---oOo---MATAPOS maghapunan ay inilibot na ni Aling Rosa si Ciara sa buong bahay. May pangalawang palapag ang bahay at may dalawang kwarto. Isa roon ang master's bedroom kung saan ang kwarto ng mag-asawa. Sa tabi naman ng kwarto nila ay ang kwarto dati ng nagbabantay kay baby Ethan. Iyon na ang magiging kwarto niya. Kapag wala ang mag-asawa ay doon natutulog si baby Ethan kasama siya. Meron iyong sariling banyo. May mga gamit din kasi roon na para kay baby Ethan. Katulad na lamang ng cradle at ilan pang mga kagamitan na ginagamit ng bata. Sa baba naman ang kwarto ni Aling Rosa.
Nakaramdam ng kakaibang lamig si Ciara ng buksan ni Aling Rosa ang pinto ng magiging kwarto niya. Hindi niya alam pero parang merong negatibong pwersa na bumangga sa kanya. Hindi na lamang niya iyon pinansin baka nga hangin lang iyon na nagmumula sa loob.
Binuksan ni Aling Rosa ang ilaw ng kwartong iyon sa pamamagitan ng switch sa tabi ng pinto. Bumaha ang liwanag sa paligid. Napanganga si Ciara ng ilibot niya ang kanyang paningin sa kabuhuan ng kwarto. Napaka-aliwalas kasi niyon at sobra-sobra na ang laki para sa isang tao lang. Meron isang single bed at sa tabi niyon ay ang cradle ni baby Ethan. Mint green ang pintura ng dingding ng kwartong iyon kaya lalong naging maliwanag sa paningin.
"Pasok ka." Napapitlag siya ng marinig niya ang sinabi ni Aling Rosa. Tumango lang siya at akma na sana niyang ihahakbang ang kanyang mga paa nang bigla siyang napaatras. Para kasing meron siyang naramdamang kamay na humawak sa kanyang paa.
"Ano'ng nangyari sa'yo?" Usisa ni Aling Rosa sa kanya at napakunot pa ito ng noo.
"W-wala po." Iyon lang ang kanyang nasabi dahil ayaw naman niya iyong sabihin kay Aling Rosa. Hindi niya kasi gusto na matakot ito. Isinantabi na lamang niya ang naramdaman niyang iyon at pumasok na siya sa loob. Nilibot niya ang kabuhan ng kwarto. Napahinto si Ciara nang may mapansin siya sa dingding ng kwarto. Napansin niya na parang nasira ang parteng iyon ng dingding na parang pinukpok ng matigas na bagay. May napansin din siyang kulay pula roon. Para iyong isang likido na natuyo roon. Akma niya sanang hahawakan iyon para tignan nang magulat siya ng may maramdaman siyang kamay na humawak sa balikat niya. Agad naman siyang napalingon sa kanyang likod si Aling Rosa ang tumambad sa paningin niya.
"Nasira 'yan no'ng lumindol ng malakas. Medyo nabitak ang parte ng dingding na 'yan sa lakas ng lindol. Hindi na napa-ayos iyan dahil parehong busy ang mag-asawa." Iyon agad ang sinabi sa kanya ni Aling Rosa. Alam na siguro nito kung ano ang ibig sabihin ng tingin niya rito. Na parang tinatanong niya kung ano ang nangyari roon.
"Kung wala ka nang kailangan ay magpahinga kana. Baka pagod ka pa sa biyahe. Tawagin mo na lang ako sa baba kapag kailangan mo ako."
"Sige po. Salamat po..." Nagpaalam na sa kanya si Aling Rosa. At sinarado na nito ang pinto nang lumabas ito.
Pagod na ibinagsak ni Ciara ang kanyang katawan sa malambot na kama na naroon. Ngayon lang niya naramdaman ang matinding pagod sa biyahe. Ramdam niya ang lambot ng kama na hinihigaan niya. Inaamin niya na hindi pa siya nakahiga sa ganito ka lambot na kama sa buong buhay niya. Sa kanila kasi ay papag lang na yari sa kawayan ang ginagawa nilang higaan. Hindi niya naranasan ang matulog sa malambot na kama na hinihigaan niya ngayon.
Ipinikit niya ang kanyang mga mata nang makaramdam siya nang antok. Parang bigla tuloy siyang inantok dahil sa lambot ng hinihigaan niya. Maya-maya ay napapitlag siya ng makarinig siya ng tatlong sunod-sunod na pagkatok sa pinto. Agad naman niyang iminulat ang kanyang mga mata at agad na bumangon. Baka si Aling Rosa lang iyon at may nakalimutan itong sabihin sa kanya.
Lumapit siya sa harap ng pinto at ipinihit ang seradura ng pinto. "May nakalimu--" Hindi na niya natapos ang sasabihin niya nang buksan niya ang pinto. Wala naman kasi siyang nakitang tao. Katahimikan lang ang sumalubong sa kanya. Biglang nagsitayuan ang mga balahibo niya sa kanyang katawan. Bakit wala siyang may nahagilap na tao nang buksan niya ang pinto? Saan nanggaling ang katok na iyon?
