Ika-Limang Kababalaghan
Ang Kumakatok
"WALA PA BA SIYA?"
Pangatlong tanong na ang narinig ni Mart mula nang dumating sa kanilang bahay ang kanyang ate at bunsong kapatid. Kasalukuyan s'yang nagduduldul ng pinaghalong asin at dinurog na bawang sa ibabang bahagi ng bintana sa kanlurang bahagi ng kanilang bahay. Pinipilit n'yang aliwin ang sarili sa pagsisigurong hindi magkakaroon ng awang ang nilalagay n'yang asin. Bahagya s'yang naka-tungo at nakapikit at pilit na inaalis sa isip ang imahe ng mga malalaki at mapupulang mata ng aswang na maaaring nakasilip sa bintana nila o kaya ay itim at malalagkit na daliri na bigla na lang lulusot sa mga siwang nito. Inayos n'ya ang suot na salamin sa mata.
"Wala bang sasagot?"
Nilingon ni Mart ang abala n'yang ate sa may kabilang bahagi ng kanilang bahay, galit na galit sa hawak nitong cellphone.
"Hindi mo ba talaga alam kung saan lumalakwatsa kuya mo? Tinawagan ko na lahat ng kilala kong kaklase n'ya, pati titser n'ya. Hating-gabi na," tanong nito sa kanya.
"Ate, 'wag kang O.A. 8:30 pa lang. Di ko talaga alam kung saan pa pumunta si Kuya Maki. Nandito na 'ko sa bahay ng maaga," sagot n'ya.
"Malamang pinaghati-hatian na ng mga aswang ang katawan n'ya. Matagal ko ng sinabi, hindi s'ya karapat-dapat na tagapangalaga," sabi ng isang magaspang na boses na nagmumula sa ibabaw ng kanilang mahabang lamesa.
Muling sinubukan ni Mart na titigan ang berdeng duwende ngunit sa bawat kurap ng kanyang mata ay nawawala at bumabalik ito sa kanyang paningin, tanda ng kanyang hindi pa rin matatag na paniniwala sa kanila, sa mga maligno.
"Bata, pahingi pa nga ako ng tsokolate na 'yan. Meron pa ba?" sabi ng duwende sa bunsong kapatid ni Mart, si Mac, na nakaupo sa tabi ng lamesa at nagpapakain ng tinapay sa alaga nitong aso.
"Oh, salo," sabay hagis sa duwende.
"Kung totoo 'yang sinasabi mo, edi, sana hindi kami nakaligtas sa mga maligno dati," sabat ni Maggie.
"Maligno? Nakipaglaban ba tayo?" inosenteng tanong ni Mac. Nagkatinginan lamang sina Mart at Maggie.
"Oo nga, nakalabas kayo sa Balete ng ligtas pero malayo na sa kaligtasan ang Balete ngayon matapos kaming lusubin at mapalayas," sabi ng duwende.
"Alam mo, hindi ko pa rin maintindihan masiyado 'yang kwento mo, Daryo."
"Duroy ang ngalan ko. Pasensya na hindi ko nasaksihan ng buo. Busy ako no'n sa punso kasama ang pamilya ko."
"Busy. Nagtatago kamo," sabat ni Mart sa usapan.
"Isa ka pa, Mart. Pumayag ka rin naman sa kalokohan n'yo ni Maki no'n bago 'to nagsimula," banta ni Maggie kay Mart.
Nakaramdam s'ya ng lungkot at konsensiya tuwing inaalala ang nangyari. Napatigil s'ya sa kanyang ginagawa. Natapos na n'ya ang bintana.
"Meron ka pa ba, bata?" tanong muli ni Duroy.
"Wala na, eh," sagot ni Mac.
"Uhh. Lowbat na 'ko," sigaw ni Maggie sabay akyat sa hagdan para kunin ang charger niya.
"Mga bata, tama na 'yan. Mabuti ga'y tulungan n'yo na lang ako rito," sabi ng matandang babae mula sa kanilang kusina, si Nimpa, ang kanilang lola. Kasalukuyan nitong hinahalwas ang nilutong pinangat at sinaing na bigas.
"Opo, La. Papunta na," sabi ni Mac sa masiglang boses.
Naiwan si Duroy sa lamesa na tinatahulan ng kanilang asong si Jordan at si Mart na nakatingin sa malayo.
BINABASA MO ANG
BALETE CHRONICLES: Unang Aklat
FantasyWhat if Philippine folktales, myths and legends are set in the present time? What if scary mythological creatures do exist and are secretly roaming within our very own cities we used to live comfortably? Do anitos have anything to do with our weathe...