Chapter 10

17.6K 280 2
                                    


"TITA Louise, nagugutom na ako," ani Micaela. Mag-aalas-onse na ng tanghali.

"Yes, honey, kakain na tayo," aniya sabay haplos sa buhok nito. "Hintayin na lang natin ang Kuya Aaron at Tito Alfred mo."

Nag-CR ang dalawa at naiwan silang nakaupo sa isang bench. Kontentong nakasandal sa kanya si Juliana habang dumedede ito.

"Let's go?" anang binata pagbalik nito at ni Aaron.

"Tito Alfred, nagugutom na ako," reklamo ni Micaela rito.

"Then we're going to eat," masiglang wika nito.

Tumayo na rin siya. Nakakaramdam na siya ng pangangalay ng mga braso; kanina pa niya karga-karga si Juliana.

"Ako naman ang kakarga sa kanya," alok ng binata. Hindi na nito hinintay na sumagot siya. Kinuha na nito sa kanya ang bata.

"Tito Alfred, paano naman ako?" ani Micaela.

"Napapagod na siya sa kakakarga kay Juliana," paliwanag nito

Parang may malamig na bagay na humaplos sa kanyang puso nang marinig niya ang tinuran nitong iyon. Inaalala rin naman pala siya nito kahit paano.

"Huwag ka na ngang magpa-baby, Mica," singit naman ni Aaron. "Nakita mo na ngang napapagod na si Tita Louise, eh. Makakaupo ka na rin mamaya sa kotse."

Nakakatuwa talagang kasama ang tatlong bata dahil kung hindi sa mga ito ay hindi niya makakasama nang ganito si Alfred.

Tulog na si Juliana pagsakay nila sa kotse ng binata.

"Sa restaurant ko na lang tayo kumain. Para matikman naman ninyo ang mga specialties doon," anito pagkatapos nitong sandal­ing sumulyap sa kanya.

"May restaurant ka, Tito Alfred?" Bigla na namang nabuhayan ang inaantok nang si Micaela.

Nakangiting tumango ang binata.

"Ikaw mismo ang nagluluto roon tulad ni Mommy at ni Tita Wendy?" tanong pa nito.

Hindi na naman siya nakasama sa binanggit ng pamangkin dahil alam nitong hindi siya marunong magluto. Naririnig kasi nito kapag tinutukso siya nina Wendy at Margaret na wala raw siyang alam lutuin kundi tubig.

"Minsan, ako ang nagluluto. Minsan naman, hindi ako," sagot ng binata.

"May ice cream din ba roon, Tito Alfred?" hirit ni Micaela.

"Mayro'n," masiglang tugon nito.

Pagdating sa restaurant ay nagising na rin si Juliana. Iginiya sila ng binata sa isang bakanteng mesa na nasa may ban­dang gilid. Tumawag ito ng waiter at sinabi rito ang mga pagkaing ihahain nito sa kanila.

Nang dumating ang mga pagkain ay hindi pa rin umalis ang binata. Bagkus ay sinaluhan sila nito. Ito pa mismo ang nag-asikaso kay Micaela at siya naman kay Juliana.

Walang dudang magiging isang mabuting ama ito sa mga magig­ing anak nito. Ni hindi man lang niya kinakitaan ito ng pagkairi­ta. Sa halip ay kitang-kita niya ang tuwa sa mukha nito. Halatang nag-e-enjoy ito sa company ng mga bata, lalo pa at panay ang pan­gungulit dito ni Micaela.

"Alfred!" narinig nilang tawag ng isang may-edad nang lalaki na medyo nakakalbo na rin.

"Roman—" anito at tumayo.

"Is she your wife? Anim na buwan lang akong nawala, nakapag-asawa ka na agad. And how are these beautiful children?" magiliw na wika ng matanda.

"My name is Micaela Tiongson," sagot ni Micaela na akala mo ay nasa loob ng classrom at nagpapakilala sa mga kaklase.

"Oh, hi, there, Micaela! I'm Tito Roman," anang matanda.

"Roman, this is Louise," ani Alfred.

"Magandang tanghali ho," tugon niya.

"At mga bisita niya, sina Micaela, Aaron at Juliana."

Humagikgik si Juliana nang marinig nito ang pangalan nito.

"Kailan ka pa nag-asawa?" muli ay tanong ng matanda.

"Roman, Louise is a friend," tugon ng binata.

"Oh," anitong tumingin sa kanya. "Are you sure?" pilyong paniniguro nito.

Ngumiti na lamang ang binata.

"Well, I hope not for long, Alfred, hijo," bulong pa ng matanda rito na hindi naman nakaligtas sa pandinig niya. Pakiram­dam niya ay talagang sinadya nitong marinig niya ang ibinulong nito sa binata.

She liked the man, she decided right away. Ang mga katulad nito ang dapat na nakakasalamuha ni Alfred, pilyang wika niya sa isip.

Nagpaalam na ito sa kanila at bumalik sa mesa nito.

"That's Roman," ani Alfred nang muling maupo ito. "Kaibigan siya ng papa at regular na customer dito sa restaurant."

"Para pala siyang ang papa, ayaw patawag ng 'Mr.' o kaya naman 'Lolo,'" nakangiting sabi niya rito. "'Daddy' nga ang tawag nina Micaela sa kanya, eh."

"Tito Alfred, puwede bang humingi pa uli ng ice cream?" ungot ni Micaela.

"Mica, marami ka na yatang nakain, ah," aniya sa pag-aalalang baka sumakit ang tiyan nito.

"Okay, Mica, last na 'to, ha?" masuyong sabi ng binata. "Para 'di na mag-alala ang Tita Louise mo."

"Okay," anang bata.

Aayaw - ayaw, Hahabul - habol  COMPLETED (Published by PHR)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon