YAMTF Kabanata: 19

27.7K 939 34
                                    

Kinabukasan, nagising ang diwa ni Raine nang makarinig nang ilang beses na pagkatok sa pintuan ng kanyang silid. Kahit inaantok pa ay napagpasyahan niyang buksan na lamang ito, ngunit nang tangkain n'yang ibangon ang kanyang katawan sa pagkakahiga agad nakaramdam ng kirot ang dalaga sa ibabang parte ng kanyang katawan.

"Aray!" hinaing niya habang hinihimas ang kanyang balakang.

Nasa ganoong posisyon ang dalaga nang biglang bumukas ang pintuan ng kanyang silid at bumungad sa kanya ang kapatid n'yang si Riz, na tila hinahabol ng kung sino dahil sa akto nitong tila nagmamadali.

"Oh Riz anong nangyari sa'yo?" pagtatanong niya rito para alamin ang nangyayari sa dalagita.

"Ate, nakita mo ba iyong damit na binigay mo sa akin? Hindi ko kasi makita sa damitan ko." iritableng saad nito saka umupo sa kanyang kama.

"Tingnan mo roon sa kabinet ko, nailagay ata ni Mama roon." aniya habang patuloy pa rin sa paghimas ng kanyang balakang.

Pinagmasdan lamang ni Raine ang kanyang kapatid, na ngayon ay nagmamadaling hanapin ang pakay nito.

"Oy Ne, ano bang problema mo, bakit ka ba nagmamadali?" kunot noo niyang tanong rito.

"Eh kasi naman malalate na ako ate, kailangan ko 'yung damit na 'yon dahil may practice kami mamaya after school." nakangusong sambit ni Riz habang abala sa paghahalungkat ng aparador ng kanyang Ate.

"Tingnan mo d'yan sa bandang taas, d'yan ata inilagay ni Mama eh." sa puntong iyon pinilit na ni Raine ibangon ang kanyang katawan sa kama.

Nagpatuloy lamang si Riz sa paghahalungkat ng aparador ng kanyang Ate Raine. At nang makita ang kanyang pakay, agad n'yang hinila ito dahilan para maglaglagan ang mga bagay na galing sa aparador ng dalaga.

Tumilapon ang mga iyon sa sahig, na ikinagulat naman parehas ng magkapatid. Maagap naman na pinulot ni Riz ang mga iyon.

Habang abala si Riz sa pagliligpit saka naman nagsalitang muli si Raine, "Sige na Riz, ako na ang bahala d'yan, pumasok ka na baka malate ka pa." aniya sa kanyang kapatid saka lumakad papalapit dito.

"Salamat po Ate, pangako ako maglilinis ng kwarto mo sa sabado." masiglang sambit nito saka humalik sa pisngi ng kanyang Ate Raine.

Tanging tango na lang ang naisagot ng dalaga rito, dahil mabilis na kumaripas ng takbo ang kanyang nakababatang kapatid para lisanin ang kanyang silid. Dahan-dahan s'yang umupo at Isa-isa n'yang pinulot ang mga gamit na nagkalat sa sahig. Nangunot bigla ang kanyang noo nang mapansin ang isang bagay doon, kinuha n'ya ito at nakaramdam ng lungkot nang maalala ang nakaraan.

Binasa n'yang muli ang mga salitang nakasakit sa kanya noong panahong nagmahal siya sa unang pagkakataon. Muling nanumbalik sa sistema ng dalaga ang lahat ng sakit na kanyang naramdaman noong panahong iniwan siya ni Icarus. Na kahit ilang beses na niyang sinabi sa kanyang sarili na tama na, dapat na niyang kalimutan ang mga alaala ng binata. Wala pa rin siyang nagawa, dahil hindi pala kayang lumimot ng puso, lalo na sa taong minsan ay minahal niya ng lubusan.

Nagmadaling iniligpit ni Raine ang kanyang mga gamit, kasama na rito ang mga bagay na ibinigay sa kanya ni Icarus noong mga panahon sila'y magkasintahan pa.


*****


Kinagabihan, tapos na ang shift ni Raine sa Bake Shop na kanyang pinapasukan, kaya naman agad s'yang nagpaalam sa kanyang mga kasamahan.

