Entry #21

40 5 0
                                    

"MASAYA SILA, KAHIT WALA KANG MEDALYA"

Heto na, ang pinakahihintay,
Ang matapos ang lahat ng anumang bagay,
Mga pinaghirapan ay bubunga,
Sa isang araw, na punong-puno ng “paalam na.”

Maglalakad nang dahan-dahan,
Kasama ang magulang na naging dahilan,
Sila rin ang nagsilbing daan,
Sa mundong iyong kinagisnan.

Heto na, hawak mo na.
Ang sertipikong may pangalan,
Tanda, na ika’y nakaraos at nakatapos.
Magpasalamat ka, sa taong nagpaka-gapos.

Pero, teka. Bakit malungkot ka?
Nung nakita mo ang gintong medalya?
Bakit iniisip mong walang nakasukbit sa leeg mo?
Bakit iniisip mo, na parang kulang ang sertipikong hawak mo? 

“Magiging masaya sana sila, kung may medalya akong dala-dala.”

Tama ka, magiging masaya sila.
Pero bago ka lamunin ng kalungkutan,
Tingnan mo sila, mata sa mata.
Makikita mo ang sagot na,
“Anak masaya ako kahit wala kang medalya, mahal kita at salamat nakatapos ka na.”

Huwag mong isipin na nabigo mo sila,
Makita ka lang nilang masaya,
Punong-puno na ng ligaya ang puso nila.
Sila ang numero uno, nandiyan lagi sa tabi mo.

Ang medalya ay medalya,
Nakapagbibigay saya,
Pero hindi matutumbasan ang pagmamahal ni ina’t ama.
Makita ka lang nila sa entablado, tiyak ika’y panalong-panalo!

Masaya sila, kahit wala kang medalya,
Dahil nakita nila ang iyong paghihirap.
Nasaksihan ang bawat pagpupuyat,
Para sa kanila ginawa mo na ang lahat, at ito ay sapat.

Tatandaan mo,
Sila ang unang taong nagmahal sayo,
Kaya kahit ramdam mong kulang ang naibigay mo,
May iba pang paraan para bumawi sa magulang mo.

Masaya sila kahit wala kang medalya,
Alam mo kung ano ang medalya para sa kanila?
Hindi iyong isinusukbit.
Ikaw, ikaw ang tunay na kahulugan ng medalya, ikaw na kanilang sinasambit.

“Anak ko, ikaw ang medalya ng buhay ko.” <3















-SALINEL, LEO L.

Spoken Word Poetry CompilationTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon