Shop-o-pop
"GUSTO ko ng French fries, burger, nuggets—"
"No."
Eksaheradong sumimangot si Eura nang agawin ni Stein ang frozen goods na hawak niya at ibalik sa ref. "Pero 'yon ang gusto kong kainin."
"Hindi ka pa ba nagsasawa sa mga 'yan? Puro 'yan na ang kinakain mo sa Kahit Saan. Para saan pa at ipagluluto kita kung fast-food meal lang din naman pala ang gusto mo?" parang iritadong sabi ng binata habang tulak-tulak ang shopping cart.
"Talaga? Ipagluluto mo 'ko?" excited na tanong ni Eura. Nananahimik siya sa Magic Petals kanina nang bigla siyang yayaing lumabas ni Stein kahit hindi pa tapos ang office hours nito. Nagtaka siya kung bakit sa grocery store siya dinala, iyon naman pala ay may balak itong ipagluto siya.
"Oo. Hindi healthy ang araw-araw na pagkain ng fast-food meal. Ano'ng gusto mong ulam?"
Nag-isip siya. "Hmm... parang gusto ko ng shrimp tempura... saka kare-kare... at afritada."
Natawa nang marahan si Stein. Itinigil ang pagtulak sa shopping cart para mamili sa hilera ng mga karne sa harap nila. "All right. Kung 'yon ang gusto ng mahal kong prinsesa."
Naramdaman ni Eura ang pag-iinit ng kanyang magkabilang pisngi. Ipinatong niya ang mga braso sa handle ng shopping cart habang pinapanood ang binata sa ginagawang pagsuri nang maigi sa mga karne. "Stein, ang sabi nina Melou, ako raw ang first girlfriend mo."
"Ayaw mo?"
"Hindi naman. Nagtataka lang ako. Kung naging lalaki lang ako at naging ganyan kaguwapo, baka naging playboy ako." Pasimple siyang luminga sa paligid. Napansin niyang halos lahat ng babae roon ay napapatingin kay Stein na may paghanga sa mga mata. Well, it was expected. With his handsome face, and tall and lean body, he stood out. Mabuti na lang, suplado si Stein. "Natakot ka bang masaktan?"
"No. Melou and I were brought up in a loving family. Our parents love each other so much, kaya hindi kami naging pessimistic ng kakambal ko pagdating sa pag-ibig o pakikipagrelasyon. Ang sabi sa 'kin ng daddy ko, kahit lalaki ako, hindi naman masama kung irereserba ko ang sarili ko para sa iisang babae lang. Hindi naman daw sukatan ng pagiging lalaki ang dami ng babaeng makakarelasyon ko. He said real men stay faithful—they don't have time to look for other women because they're too busy looking for new ways to love their own."
Lumobo ang puso ni Eura. She was his first love! "Ang cool ng daddy n'yo, Stein," nakangiting sabi niya.
Inilagay ng binata sa shopping cart ang ilang frozen pork and chicken. "True. Anyway, malapit mo nang makilala ang mga magulang ko. Pinauwi ko sila sa Pilipinas mula Australia."
"Stein! Bakit ngayon mo lang sinabi sa 'kin 'yan?"
"Sorry. Ngayon ko lang naalala, eh."
Kinabahan si Eura. Hindi niya alam kung matatanggap ba siya kapag nalaman ng mga magulang ni Stein na may amnesia siya at hindi alam ang sariling pagkatao. Bumuga siya ng hangin, saka itinulak ang shopping cart. "Matatanggap kaya nila ako?"
Naramdaman niya ang matatag na katawan ni Stein sa kanyang likod. Hinawakan din nito ang handle ng shopping cart kaya ang nangyari tuloy, parang yakap-yakap siya ng binata mula sa likuran. "Like I told you, my parents are loving and understanding. And what's there not to love about you?"
Tumigil siya sa paglalakad nang mapadaan sila sa estante ng mga junk food. "Stein, you're actually more flirty than Inner Stein," natatawang komento niya.
Ipinatong nito ang baba sa kanyang ulo. "Ganito ang nagagawa sa 'kin ng pagmamahal ko sa 'yo."
Nailang siya nang mapansing pinagtitinginan na sila ng mga tao. "Stein, ang daming nakatingin sa 'tin, o."
"Hayaan mo sila. Hindi naman tayo kilala ng mga 'yan."
Natawa si Eura at itinulak na uli ang shopping cart pagkatapos maglagay roon ng limang malalaking junk food. "I love you na talaga, Stein."
"I love you, too. Ah. Gusto mo ng ice cream?"
"Oo. Chocolate, ha?"
