"MANANG, hindi kayo okay."
Naawa si Serena sa kasambahay nang makitang namumutla ito habang nagluluto sa kusina. Nagpunta siya roon dahil na-curious siya. Alas nuwebe na ng umaga pero wala pa siyang nakahandang breakfast sa dining room.
"Okay lang po ako, Ma'am." Naggawa pang ngumiti ng kasambahay. Nagpatuloy ito sa pagpi-prito ng bacon. Lumayo ito nang mapaubo. Mukhang may trangkaso ang matanda.
"Manang, umupo na kayo." Utos ni Serena. Nang hindi ito sumunod, hinawakan na niya ang matanda. Inalalayan na niya itong umupo.
"Ma'am, baka masunog ang---"
"Ako na po ang magluluto."
"Pero Ma'am---"
"May sakit po kayo, Manang. Naiintindihan ko iyon. Magpahinga na po kayo. Ako na ang bahala rito."
May pag-aalinlangan ang tingin ng matanda kay Serena. Ngitian niya ito para makita nito na seryoso talaga siya. Sa huli, sinunod rin siya nito.
Marunong magluto si Serena kaya wala siyang naging problema. Prito lang rin naman iyon. Ipinagpatuloy lang niya ang pagluluto. Nang matapos siya, saktong may pumasok naman sa kusina.
"Manang, handa na ba ang almusal---" Natigilan ang hardinero at siyang personal driver rin ni Caleb nang makita si Serena sa kusina.
Madalas na nakakasabay ni Serena si Manong Juancho na mag-breakfast. Kumakain lang kasi ito ng almusal pagkatapos ihatid si Caleb sa trabaho. Pareho lang rin sila ng kinakain. Marami rin na niluluto ang kasambahay kaya halatang kasali rin ito sa ipinagluto ng matanda.
Kumurap ang driver. "Ma'am! Kayo ang nagluto?"
Tumango si Serena. "May sakit si Manang, eh. Wala rin iyong isang kasambahay. Day-off yata."
Tumango ang driver. Tumingin ito sa niluto niya. May pag-aalinlangan ang ngiti nito.
"'Wag kayong mag-alala. Wala namang lason 'yan."
Nagkamot ang driver. "Hindi naman po sa ganoon. Nahihiya lang ako sa inyo, Ma'am."
"'Wag na po kayong mahiya. Ako nga ang nahihiya at baka hindi maayos ang pagkakaluto ko."
"Ay 'wag po tayong magsalita ng hindi tapos..." Ngumiti ang driver. Sabay silang kumain ng almusal sa dining room. Panay ang puri nito na masarap raw ang niluto niya. Para kay Serena, binobola lang siya ng matanda.
"Manong, marunong po akong tumanggap ng mga negative praises," Sanay ako roon, Manong.
"Totoo po, Ma'am. Masarap ang luto niyo. Kahit prito lang ito, tama lang ang pagkakaluto." Kinindatan pa siya ng matanda. "Paano kung ipagluto niyo rin kaya mamaya si Sir Caleb? Siguradong matutuwa 'yun!"
Umiling si Serena. Marunong siyang magluto pero hindi siya sanay. Alam niya na papalpak lang siya roon. Ayaw niyang pilitin ang sarili. Baka ma-disappoint lang niya si Caleb.
Pero dumating ang tanghali at mas lalo pa na sumama ang lagay ng kasambahay. Ito lang ang taga-luto sa bahay. Ibig sabihin ay mas malaki ang chance na hindi ito makakaluto ng hapunan. Noong tanghalian ay nag-order lang rin sila ng pagkain sa labas.
"Naku, paano kaya 'yun eh hindi mahilig um-order ng pagkain sa labas si Sir kapag nasa bahay?" Nag-aalalang wika ng kasambahay nang bisitahin niya ito. Mag-aalas kuwatro na ng hapon. Masama pa rin ang pakiramdam nito.
Nag-aalala rin si Serena. Mahigit dalawang linggo na rin siyang asawa ni Caleb kaya nakikilala na niya ito. Tama ang kasambahay. Bukod pa roon, madalas na gutom si Caleb kapag umuuwi ito galing sa trabaho. Gusto nito na may nakahanda ng hapunan kapag nakauwi na ito. Madalas na alas sais ng gabi ito nakakauwi. Minsan ay mas maaga pa roon.
"Ma'am, ikaw na kasi ang magluto," sulsol ng driver kay Serena bago nito sunduin si Caleb sa trabaho.
Alinlangan pa rin si Serena. Pero naisip rin niya ang magiging pakiramdam ni Caleb kapag pinagluto niya. Mukhang appreciative na tao naman ang asawa niya. At hindi ba at iyon ang isa sa pangarap niya sa buhay? Ang ma-appreciate.
Mabait na tao si Caleb. Pinapasaya rin siya nito. Deserved nito na mapagsilbihan at ang mga magagandang bagay sa mundo. Napakarami na nitong ginawa sa kanya. Malaki ang pasasalamat niya rito. Dapat ay bumawi siya.
Napa-oo na si Serena ng driver. Sinubukan niya na magluto ng Sinigang. Nakapagluto na siya ng ganoong pagkain dati. Ayon naman sa napakain niya ay masarap naman daw ang naging luto niya.
"Masarap, Ma'am! Paniguradong mai-in love lalo niyan sa inyo si Sir Caleb," tukso pa ng kasambahay na siyang una niyang pinatikim. Nagkaroon ng kulay ang namumutlang mukha nito nang makakain.
Namula si Serena. Kinilig yata siya sa tukso. Si Caleb, in love sa kanya? Paano nasabi iyon ng kasambahay samantalang nasasaksihan naman nito ang buhay niya at ng asawa? Hindi sila normal. Hanggang ngayon, hanggang halik pa rin si Caleb. Hindi pa rin siya pumapayag na magkasama sila sa iisang kuwarto. Hindi rin naman siya pinipilit ni Caleb. Binabantayan lang siya nito palagi. Wala rin namang sinasabi sa kanya ang asawa. Isa pa, feeling niya ay masyado pang maaga para malaman kung in love nga sa kanya ang asawa.
"S-sana nga."
Inaayos na rin ni Serena ang lamesa kahit matagal pa bago dumating si Caleb. Alas singko pa lang ng hapon. Habang ginagawa iyon, may isang hindi inaasahan siyang tao na dumating.
"Daddy, anong ginagawa niyo rito?" Nakakunot ang noo na wika ni Serena sa bisita.
Ngumisi ang ama. "Bawal ko na bang bisitahin ang anak ko?"
Napalunok si Serena. "P-pero hindi kayo ganoon. Wala kayong pakialam sa akin. Bakit niyo naman ako naisipang bisitahin?"
"Gusto ko lang na makita ang lagay mo. Hindi na nagreklamo si Caleb sa 'yo. Ngayon ay nakikita ko na kung bakit," Tumingin ang ama sa hinanda niya. "Mukhang masaya ka sa pag-aasawa, ah."
Naglihis ng tingin si Serena sa ama. "Wala na ako sa bahay niyo ngayon. You already gave me away. Hindi na dapat kayo nakikialam pa sa buhay ko. Sanay ka na naman doon 'di ba?"
"Dahil wala ka ring pakialam sa nararamdaman ko, Serena. Sinira mo ang pamilya ko."
Hindi nagsalita si Serena. Matagal na siyang nakonsensya tungkol sa sinabi ng ama. Pero nalinawan na siya. Hindi dapat siya makonsensya.
Pero hindi pa rin matanggap ng kanyang Daddy ang lahat. Gusto nitong habang buhay niyang pagsisihan ang pagkakamaling naggawa niya noong bata pa siya.
"Sinusubukan mo na magpakabait kay Caleb ngayon. Mukhang gusto mong makabawi sa paggawa ng mabuti. Pero ito ang palagi mong tatandaan, Serena. Kahit gumawa ka pa ng napakaraming mabuting bagay sa mundo, hindi noon maayos ang sinira mo. Hindi mo na maibabalik ang dati!"
"Tama na!" Napasigaw sa inis si Serena. Buong akala niya, ngayong wala na siya sa poder ng ama ay malilimutan na niya ang masakit na nakaraan. Wala ng magpapaalala sa kanya. Pero hindi pa rin pala ito titigil. Patuloy pa rin nitong pinamumukha sa kanya na makasalanan siya.
Dahil sa sigaw ni Serena, napalabas sa kuwarto ang may sakit na kasambahay. Nagtanong ito. Nagbait-baitan ang kanyang ama. Wala lang daw iyon. Umalis na rin ito pagkatapos.
Napatingin si Serena sa pagkaing inihanda. Ipinagluto niya si Caleb dahil iyon ang gawain ng isang mabuting may bahay. Gumawa siya ng mabuti. Pero sabi nga ng Daddy niya, kahit ano pang mabuting gawin niya, hindi noon matatakpan ang madilim niyang nakaraan.
Nagdilim ang mukha ni Serena. Bakit nga ba kailangan niyang maging mabait? Deserved ni Caleb na sumaya. Pero hindi niya deserved iyon.
BINABASA MO ANG
The Rebellious Wife (COMPLETED)
RomanceCaleb wanted and longed for a child and a beautiful family. Kaya ginawa niya ang hindi hassle na paraan para matupad iyon: he purchased a wife. But it turns out na pinahirapan lang niya ang sarili niya. Serena---his bride---was not the lady he has t...