15 Ang Dambana

392 33 32
                                    

Ika-Labinlimang Kababalaghan

Ang Dambana


SALAMAT SA ENGKANTADA, medyo nawala na ang sakit sa katawan ni Mike. Ngunit tila bumabalik ito sa kada batong matitisod ng sinasakyan nilang kartilyang-bakal kasama ang kaniyang amang mahimbing pa ring natutulog sa tabi.

Binabagtas nila ang kalagitnaan ng liwasan kaya panay ang tingin ng mga abalang maligno sa paligid. Nakatali ang mga kamay ni Mike sa likod. Wala rin naman s'yang planong tumakas ngayong bihag sila ng tatlong matitikas na bantay-tikbalang.

"Eni las words, bata?" tanong sa kaniya ng maputlang kabayo sa kaniyang harapan. Maiiksi ang hibla ng buhok na gumagapang mula ulo hanggang batok, madilaw ang mga ngipin, may kapayatan ang katawan at halos kasing tangkad lang ng Ate Maggie niya.

"Silencio, Arturo!" saway ng kasama pa nitong tikbalang na nagtutulak sa kartilya. Kulay kape ang balat nitong may mantsa ng puti sa mukha na hugis isla ng Luzon. "'Wag mong tinatakot ang bata. Mukha mo pa lang, sapat na."

"Harhar. Nakakatawa, Ricardo. Sino kayang may pekas sa mukha? Nyahaha!" sagot ni Arturong sabay tawang-kabayo.

"Aba, ako ga'y hinahamon mo, tukhang?"

"Pumarine ka. Dali. Ano. Ano."

"Magsitigil kayo!" suway ng ikatlong tikbalang na pinangungunahan ang kanilang paglalakad. Malalim ang boses nitong puno ng kaseryosohan. Sing-itim ng hatinggabi ang balat nito na kung hindi dahil sa suot nitong makulay na bahag ay mahihirapang maaninagan sa likod ng anino. May hikaw ang kaliwang butas ng ilong nito at naka-ponytail ang mahabang buhok. May suot na malaking salakot sa ulo na nagtatakip sa matatalas nitong paningin.

"Walang mararating ang inyong pagtatalo. Isa pa, kailangan na nating bilisan." Tumahimik ang dalawang tikbalang.

"Sí, Sergio," sagot ni Ricardo. "Pero hindi ba dapat makita muna ni Supremo Tomás ang mga pangahas na timawang ito?" dagdag niyang tanong.

Tumigil sa paglalakad si Sergio at napatigil din ang pagtulak sa kartilya. "Ricardo. Arturo. Hindi ba kayo nakikinig?" panimula niya. "Abala ang Supremó sa kaniyang kasal mamayang hating-gabi. Hindi na dapat s'ya iniistorbo. At isa pa-" Inilabas niya ang suksok na itak at itinuro kay Mike na bahagyang natakot at napahawak sa suot na kwintas. "Hindi sila basta timawa lang."

Napatingin ang dalawang tikbalang sa kaniya at kumilatis na tila ba inaalam kung anong parte ng katawan niya ang masarap isigang.

"Isa lang siyang batang paslit. Baka pwede nating ibenta sa mga kapre?" suhestiyon ni Arturo.

"Teka. Teka," pagpigil ni Mike. "Saan niyo ba kami dadalhin. Hindi niyo kami makakain. Hindi kami damo."

"Hoy, bata!" singit ni Riacrdo. "Matagal na naming itinigil ang damo. Masama sa kalusugan."

"Ijo," tawag ni Sergio sa kaniya. "Saan ka nanggaling bago ka namin makita sa liwasan?"

"Oo nga. Amoy... Hmpf. Amoy asupre ka. Amoy ng santelmo," pansin ni Arturo.

Napaisip si Mike ngunit hindi naman siguro sila mapapahamak kung magsasabi siya ng totoo. "Ah... sa bulwagan. Tinulungan kami ng engkantada na makalabas ni Tatay." Nilingon niya pa ang natutulog pa rin niyang ama.

"Anong sabi mo? Sa engkantada?" halos sabay na tanong nina Arturo at Ricardo.

Nagtaka si Mike.

"Si Reyna Ana ba ang tinutukoy mo? Paanong nakalabas ka roon?" tanong nila.

Hindi na nakasagot pa si Mike dahil sumingit sa kanila si Sergio, nakatitig sa kaniya ang matatalim na mga mata.

"Hindi maari!" sigaw nito sabay pukpok ng hawak na itak sa dulo ng kartilya.

BALETE CHRONICLES: Unang AklatTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon