Kabanata 30:
Liwanag galing sa sinag ng araw ang nagpagising sa akin. "Mukhang tinanghali ako ng gising." Wala si Gabriel sa tabi ko. Marahan akong umupo at napagtanto ko na tanging puting kumot lamang ang nakatakip sa katawan ko. Biglang namula ang pisngi ko nang makita ko ang pulang mantsa sa hinihigaan ko. May nangyari pala sa amin ni Gabriel kagabi. Naibigay ko na sa lalaking pinakaminamahal ko ang matagal ko nang iniingatan. Ang aking sarili. Nakadama ako ng hapdi sa parteng iyon ng katawan ko.
Ipinulupot ko sa aking katawan ang puting kumot at bago ko buksan ang pintuan ay napansin ko ang isang pilas ng papel sa lamesita kaya kinuha ko kaagad iyon. Liham mula kay Gabriel. "Bakit may liham pa siyang nalalaman. Pakulo mo, Gabriel ah." Binasa ko ang nilalaman nun.
Minamahal kong Keira,
Ako'y umalis lamang at mukhang matatagalan ako dahil may kailangan akong ayusin. Tiyak ako na hinihintay ka na ngayon ni padre Canciller sa salas upang ika'y ihatid sa daungan. Mamayang alas cuatro ng hapon ang alis ng barkong sasakyan natin paalis dito.
Magkita na lamang tayo sa barko, aking mahal. Huwag mong kakalimutang mahal na mahal kita at lahat ay gagawin ko para sa'yo. Ako'y darating kaagad, pangako iyon.
Nagmamahal,
Gabriel
Napailing na lang ako. Bakit naman kasi ngayon pa may gagawin si Gabriel kung kelan aalis na kami? "Pasaway na lalaki." Tumingin ako sa cabinet at may mga damit pambabae roon. Kinuha ko ang isang kulay lila na traje de mestiza. Napangiti ako. Tiyak na babagay ito sa akin.
Nagmadali akong naligo dahil ayon sa suot kong kuwintas ay mag-aalas tres na ng hapon. Minsan talaga ay magulo itong kuwintas na suot ko kaya kinakabahan ako kapag huminto ang oras nito. Bumuntong hininga ako. Kailangan na naming makaalis ni padre Canciller. Tama nga si Gabriel, mukhang hinihintay na ako ni padre Canciller. Parang may kasama rin siya dahil naririnig ko ang tawanan nila at hindi iyon boses ni Gabriel. Ano 'yun? Ako lang pala ang babae dito sa bahay.
Pagkatapos kong mag-ayos ng sarili ay naglagay pa ako sa bayong ng ilang damit na susuotin galing sa cabinet para naman presentable ako sa paningin ni Gabriel at hindi ako paulit-ulit ng suot. Naisipan ko ring magsuot ng belo na nakita ko sa cabinet. Kulay puting belo. Baka kasi pagsuotin ako ni padre Canciller ng belo. Maganda nang sigurado.
Pagkalabas ko ng kwarto ay napahinto sa pagtawa si padre Canciller at napalingon sa akin ang kausap niya. Si Felix. Ngumiti ako sa kanila. "Magandang hapon po, padre Canciller, señorito Felix."
"Magandang hapon din sa iyo, anak. Ika'y kumain na at nang tayo'y makaalis na."
Tumango ako at pumunta sa dining table. May mga tinapay roon at mainit na kape. Mukhang pinaghandaan nila ako ng pagkain. Nilingon ko sila. "Kumain na po kayo?" Tinanguhan lang nila ako. Minadali kong kainin ang pan de coco dahil sobra nang nakakahiya dahil ang tagal ng paghintay nila sa akin. "Aw!" Halos mabitawan ko ang tasang may lamang kape dahil sa pagkapaso ko. Ang sunga ko naman kasi, bakit hindi ko muna hinipan bago inumin at bakit kasi hindi dahan-dahan ang pag-inom ko?
"Hija, ayos ka lang ba?"
"I'm fine este okay este ayos lang po ako."
BINABASA MO ANG
It Started At 7:45
Narrativa StoricaBinigyan si Keira ng kaibigan ng mommy niya ng isang antique necklace na may pendant na relo. Nawiwirduhan lang siya dahil bakit siya binigyan nito ng isang kuwintas eh hindi naman sila close. Medyo kakaiba rin kung makipag-usap ito sa kanya. "Alam...