NAPAHINTO si Louise sa pagkanta nang makita niyang umalis si Alfred. Nanginig ang kamay niyang may hawak sa mikropono.
"That's it, folks," sabi na lamang niya. Alam niyang may ilang nakapansin sa ginawang pag-alis ng binata. Agad siyang sumunod dito. Hindi niya alam kung paano pa niya nagawa iyon gayong pinanginginigan na siya ng mga tuhod.
Naabutan niya ito sa tabi ng kotse nito sa parking lot. Nasa ibabaw niyon ang mga kamay nito, patalikod sa kanya.
"A-Alfred...?" aniya nang makalapit na siya rito.
"Why did you have to do it, Louise? Bakit kailangan mo pang gawin iyon, ha?" anitong nanatiling nakatalikod sa kanya. "You wanted to impress those people inside? Gusto mong hangaan ka ng mga tao roon, ng mga lalaki roon?"
"Alfred...?" gulat na bulalas niya. Hindi ito ang inaasahan niyang magiging reaksiyon nito. My God, pinaghirapan niya iyon!
"You know what, Louise? Mukhang kahit kailan ay hindi tayo magkakasundo. You love to be applauded by people. You love to show them how different you are from the rest of them while I like to be left alone. Hindi ko gusto ang atensiyon ng iba. Ayoko ng pinag-uusapan ako. I don't want to attract their attention. My mother loved that kind of life. She wouldn't settle for a simple life. A husband and a son weren't enough reason to make her stay. To make her happy. And it seems like—"
Tumigil ito nang pagharap nito ay makita nitong hindi maampat-ampat ang mga luhang nalalaglag mula sa kanyang mga mata.
"N-na katulad ako ng mama mo?" umiiyak na wika niya. "Na hindi makokontento sa isang pamilya? Na palaging may hahanapin? Na kayang iwan ang pamilya para sa makasariling dahilan? Kung 'yon nga ang iniisip mo, Alfred, then you don't know me at all..."
Umiiyak na hinubad niya sa kanyang daliri ang singsing na ibinigay nito sa kanya. Kinuha niya ang kamay nito ay inilagay roon ang singsing. Pagkatapos ay itinikom niya ang kamao nito at hinawakan niya iyon.
"Hindi por que ganito ang personality ko, hindi por que ganito kalakas ang loob kong humarap sa maraming tao, hindi por que ganito ako manamit o maraming hikaw ang tainga ko o pula ang kulay ng mga kuko ko ay hindi na ako mabuting tao o hindi ko kayang maging mabuting asawa at ina," wika niya. "Hindi ako nagsusuot ng mahabang palda, mahilig akong mag-iba ng anyo, walang pino kung tumawa, pero hindi ibig sabihin n'on that I'm a lesser person compared sa mga tulad ni Wendy. Sa likod ng lahat ng 'to, naroon 'yong babaeng gusto ng isang masayang pamilya, ng tahimik na buhay. At akala ko, nakita mo 'yon, pero nagkamali ako."
Humigpit ang pagkakahawak niya sa nakasarang palad nito.
"Ibinabalik ko na ang singsing na 'yan. Because in the first place, hindi naman ako ang gusto mong pagbigyan niyan, but the woman in your mind," lumuluhang turan niya. Nahihirapan mang huminga ay ipinagpatuloy pa rin niya ang pagsasalita. "Go find a woman just like Wendy, Alfred. Go find someone like her. Dahil kahit kailan, I could never meet your expectations. I could never satisfy you. I could never make you happy. You'll always see the woman who left you and your father, the woman who never saw reason enough to stay. You'll always see that woman in me because I dress like this, I act like this. G-good-bye..." Iyon lang at umalis na siya.
Naroon na sina John at Wendy sa parking lot. Ipinagbukas siya ng pinto ng lalaki at agad siyang sumakay ng kotse nito.
GABING-GABI na ngunit sinadya pa rin ni Alfred ang taong dahilan ng lahat ng disappointments at kabiguan niya sa buhay. Paulit-ulit siyang nag-doorbell kahit kanina pa sinabi ng katulong na tulog na ang amo nito.
"Maristela, lumabas ka riyan!" Nakainom siya kaya malakas na ang loob niya, idagdag pang sobra ang galit na kanyang nararamdaman.
Lumabas ang babae sa gate. Nakaroba ito.
"Alfred, hijo, ano'ng nangyari sa 'yo? Bakit ganyan ang histura mo. Pumasok ka muna," anang babae.
"Alam mo bang ang pinakamasakit na nangyari sa buhay ko ay nang maging ina kita, Maristela?" masamang-masama ang loob na turan niya. "Ikaw ang dahilan kung bakit nawala ang babaeng pinakamamahal ko. Ikaw ang dahilan kung bakit nagdurusa ako ngayon nang husto. Bakit hindi ka pa nakontento nang bigyan mo kami ng kahihiyan ng papa, ha? Bakit hanggang ngayon ay hindi pa rin kami makaalis sa anino mo? Bakit?!" sigaw niya.
"Hijo, anak," lumuluhang turan nito.
"Bakit walang kuwenta ang naging ina ko? Bakit ikaw ang naging ina ko? Bakit?" Napadausdos siya sa semento.
Tinawag ng kanyang ina ang katulong at ang hardinero upang maalalayan siya papasok sa bahay.
"KUMAIN ka muna ng almusal," anang ina niya pagbaba niya ng hagdan.
Ngunit parang walang narinig na tuluy-tuloy siyang nagtungo sa front door.
"Alfred..."
Huminto siya; malapit na siya sa pintuan.
"Hindi lahat ng babae ay tulad kong makasarili, Alfred. For whatever it's worth, mahabang panahon ko nang pinagsisihan ang ginawa ko sa inyo ng papa mo," may luha sa mga matang turan ng kanyang ina.
"And you think that's enough? Absuwelto ka na, ganoon ba?" matigas na sumbat niya, hindi na nag-abalang harapin ito.
"Hindi," anitong garalgal ang tinig. "Habang-buhay na dadalhin ko 'yon. Alam kong kalabisan 'yon, pero... humihingi ako ng tawad... anak," anito.
Nanatili siyang nakahinto at nakatalikod dito. Pagkaraan ng ilang sandali ay lumabas na siya sa bahay. Hindi niya alam kung kailan niya mapapatawad ang kanyang ina. Natatakot siyang baka hindi na dumating ang araw na iyon.
Tumulo ang luha sa kanyang mga pisngi nang maisip niya kung gaano kahalaga ang pinakawalan niya ng dahil sa takot niya.
NAMUMUKHAAN ni Louise ang babaeng pumasok sa kanyang opisina. Ayon sa kanyang store manager ay hinahanap daw siya nito.
"Good afternoon po," magalang na wika niya. "Have a seat."
"Thank you," anito. Kahit may-edad na ito ay hindi pa rin maikakaila ang angking ganda nito. "Louise, right?"
Tumango siya.
"I'm Maristela, Alfred's mother," pakilala nito. "Sa papa ni Alfred ko nalaman ang address nitong boutique mo," anito.
"What can I do for you, Ma'am?" magalang na tanong niya. Mabanggit lang ang pangalan ng binata ay nakakaramdam na siya ng di-matatawarang sakit.
"Hindi alam ni Alfred ang pagpunta ko rito. At siguradong hindi niya magugustuhan kapag nalaman niya. You see, mula pagkabata ng anak ko ay wala na kong nagawang mabuti para sa kanya. He's my son. Mahirap mang paniwalaan, sa sarili kong paraan, mahal ko siya. And I have to do something for him. Bago man lang ako mawala sa mundong ito ay may masabi akong nagawa ko para sa kaisa-isa kong si Alfred," nangingilid ang mga luhang sabi nito.
BINABASA MO ANG
Aayaw - ayaw, Hahabul - habol COMPLETED (Published by PHR)
RomanceAayaw - ayaw, Hahabul - habol By Claudia Santiago "Give me one reason reason why I should even consider giving you the second chance you're asking..."