"Ate Jackie, pakisabi po kay Ate Amara uwi na po ako, medyo masama po kasi ang pakiramdam ko." matamlay na saad ni Raine habang nagliligpit ng kanyang mga gamit.

"O sige Raine kami nang bahala rito." wika ni Jackie at tinanguan pa siya nito tanda ng pamamaalam.

Ngumiti na lang si Raine ng bahagya at saka nagpaalam na rin sa iba pa n'yang kasamahan, bago nilisan ang nasabing establisyamento.

Nang marating ni Raine ang waiting shed kung saan kailangan n'yang maghintay ng masasakyang jeep, agad s'yang umupo sa bakanteng upuan dito para kahit papaano ay makapagpahinga. Ilang minuto rin ang kanyang pinaghintay bago tuluyang makasakay ng jeep.

Nang makarating siya sa kanilang tahanan, matamlay na pumasok si Raine rito, na agad namang napansin ng kanyang Mama Gina.

"Oh anak, akala ko ay mag-oovertime ka sa trabaho?" kunot noong tanong nito sa kanya "At bakit namumutla ka yata?" nag-aalalang sambit ni Mama Gina sa dalaga.

"Ayos lang po ako Mama, magpapahinga lang po muna ako." aniya rito at saka ginawaran ng halik sa pisngi ang kanyang Ina.

"Sige Anak, magpahinga ka muna baka napagod ka lang sa trabaho." saad nito habang hinahaplos ang buhok ng dalaga. "Kumain ka na ba Anak?" dagdag pa nito.

Tanging tango na lang ang isinagot ni Raine rito at saka nagpaalam para umakyat na ng kanyang silid. Ibinagsak n'ya sa sahig ang kanyang bag at saka umupo sa kama para tanggalin ang kanyang sapatos.

Nahiga na ito nang hindi na nakuha pang magpalit ng pantulog dahil sa sama ng kanyang pakiramdam. Habang namamahinga'y biglang tumunog ang kanyang telepono. Hindi niya ito binigyang pansin dala ng kanyang masamang pakiramdam.

Ilang segundo rin ang lumipas bago ito kusang huminto, napagpasyahan na lang ni Raine na matulog na para kahit papaano ay mabawasan ang sama ng kanyang pakiramdam.

Ala una na nang madaling araw, biglang naalimpungatan si Raine sa tunog ng kanyang telepono.

Agad naman n'yang hinagilap ito sa kanyang bag na nasa sahig, at nang makitang hindi nakarehistro sa kanyang telepono ang numero nito.

Dali-dali n'yang sinagot ito,

"Hello?" bungad n'ya rito ngunit walang nakuhang sagot ang dalaga sa kabilang linya.

Sandaling katahimikan ang pumagitna sa dalawa, tiningnan pa ni Raine ang kanyang telepono kung naputol ba ang linya, ngunit nangunot ang kanyang noo ng makitang bukas pa naman ito.

"Hello sino 'to?" namamaos pa n'yang ulit dito, sa pagbabakasakaling sumagot na ito pabalik.

Ngunit wala, wala pa ring nakuhang sagot ang dalaga rito.

Kaya naman bumuntong hininga na lamang s'ya saka muling nagsalita, "Alam mo bang nakaka-istorbo ka ng taong natutulog, tapos ayaw mo naman sumagot," sa puntong iyon ay tumaas ang timbre ng kanyang boses at saka ipinagpatuloy ang kanyang pananalita.

"Talagang hindi ka pa rin magsasalita, bahala ka!" padabog na pinatay ni Raine ang linya at iritableng ipinatong muli ang kanyang telepono sa lamesita.

"Nakakainis!" tanging naisatinig ng dalaga saka nagpasyang bumalik na lamang sa kanyang pagkakatulog.



*****

Don't forget to tap the star ⭐️ button to vote.
Vote | Comment | Share
Facebook Page: Everjoy Condes #anaknikikodora
Facebook Group: THELABSSQUADWP
Facebook Official: Everjoy Condes WP

You and Me, Together Forever ✔️ (Published)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon