---oOo---NAPAKABAIT talaga ng ma'am Aria ni Ciara sa kaniya. Binigyan kasi siya nito ng advance na sweldo para may maipadala siya sa kanila sa probensiya. Kahit na strikta ito ay alam niyang mabait ito. Minsan ka na lang kasi makakakita ng taong katulad ng ma'am Aria niya. Napakabait nito at may malasakit sa kapwa. Hindi talaga siya nagkamali sa pinasukang tao. Naambala ang pag-iisip ni Ciara nang bigla niyang naalala ang diary ni Anna. Medyo nawala na kasi sa isip niya iyon. Kailangan niya palang hanapin ang karugtong ng diary ni Anna. Iyon lang kasi ang paraan para malaman niya kung ano ang nangyari rito at kung sino ang babaeng nagpaparamdam sa kanya sa bahay na ito.
Tumayo siya para kunin ang bagay na iyon sa kanyang drawer. Inipit niya kasi iyon sa ilalim ng mga nakatuping damit niya sa may drawer. Nagulat si Ciara nang hindi niya mahanap doon ang diary. Halos halughugin na niya ang lahat ng nakatuping damit niya roon pero wala pa rin siyang may nakita. Nasaan na kaya ang diary? Hindi siya pwedeng magkamali dahil dito niya lang iyon itinago. Paano naman mawawala iyon ng basta-basta? Sino naman kaya ang kukuha niyon gayong wala naman ibang pumapasok sa kwarto niya. Maliban na lamang kung pumasok si Aling Rosa nang hindi niya alam. Hindi naman niya binabanggit dito ang tungkol sa diary kaya malabo naman na pagka-interesan nito iyon. Baka nailagay lamang niya iyon sa kung saan at nakalimutan niya lamang. Ayaw niyang magbintang baka kasi mali naman ang hinala niya. Ang mabuti pa ay matulog na lamang muna siya. Bukas na lamang niya hahanapin ang diary baka kasi na missed place lang niya iyon. Inayos na niya ang kama niya at agad na humiga. Makakatulog na siya nito ng maayos dahil hindi na siya magigising sa madaling araw para ipagtimpla ng gatas si baby Ethan kapag nagutom ito. Doon kasi ito natulog sa kwarto ng mag-asawa. Naiintindihan naman niya ang Ma'am Aria niya. Sobra lang siguro nitong na-missed si baby Ethan kaya gusto nito iyong makatabi na matulog.
Ipinikit na ni Ciara ang mga mata niya at ilang sandali lang ay nakatulog na agad siya.
---oOo---
NAGTATAKA si Ciara nang pagmulat niya ng kanyang mga mata ay nasa harap na siya nang nakasaradong pinto. Paano naman siya napunta roon gayong natutulog siya sa loob ng kwarto niya?
Parang pamilyar sa kanya ang pinto ng kwartong iyon. Hindi siya sigurado pero parang kilala niya ang kwartong iyon. Maya-maya pa ay parang may pwersang nag-uudyok sa kanya para buksan ang pinto. Parang may sariling isip ang kamay niya at hinawakan niyon ang seradura ng pinto. Dahan-dahan niya iyong ipinihit. Nang mabuksan na niya ang pinto ay marahan na niya iyong itinulak. Nang tuluyan na iyong mabuksan ay agad na tumambad sa paningin niya ang kabuuan ng kwartong iyon. Hindi nga siya nagkakamali dahil pamilyar sa kanya ang kwartong pinasukan niya. Ito 'yong kwarto na tinutuluyan niya. Nabaling ang tingin niya sa kamang naroon. Bakit dalawa ang kama ng kwartong iyon? Dalawa rin ang lamp shade sa magkabilang kama at meron ding dalawang kabinet sa magkabilang dingding ng kwarto. Kung hindi siya nagkakamali, ang kwarto niya ngayon ay ang siyang dating kwarto ni Aria at ang kambal nito? Mukhang pinaliit lamang iyon.
Nagulat pa si Ciara nang bigla na lamang siyang makarinig ng pagsigaw. Napalingon siya sa likuran niya ng mapagtanto niya na mukhang doon nanggagaling ang boses na naririnig niya.
"Hayop ka, Anna! Lahat na lang ay dapat sa'yo! Ang atensiyon ng mga magulang natin at maging si Miguel ay inagaw mo rin! Hindi ka pa ba nadadala? Ilang beses ko nang sinasabi sa'yo na layuan mo si Miguel! At ang lakas din nang loob mo na gayahin ako! Ginaya mo pa talaga ang damit ko! Hubarin mo 'yang hayop ka dahil kahit kailan ay hinding-hindi kita matatanggap bilang isang kapatid!" Iyon ang mga salitang naririnig niya. Nabaling ang tingin niya sa babaeng pilit na ipinapasok sa kwartong iyon ang isa pang babae. Kinakaladkad nito iyon sa pamamagitan ng paghila nito sa buhok nito. Pero mukhang nakikilala niya ang mga ito. Ang kambal na Aria at Anna. Sinasaktan na naman ni Aria ang kambal nito. Mainit talaga ang ulo ni Aria sa kambal nitong si Anna. No'ng mabasa niya ang diary ni Anna ay doon niya nalaman na hindi pala magkabati ang mga ito. Kahit ano'ng gawin ni Anna ay hindi na niya yata mababago pa ang pakikitungo ng kambal nito sa kanya.
