YAMTF Kabanata: 24

26.7K 773 24
                                    

Katahimikan ang namayani sa loob ng sasakyan ni Josh. Wala ni isa sa kanila ang gustong maunang magsalita, tanging mga buntong hininga lamang nila ang pumapaloob sa bawat sulok ng sasakyan.

Nakadungaw lang ang dalagang si Raine sa bintana, habang tinatanaw ang mga kabahayan at establisyamento na kanilang dinaraanan. Ngunit ang kanyang isipan ay parang naiwan sa gymnasium ng FTHS. Isipin tungkol kay Icarus at sa babaeng kasama nito.

"Mukang masaya na siya sa piling ng iba." malungkot na sambit ni Raine sa kanyang sarili.

Nasa ganoong pag-iisip ang dalaga nang maramdaman niyang biglang bumagal ang takbo ng sasakyan, at napansin niyang iginilid ni Josh ang kotse nito sa isang madilim na bahagi ng kalsada.

Nagtaka si Raine dahil hindi naman pinapatay ng binata ang makina ng sasakyan nito, kaya naman nilingon na niya si Josh. Nakita niya na nakasubsob ang mukha nito sa manibela, mukang may mabigat itong dinadala kaya't agad namang tinanong ito ni Raine.

"Joshhie... May problema ba?" alanganing niyang saad, nakita ni Raine na namumula ang mga mata nito't, bahagya rin itong namungay dahil sa pag-iyak.

Nagmamadaling humarap si Raine rito at maagap na hinawakan ang mukha ng binata, "Bakit ka umiiyak?"

"Joshhie, anong problema?" nag-aalalang wika niya habang hawak ang magkabilang pisngi ng kanyang kaibigan.

Ngumiti lang ito nang alanganin na hindi man lang umabot sa kanyang mga mata. Lalo namanng nabahala si Raine dahil hindi niya alam kung bakit biglang nagbago ang awra nito, samantalang maayos naman sila kanina bago pumunta sa FTHS.

"Joshhie anong problema, bakit ka umiiyak?" aniya sa binata habang masinsinan itong pinagmamasdan.

Hinawakan ni Josh ang kamay ng dalaga saka nito isinandal ang kanyang likod sa upuan ng sasakyan. Hindi muna nagsalita si Josh, tinitingnan lang niya si Raine na parang kinakabisado ang bawat sulok ng mukha ng dalaga.

Kahit naguguluhan hindi naman mawala sa kaisipan ni Raine ang posibilidad na may mabigat na dinadala ang kanyang kaibigan kaya naman muli n'ya itong tinanong, "Josh sabihin mo sa akin ang problema mo, pakiusap." sinserong saad niya rito para iparamdam sa binata na handa s'yang makinig sa lahat ng sasabihin nito.

Humugot muna nang mamalim na hininga si Josh saka ito nagsalita, Raine n-natatakot ako," panimulang usal nito na nakatawag talaga ng atensyon ng dalaga. "N-natatakot ako na kapag nalaman mo ang totoo... Baka kamuhian mo ako." at sa puntong iyon agad nagbagsakan ang mga luhang kanina pang pinipigilan ni Josh.

"A-anong bang sinasabi mo Joshhie, hindi kita maintindihan?" kunot-noong tanong ni Raine rito.

Naguguluhan ang dalaga sa sinasabi ng kanyang kaibigan, wala talaga siyang ideya kung anong tinutukoy ni Josh sa salitang "Totoo"

Hinigpitan lalo ni Josh ang hawak sa mga kamay ni Raine saka ito nagsalita nang, "Raine, alam ko ang lahat," saad nito habang diretsong nakatingin sa mata ng dalaga. "Alam ko ang lahat tungkol sa pag-alis ni Icarus." humihikbing dagdag pa ng binata.

Nang marinig ni Raine ang mga sinabi ni Josh, para siyang na-estatwa sa kanyang kinauupuan. Ang kaninang pag-aalala ay napalitan ng pagtatanong, pagtatanong kung tama ba ang kanyang narinig tungkol sa pag-iwan sa kanya ng dating kasintahan na si Icarus.

You and Me, Together Forever ✔️ (Published)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon