Isa ito sa mga gabi kung saan tila ba lahat ay mitsa ng mga pilit na kinakaligtaang alaala,
mga alaalang kinakaladkad ang puso kong pagod na sumasabay sa takbo ng nagmamadaling jeep.Mga gabi kung saan naaaninag ko sa sari-saring kulay ng headlights sa highway ang liwanag ng iyong mga mata,
sa tuwing humahalakhak ka,
naririnig ko ang ugong ng pinagsamang tibok ng puso nating dalawa sa makina ng bawat sasakyan,
at pilit kong binubuhat sa dalawa kong balikat ang katahimikan na ang tanging sinisigaw ay kung nasaan ka.Hanggang ngayon ay gunita ka,
Nilalamon pa rin ng multo mo ang payapa kong mga gabi.
Akay mo pa rin ang mga prosa at tula na inanak ng pangungulila ko sa biglang pagliko ng landas nating dalawa.
Pangalan mo pa rin ang itinatago kong literal sa ilalim ng gabundok na talinghaga.Sa mga gabing ganito, nagpapasalamat ako sa'yo dahil madami akong pinipilit na maintindihan habang tinatahak ang natitira pang daan sa aking mga paa.
Hanggang ngayon, aaminin ko, nalilito pa rin ako, inaapuhap pa rin ang aral na nais ituro sa akin ng buhay noong nakilala kita. Nalilito pa rin kung ang kalsadang ito ba ay palayo, palapit, o walang patutunguhan.
Pero dahil ikaw ang nagsisilbing marka sa bawat daraanan ko, katulad na lang din ng pag-alalay mo sa tuwing naliligaw ako kapag aalis ako ng mag-isa, alam kong maraming dahilan para hindi antukin sa biyaheng ito.
Dahil darating din ang araw na huhubarin ko na ang sapatos ko at ipapahinga ang pagod kong mga paa pag-uwi ko, pag-uwi ko.
-Jeremy Marzan
BINABASA MO ANG
Spoken Word Poetry Compilation
PoetryThere are some reversed poetry and some are not.. Hope you like it! I do not own any entry posted. Credits to the rightful owners. HAPPY 2K READS! 🎉