Napaatras pa si Ciara dahil mukhang sa kwartong iyon papasok ang mga ito. Kailangan niyang magtago. Baka makita siya ng mga ito. Napahinto si Ciara nang akma na sana siyang hahakbang para magtago. Bigla kasing tumagos sa katawan niya ang mga ito. Ibig sabihin ba nito ay hindi siya nakikita ng mga ito. Tama! Ang huling natatandaan niya ang natutulog siya. Panaginip lang nga siguro ito.
Pinanood na lamang ni Ciara ang susunod na gagawin ni Aria sa kakambal nito.
Mariin nitong binitawan ang buhok nito. Gulong-gulo na ang buhok nito dahil na rin siguro sa pagkakaladkad nito rito.
"Wala akong inagaw sa'yo, ate. Kusa akong minahal ni Miguel. Hindi ko rin inagaw sina Moma at Dada sa'yo... Pareho nila tayong mahal, ate..." Ani Anna sa kabila nang paghagulhol nito.
"Marami ka pang sinasabi na hayop ka!" Hinawakan na naman nito ulit ang buhok ni Anna at mariin nito iyong sinabunutan. Napasigaw pa si Anna sa sobrang sakit na nararamdaman. "Ang bagay sa'yo ay tinuturuan ng leksiyon, Anna!" Pagkasabi nito niyon ay agad nitong inuntog ang ulo ng una sa may dingding. Gawa sa semento ang dingding kaya dinig na dinig ni Ciara ang tunog nang pagtama ng ulo ni Anna roon. Ilang beses nito iyong ginawa. Napansin ni Ciara na mukhang nabibitak na ang parteng iyon ng dingding sa labis na ginagawa nitong pag-untog ng ulo ni Anna. Tumigil lang ito sa ginagawa nito nang makita nitong umaagos na ang dugo sa ulo ni Anna. Dahil sa gulat ang nabitawan niya ang paghawak sa ulo nito at walang malay itong bumagsak sa may sahig.
Napansin ni Ciara ang pagkabigla sa mukha ni Aria nang makita nito ang dugong umaagos sa ulo si Anna. Napaatras pa ito sa labis na pagkabigla.
Napa-atras naman si Ciara sa labis na gulat sa nakikita niya. Patay na ba si Anna? Parang hindi na kasi ito gumagalaw. Nilapitan ni Aria si Anna at agad nitong inilapat ang daliri nito sa leeg ni Anna at parang dinadama nito kung may pulso pa ba ito.
"May pulso ka pa... Pero kailangan mo nang mamatay, Anna. At sa oras na mangyari iyon ay sa akin na ibabaling ni Miguel ang pagpapamahal nito." Parang naririnig lang ni Anna ang sinasabi nito kung kausapin niya ito.
"Kailangan mo nang mawala ng tuluyan, Anna!" Saglit itong nag-isip at agad naman nitong ibinalik ang tingin kay Anna. "Palalabasin kong nagpakamatay ka para walang ebidensiya na ako ang pumatay sa'yo!" Ngumisi pa ito na parang sabik na ito sa masamang binabalak niya kay Anna.
Napapitlag si Ciara nang biglang ibaling ni Aria ang tingin nito sa kanya. Mabilis ang hakbang na lumalapit ito sa gawi niya. Nakikita ba siya nito? Imposible naman iyon gayong nananaginip lamang siya.
Parang hindi naman makagalaw si Ciara sa kinatatayuan niya ng sandaling iyon. Gusto niyang tumakbo pero parang wala siyang lakas na magawa iyon. Napalunok na lamang siya ng laway ng unti-unti na itong lumalapit sa kanya. Napapikit na lamang si Ciara at nagbabakasali na magigising siya sa panaginip niyang iyon. Napamulat na lamang siya ng maramdaman niyang tumagas ito sa katawan niya. Lumabas ito ng kwartong iyon. Nabaling ang tingin niya kay Anna na wala pa ring malay na nakahandusay sa sahig. Ang totoo niyan ay naawa siya rito. Gusto niya itong tulungan. Gusto niya itong ilayo dahil narinig niyang ibibigti raw ito ni Aria. Pero may magagawa ba siya? Wala siyang kontrol sa nangyayari. Kahit ano'ng gawin niya ay hindi niya mababago ang nangyari na.
Maya-maya lang ay nakarinig na si Ciara ng mga yabag ng paa. Ilang sandali lang ay bumungad na sa pinto si Aria. Nakita niya ang hawak nitong lubid. Malalaki ang hakbang na nilapitan nito ang katawan ng walang malay na si Anna. Hinila niya ang katawan nito papunta sa loob ng banyo. Hindi namalayan ni Ciara ang pagtulo ng luha sa kanyang mga mata. Naawa siya kay Anna. Wala man lang siyang nagawa para iligtas ito. Wala siyang magagawa para pigilan si Aria sa binabalak nito kay Anna! Hindi man lang ito naawa kay Anna. Ilang sandali lang ay bigla na lamang dumilim ang paligid niya at wala na siyang makita pa!
TO BE CONTINUED...
BINABASA MO ANG
KABIYAK (Part Two)
HorrorIsang simpleng babae lang si Ciara na may pangarap na maiahon sa hirap ang kanyang pamilya. Nakipagsapalaran siya sa maynila para hanapin ang dating pinagtatrabahuhan ng kanyang nanay para pumasok bilang katulong. Pero paano kung may madidiskubre si...