---oOo---LINGGO ng umaga kinabukasan ay nagpa-alam si Ciara kay Aria na magsisimba. Pumayag naman ito dahil nandito naman daw ito sa bahay para magbantay kay baby Ethan.
Isang pulang bestida lang ang suot ni Ciara para magsimba. Pagdating niya ay eksakto naman na nagsimula na ang misa. Isang oras lang at natapos na ang misa. Hindi muna siya umuwi at namasyal muna sa may parke na katabi niyon. May nakita siyang bench at naupo siya. Maraming taong namamasyal sa parke dahil linggo ngayon at walang pasok. Napako ang tingin ni Ciara sa isang pamilya na masayang nagba-bonding hindi kalayuan sa kina-uupuan niya. May nakalatag na kumot sa may damuhan kung saan ang mga ito na naka-upo at masayang kumakain. Sa tanang buhay niya ay hindi pa niya naranasan ang mag-bonding ng ganon kasama ang pamilya niya. Hindi niya tuloy maiwasan na isipin ang pamilya niyang naiwan sa probensiya. Kamusta na kaya ang mga kapatid niya roon? Kapag nagkaipon na siya ay ipapasyal niya rin ang mga kapatid niya. Papakainin niya ito ng mga pagkain na hindi pa ng mga ito na naranasan na kainin.
Halos isang oras din si Ciara sa parke bago niya naisipan na umuwi. Pagdating niya sa bahay ay naabutan niya si Aling Rosa na papalabas na sana sa main door. May dala itong isang bag.
“Ano po ang nangyari?” Kunot noo na tanong niya rito. Para kasing nagmamadali ito.
“Mabuti naman at nandito ka na, Ciara. Si baby Ethan kasi isinugod sa ospital ni ma’am Aria. Bigla na lamang tumaas ang lagnat. Eto nga’t pinapakuha ni ma’am Aria ang ilang mga gamit ni baby Ethan.” malungkot na turan ni Aling Rosa.
Bumakas ang pagkabahala sa mukha ni Ciara.
“Sasamahan ko po kayo...” aniya.
“Naku ‘wag na. Ikaw na lamang ang magbantay ng bahay.” bwelta ni Aling Rosa. Wala na siyang nagawa kundi sundin ang sinabi nito. Nagpa-alam ito sa kaniya. Hindi maiwasan na mag-alala si Ciara sa kalagayan ni baby Ethan. Kahit ilang ilang linggo pa lamang siya sa bahay na ito ay napamahal na siya sa kaniyang alaga. Tinuring na niyang parang kapamilya si baby Ethan.
Umupo si Ciara sa may sofa at bahagyang iniyuko ang ulo niya para magdasal. Hiniling niya sa panginoon na gumaling agad si baby Ethan. Habang nagdadasal ay may narinig siyang kalabog. Agad naman niyang tinapos ang pagdadasal at pinakiramdaman ang paligid. Napabiling ang tingin niya sa kwarto ni Aria. Parang doon nanggagaling ang kalabog na naririnig niya. Dahan-dahan siyang tumayo at lumapit roon. Habang papalapit siya ay papalakas ng papalakas din ang kalabog na naririnig niya. Parang may tao sa loob ng silid nito.
Nang nasa harap na siya ng pinto ay dahan-dahan na niyang binuksan iyon. Naririnig pa ni Ciara ang tunog ng pagbukas niyon. Parang may malakas na enerheya siyang naramdaman nang tuluyan na niya iyong mabuksan. Katahimikan lang ang bumungad sa kaniya. Nakabukas ang bintana ng kwarto nito at iyon ang nagsisilbing tanglaw sa loob ng kwarto nito. Iginala niya ang tingin sa loob niyon. Wala naman siyang nararamdaman na kakaiba sa silid nito.
Humakbang pa siya ng isa para makapasok. Nagulat na lamang si Ciara nang bigla na lamang sumarado ang pinto. Pilit niyang inikot ang seradura ng pinto pero hindi niya mabuksan iyon. Parang naka-lock iyon mula sa labas!
“Ciara...” Tumindig ang balahibo ni Ciara sa buo niyang katawan nang may marinig siyang may nagsalita sa likuran niya. Malamya ang boses nito na nababakasan niya ng kalungkutan.
Paulit-ulit lang nitong tinatawag ang pangalan niya. Kahit na kinakabahan na siya ng mga oras na iyon ay lakas loob pa rin niyang nilingon iyon. Alam niya na si Anna ang nagpaparamdam sa kaniya. Paglingon niya ay wala naman siyang napansin na kakaiba. Nagulat na lamang si Ciara nang kusang humakbang ang kaniyang mga paa at naglakad iyon paunaha. Nang tumigil siya ay napayuko siya sa sahig nang may maapakan siya. Yumukod siya at hinawi ang nakatakip na parang tela sa sahig. Nang makuha niya iyon ay tumambad sa kaniya ang isang parang maliit na pinto. Bigla niya tuloy naalala ang napaginipan niya kagabi. Ito iyong lihim na pinto na pinasukan niya kung saan niya nakita ang baul na naglalaman ng kalansay ng tao. Ibig sabihin ay dito nga sa kwarto ni Aria naka-kunekta ang basement kung nasaan niya nakita ang baul?
![](https://img.wattpad.com/cover/146701231-288-k850597.jpg)
BINABASA MO ANG
KABIYAK (Part Two)
HorrorIsang simpleng babae lang si Ciara na may pangarap na maiahon sa hirap ang kanyang pamilya. Nakipagsapalaran siya sa maynila para hanapin ang dating pinagtatrabahuhan ng kanyang nanay para pumasok bilang katulong. Pero paano kung may madidiskubre si...