"Sure. Mauna ka na sa counter. Ako na ang kukuha."
"Okay." Hinalikan pa siya ni Stein sa noo bago umalis. Dumeretso naman siya sa counter. Habang nakapila ay may lalaking lumapit sa kanya.
"Marielle, I'm surprised to see you here!" masayang bulalas ng lalaki. The young man was handsome, elegant yet he seemed to emit dangerous aura. His foxy grin was creeping her out.
Nagpalinga-linga si Eura sa paligid bago nagtatakang binalingan ang lalaki. "Nagkakamali ka yata. 'Eura' ang pangalan ko at hindi 'Marielle.'"
He chuckled. "I know. Pero ikaw 'tong nagsabi sa 'kin na tawagin kitang 'Marielle' kapag nasa publiko tayo."
Nagkaroon ng masamang kutob si Eura. "Kilala mo ako?"
Bumakas ang pagtataka sa mukha ng lalaki. Hanggang sa naging malamig ang mga mata. "'Wag mo 'kong pagmukhaing tanga, Euranika Marielle Ventura."
Napaatras siya nang makaramdam ng kaunting takot sa pagiging seryoso ng estranghero. "H-hindi kita niloloko. M-may amnesia ako kaya wala akong matandaan sa nakaraan ko." Napaisip siya. "'Yong itinawag mo sa 'kin, 'yon ba ang totoo kong pangalan?"
Tumitig lang sa kanya ang lalaki na parang pinag-aaralan ang kanyang mukha. "You're not lying," konklusyon nito. "What the heck happened to you, Eura?" kunot-noong tanong ng estranghero, lumapit sa kanya at hinawakan siya sa magkabilang balikat. "Ang alam naming lahat, nasa Paris ka! Ano'ng nangyari sa 'yo?"
Was he concerned about her? Napansin kasi niyang naging maamo ang mukha ng lalaki. Isa pa, medyo naging komportable na rin siya sa estranghero. "Ahm—"
"Get your hands off her, Seigo!"
Sabay silang napalingon ni "Seigo" kay Stein who looked angry. Hinila siya ni Stein at itinago mula sa estranghero.
"Stein?" Nagpalipat-lipat ang tingin ni Seigo kina Eura at Stein, pagkatapos ay ngumisi. "You're keeping an amnesiac girl? That's interesting."
"I'm warning you, Seigo. You fucking stay away from Eura," pagbabanta ni Stein.
Hinawakan ni Eura si Stein sa braso para kalmahin. "Stein, kilala niya ako."
"No, Eura. Kung kilala ka man niya, siguradong 'yon ay dahil napaimbestigahan na niya ang nangyayari sa Luna Ville. He just wants to mess with us."
Tumawa si Seigo. "Napaka-judgmental mo naman, Stein. Pero masaya akong malamang nabihag na pala ng isang babae ang puso mo. Ilang taon lang ako nawala, naging binata ka na."
Bumuga ng hangin si Stein. Medyo kumalma na. "Seigo... Please stop this." Hinawakan ni Stein si Eura at iniharap sa counter. Tapos na palang i-punch ang mga pinamili nila. Mabilis na nagbayad si Stein at binitbit ang dalawang malalaking plastic bag bago muling hinarap si Seigo. "Kahit makita mo siya, sa tingin mo ba, maibabalik n'yo pa ang dati?"
Seigo flashed his creepy smile. "You used to be a cute, distant child, Stein. But I fucking hate you now. Anyway, nag-aaral ka pa rin bang tumugtog ng violin? Gusto mo bang magpadala ako ng magaling na tutor para sa 'yo?"
"No, thanks."
"I insist," giit ni Seigo. "Well, did you know first loves are known to be the greatest heartaches, too?" makahulugang tanong nito, bago nakangising tumalikod.
Kumalma lang si Eura nang mawala si Seigo. Ramdam na ramdam niya kanina ang animosity sa pagitan ng dalawang lalaki. "Stein, sino siya?"
Bumuga ng hangin ang binata. "Seigo Alicantre... a former friend."
Hindi na siya nag-usisa. The names "Seigo Alicantre" and "Euranika Marielle Ventura" seemed to create a buzz in her head.
BINABASA MO ANG
Luna Ville Series 3: Playful Fairy Trick (COMPLETE)
Romance"Mahal kita. Mahal mo ako. Ngayon, kung may magsasabing hindi tayo puwedeng magsama, aawayin ko sila." [PUBLISHED 2015 under Precious Pages] Nagising na lang si Eura isang araw na walang alaala. Ang inaasahan niyang makapagsasabi sa kanya kung sino...