Mabilis niyang isinarado ang pinto at agad siyang bumalik sa kama. Ngayon lang niya kasi napagtanto na parang may kakaiba sa bahay na 'to. No'ng una ay no'ng makaramdam siya kanina na parang may bumubulong sa kanya na 'wag ng pumasok sa loob ng bahay. At 'yong malamig na hangin na sumalubong sa kanya nang buksan ni Aling Rosa ang pinto ng kwarto. May naramdaman din siyang kamay na humawak sa paa niya nang akma siyang papasok sa loob ng kwarto. Kani-kanina lang ay may narinig na naman siyang pagkatok sa pinto at nang buksan niya iyon ay wala siyang may nahagilap na kahit na ano. Hindi niya masasabing normal lang iyon dahil parang may mali sa bahay na ito.
---oOo---
PANAY ang pagpapalit-palit ng posisyon ni Ciara sa pagtulog. Hindi kasi siya makatulog. Kahit ipikit man niya ang kanyang mga mata ay gising pa rin ang kanyang diwa. Parang namamahay siya. Gano'n talaga siguro iyon kapag first time mong tumuntong sa ibang bahay. Maninibago ka talaga.
Tumayo na lamang siya. Tinignan niya ang oras sa orasan sa may dingding. Alas dose diyes na ayon sa relong iyon. Nagdesisyon na lamang na bumaba ng kwarto si Ciara at uminom ng tubig sa kusina. Baka makatulog na siya nang mahimbing kapag naka-inom siya ng tubig. Iyon kasi ang palagi niyang ginagawa sa kanila kapag hindi siya makatulog at pagkatapos niyon ay makakatulog na rin siya nang maayos.
Pagkababa ni Ciara ng hagdan ay agad naman niyang kinapa sa may dingding ang switch ng ilaw. Binuhay niya iyon nang makapa niya. Hindi naman masyadong maliwanag ang kabuhuan ng sala dahil dim light lang ginamit na ilaw doon. Agad naman dumiretso ng kusina si Ciara. Hindi na niya ginising pa si Aling Rosa dahil baka pagod din ito at makaabala pa siya sa pagtulog nito. Nadaanan niya kasi ang kwarto nito.
Pagdating niya ng kusina ay agad naman niyang kinapa ang switch ng ilaw doon pero bago paman niya mapindot iyon ay parang may naaninag siyang bulto ng tao na nakatayo at nakatalikod ito sa gawi niya. Medyo nagtataas-baba ang balikat nito at may naririnig siyang paghikbi. Manaka-naka'y sumisinghot ito. Umiiyak ba ito?
"M-ma'am Aria, ikaw ba 'yan?" Medyo nagdadalawang isip na tanong niya rito. Medyo naiilang kasi siyang kausapin ang ma'am Aria niya dahil mukha kasi itong istrikta. Masasabi rin niya na si Aria ang taong nakatalikod sa kanya dahil siya lang naman ang may balingkinitang katawan sa bahay na 'to. Medyo mataba kasi si Aling Rosa at may kaliitan kaya imposible naman na ito iyon.
Wala siyang nakuhang sagot dito. Ni hindi man lang siya nito nilingon. Imposible naman na hindi nito narinig ang sinabi niya dahil malakas naman ang pagkakasabi niya niyon.
Ilang sandali pang hinintay ni Ciara na magsalita ito pero nananatali lamang itong nakatayo roon. Hindi parin ito tumitigil sa paghikbi. Curious na nilapitan niya ito. Nakalimutan na niyang buhayin ang ilaw sa kabila ng kuryusidad niya. Medyo maliwanag naman kasi sa parteng iyon ng bahay dahil sa liwanag na lumalagos sa maliit na bintana ng kusina roon. Bakit naman hindi ito sumasagot sa tanong niya. May problema kaya ito?
Hindi na siya nagdalawang isip at nilapitan na niya ito. Baka nga may problema nga ito at baka kailangan nito ng makaka-usap.
Dahan-dahan ang ginagawang paghakbang ni Ciara papunta rito. At nang malapit na siya rito ay agad naman niyang hinawakan ang balikat nito. Medyo nakaramdam pa siya ng lamig ng mawakan niya ang balikat nito. Medyo malamig kasi ang gabi kaya natural lang na may maramdaman siyang lamig ng hawakan niya ang balikat nito. Doon lang tumigil ang pagtaas-baba ng balikat niya at tumigil na rin ito sa ginagawa nitong pag-iyak.
Napalingon naman si Ciara sa bungad ng pinto ng bumaha ang liwanag sa silid na iyon. Nakita niya si Aling Rosa roon na may pagtataka ang mukha. Mukhang nagulat din ito ng makita siya.
"Ano'ng ginagawa mo rito, Ciara?" Kunot-noo na tanong nito.
Iinom sana ako ng tubig ng makita ko si Ma'am--" Hindi na niya natuloy pa ang sasabihin niya nang paglingon niya ay wala na si Aria. Saan naman kaya ito pumunta?
"S-sino ang nakita mo?!" Parang kinakabahan na tanong ni Aling Rosa sa kanya.
"Si--" Hindi na nito nadugtungan pa ang sasabihin niya nang bigla siyang hilahin ni Aling Rosa.
TO BE CONTINUED...
![](https://img.wattpad.com/cover/146701231-288-k850597.jpg)
BINABASA MO ANG
KABIYAK (Part Two)
TerrorIsang simpleng babae lang si Ciara na may pangarap na maiahon sa hirap ang kanyang pamilya. Nakipagsapalaran siya sa maynila para hanapin ang dating pinagtatrabahuhan ng kanyang nanay para pumasok bilang katulong. Pero paano kung may madidiskubre si...