"LOOK at you!" gulat na wika ng pinsan niyang si Wendy nang pagbuksan siya nito ng pinto.
Sabado. Dinalaw niya ito. Dapat ay magkasama sila sa apartment nito ngunit hindi siya pinayagan ng daddy niya dahil ang laki-laki naman daw ng bahay nila.
"What's wrong with me?" aniyang tumuloy na sa loob dahil mukhang wala itong balak na papasukin siya.
"Tinatanong mo sa akin kung anong mali sa 'yo, ha, Louise? Nakalimutan mo bang kumonsulta muna sa salamin bago ka nagpunta rito?" anang pinsan niyang nakabawi na sa pagkatulala at tumabi sa kanya sa mahabang sofa.
"Para namang 'di mo ako kilala," bale-walang turan niya. Ipinatong niya ang kanyang mga paa sa center table.
"Nakita na ba 'yan ng Tito Augusto?" anitong sinipat-sipat pa ang kaliwang tainga niyang tadtad ng iba't ibang uri ng silver earrings. Bale lima ang ipinalagay niya roon.
Tumango siya.
"At okay lang sa kanya?" bulalas nito.
"We made a deal," aniya.
"A deal?"
"Sort of a compromise."
Nagtatanong ang tinging ibinigay nito sa kanya.
"Well, kasi, hindi lang sa tainga ako nagpalagay ng ganito," esplika niya sabay hawak sa kaliwang tainga niya. "Nagpalagay rin ako sa ilong at dila."
"What?!" exaggerated na bulalas nito.
Hanggang ngayon ay hindi pa rin niya maipaliwanag kung bakit naging magkasundung-magkasundo sila gayong magkaibang-magkaiba sila sa mga hilig at pananaw sa buhay.
Simple at conservative ito samantalang siya ay gustung-gusto ang nagsusuot ng palagi na ay ikinalilingon ng mga tao o kung hindi man ay ikinatataas ng kilay ng mga ito.
Predictable kung manamit at mag-ayos ito samantalang siya, walang makakahula kung ano ang susunod na magiging hitsura niya. Lahat ay sinusubukan niya samantalang ang pinsan niya ay kung ano lang ang mga bagay na alam nitong magagawa nitong mabuti ang siya lang ginagawa nito.
Lahat na yata ng hairstyles ay nasubukan na niya samantalang ang pinsan niya, mula pa noong mga bata pa sila ay mahaba na talaga ang buhok at hindi pa ito nag-iiba ng gupit. Siya, naranasan na niyang magpakulot ng buhok—at noong nauso ang semi-kalbo ay sinubukan din niya iyon; muntik nang himatayin ang daddy niya noong umuwi siyang ganoon ang ayos ng kanyang buhok. Matagal-tagal ding ganoon ang naging hairstyle niya.
Ngayon, hanggang balikat na niya ang kanyang buhok at may bangs pa siya, inspired ng hairstyle ni Claudine Barretto. So far, hindi pa naman siya nagsasawa sa ganoong style.
"Nasaan na ngayon 'yong hikaw sa ilong mo at 'yong nasa dila mo?" tanong nitong parang hindi lubos na maisip na nagawa nga niya ang bagay na iyon.
"That's the deal," aniyang pinagkrus ang kanyang mga paa sa ibabaw ng mesa. "Sabi ko sa daddy, hindi ko puwedeng ipatanggal lahat ang mga ipinakabit ko kaya dapat mamili siya kung ano ang tatanggalin ko."
"At siyempre, pinili niyang 'yong nasa ilong at dila mo ang tanggalin mo, ganoon ba?"
"Eksakto, amiga," aniya.
"Ikaw talaga, Louise," anito, "hindi na nga umaangal ang daddy mo sa mga pinaggagagawa mo at sa mga suot mo, nagagawa mo pa ring mag-isip ng mga bagay na talaga namang ikabibigla niya," sermon nito sa kanya.
BINABASA MO ANG
Aayaw - ayaw, Hahabul - habol COMPLETED (Published by PHR)
RomanceAayaw - ayaw, Hahabul - habol By Claudia Santiago "Give me one reason reason why I should even consider giving you the second chance you're asking..."