaya akong nagising na si Nash, pero pakiramdam ko may bagay na pumipigil para maging labis ang kasiyahang nararamdaman ko. Alam ko naman kung ano ang bagay na 'yon. Alam na alam ko.

Ngayon ko lang napagtatanto, hindi mo pala talaga mararamdaman ang lubos na kasiyahan kapay may bagay kang isinakripisyo. Siguro sa kalaunan ay magiging masaya ka, at iyon ay dahil natanggap mo na. Natanggap mo na ang lahat nang nangyari, at iyon na rin siguro ang paraan para maging lubos akong maging masaya. Ang tanggapin ang lahat, kahit mahirap.

Kagagaling ko lang sa canteen ng ospital para kumain ng agahan, bigla kasing kumalam ang tiyan ko kanina habang isinasagawa ang iba't ibang test kay Nash. Pabalik na ako ngayon sa kwarto niya, nagtext kasi sa'kin si Tita na nasa kwarto na raw si Nash.

"Brigette!" masiglang bati sa'kin ni Nash pagkapasok ko ng kwarto niya. Nadatnan ko siyang nakatayo sa tabi ng higaan niya.

"O, bakit ka nakatayo Nash? Kaya mo na bang tumayo? Baka mabinat ka ha," nag-aalala kong sabi sa kanya. Kagagaling lang niya sa mahabang paghimbing, kaya nag-aalala akong baka mapagod siya kaagad. Sinabi rin kasi ng doktor na hindi pa ganoon kalakas ang katawan niya. Lumapit ako sa kanya, at hinawakan ko ang mga braso niya para paupuin ulit sa kama.

"Brigette naman, ilang taon na akong nakahiga sa kamang 'to. Paalisin mo naman ako dito," sabi niya. Bakas ang lungot sa boses nito. Tiningna ko lang siya. Oo nga naman, ilang taon na siyang naka-pako sa kamang kinauupuan niya ngayon.

"Sige na, tara't maglakad-lakad tayo," nakangiti kong sabi sa kanya. Napatingin naman siya sa'kin, tila nagniningning ang kanyang mga mata na para bang tuwang-tuwa siya sa pag-aaya ko sa kanya.

Binigyan niya ako ng isang malapad na ngiti, na tulad ng mga ngiting ibinibigay niya sa'kin noon, bago siya tumayo. "Tara na," sambit niya at hinawakan pa ang kaliwang kamay ko. Nagulat ako sa ginawa niya, pero hindi ko ito pinahalata. Ngumiti lang ako at nagpaalam na kay Tita Leila, pagkatapos ay lumabas na ng kwarto niya.

Dahan-dahan lang kaming naglalakad, para bang naglalakad lang kami sa luneta, hanggang sa makarating kami sa garden ng ospital na para na ring park sa laki. Naupo kami sa isang bakanteng bench at tahimik na nagmasid sa paligid.

"Tinext kita kanina, pero bakit hindi ka sumagot?" Napatingin ako kay Nash nang magsalita siya. Nasa kanya na pala kaagad ang cellphone niya.

"Nagpalit ako ng number Nash, nanakawan kasi ako, siguro mga dalawang taon nang nakalilipas. Ibibigay ko na lang ang bago kong number sa'yo. Ano bang tinext mo sa'kin kanina?" sagot ko sa kanya. Tumango naman siya tanda ng pag-intindi niya sa'kin.

"Wala naman, sabi kasi ni Mama nasa canteen ka raw kaya naisipan kong itext kang magpakabusog, at na bumili ka ng dalawang Root Beer in can. Alam mo na, dating gawi, mag-iinom tayo ng Root Beer habang nagkwekwentuhan," sabi niya nang nakangiti, na para bang masaya niyang inaalala ang mga masasayang sandali namin noon.

Nag-aalangan man ako sa sasabihin ko, sinagot ko pa rin siya. "Hindi na ako umiinom ng Root Beer Nash." Siya naman ang napalingon sa'kin dahil sa sinabi ko. Sa halip na sumagot at tiningnan lang niya ako na para bang tinatanong kung ako kung bakit. "Nagka-ulcer kasi ako noon, siguro mga ilang buwan matapos ang aksidente, kaya pinagbawalan ako ng doktor uminom ng softdrinks. Simula no'n hindi na ako uminom ng Root Beer," pag-eexplain ko. Napansin ko ang pagkunot ng noo niya, at ramdam ko ang pagkalungkot niya.

Alam ko naman na malulungkot siya, kaya nagdalawang isip ako sa sasabihin ko, pero ayoko namang magsinungaling sa kanya para lang mapagaan ang loob niya. Nabalot na naman kami ng katahimikan. Nakatingin siya sa kawalan habang ako naman ay nakatitig sa kanya. Iniisip ko kung paano ko ba maibabalik ang dati. Ang dating kami bago pa mangyari ang aksidente. 'Yung masayang kami. Iba kasi ngayon e, may awkward atmosphere na bumabalot sa pagitan na namin at gusto kong mawala 'yon.

13th Rose [PUBLISHED]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon