37 Ang Sundo

128 23 22
                                    

Ika-Tatlumpu't Pitong Kababalaghan

Ang Sundo

HINAY-HINAY LAMANG si Mac sa paghalo ng tinitimpla niyang kapeng barako. Napadami kasi ang nailagay niyang mainit na tubig sa tasa kaya iniiwasan niyang umapaw ito.

Sumilay siya saglit sa malamlam na liwanag ng buwan sa may bintana ng kusina. Nagsimula nang kainin ng anino ang bilog nitong hugis. Ito na ang ikalawang gabi mula nang umalis ang kaniyang mga kapatid para tuparin ang kani-kanilang kapalaran. Habang siya'y nakakulong lamang sa bahay maghapon. Ni hindi nga muna siya pumasok sa school para alagaan ang kanilang lola.

Sa totoo lang, hindi niya alam ang dapat maramdaman. Nasiyahan naman siya kahit paano sa pagsasaulo ng mga halamang-gamot, ng iba't-ibang klase ng maligno at aswang, ng nga alamat at kwentong-bayan at pati ng kasaysayan at magulong buhay ng mga anito't bathaluman.

Ngunit sa tuwing tuturuan siya ng kaniyang lola sa tamang paraan ng pagaanito, medyo naninibago pa siya't nahihilo pagkatapos ng proseso. Kung saan-saan gumagala ang kaniyang diwa. Mahirap mag-concentrate at ipadaloy lamang ang pakiramdam sa isang bagay. Para siyang batang tinuturuan na lumangoy. Nagdarasal na sa bawat sisid sa malalim na dagat ay muli siyang makaaahon.

Hinawakan niya ang malanday na tainga ng tasa at dahan-dahang naglakad patungo sa may sala. Naabutan niya si Lola Nimpa na nakahiga sa may sofa at balot ng paborito nitong makapal na kumot.

"La, ito na po ang kape niyo." Inilapag niya ang tasa sa may lamesita. Kinabahan pa siya nang hindi agad sumagot ang kanyang lola.

"La?"

"Salamat, apo." Bumangon si Lola Nimpa at umayos ng pagkakaupo. Kinuha ang tasa at dire-diretsong ininom ang mainit pang kapeng barako.

Pansin ni Mac ang biglang pagdami ng puting hibla sa maiksing buhok ni Lola Nimpa. Lalo pang lumalim ang mga kulubot sa mukha nito. Mahina na rin at nanginginig ang mga kamay.

"La, okay lang po ba kayo?"

"Oo naman. Parine ka. Tabi ka sa'kin," aya nito.

Mabilis na tumalima si Mac at umupo sa tabi ng sofa.

Nilaro-laro pa niya ang nahanap niyang tastas na dulo sa bulaklaking kumot.

"Pasensiya ka na, apo, kung masiyado akong mabilis sa pagsasalin. Napakamura mo pa para sa ganitong gawain."

"Okay lang po."

"Nasasapantaha ko na sa takdang panahon, lálaki kang magiting na mandirigma. Kailangan lamang ng masinsinan pang pagsasanay."

"Mandirigma po?" pagtataka ni Mac. Sa isip niya'y hindi naman madali ang tungkulin ng isang katalonan ngunit hindi niya nakikita ang sarili na nakasuot ng baluti at nakikipagdigma. Malamang ay nasa isang lugar lamang siya, tahimik na nakaupo at nilalapitan lamang ng mga Maginoo kapag may isasangguni.

"Oo, apo. Maraming tulad natin ang naging mandirigma noon. Isang matapang na lalaki mula sa Maranao ang nagmana rin ng tungkuling ganito. Marami siyang magigiting na kapatid ngunit sa kanilang lahat, siya ang pinakamahusay na mandirigma. Ang ngalan niya'y Bantugan.

"Totoo po? Woah," mangha niya.

"Nasa iyo pa ba ang binhi?"

"Opo." Inilabas ni Mac sa kaniyang bulsa ang isang pirasong dahon. Ibinuka niya ito sa pagkakapalumpon para ipakita ang maliit na buto ng halamang tinubuan na ng isang dahon.

"Itago mong mabuti, Mac. Sabi nga ni Mapulon, ikaw mismo ang magpapatubo niyan sa takdang panahon."

"Opo." Ibinalik na niyang muli ang dahon sa kaniyang bulsa.

BALETE CHRONICLES: Unang AklatTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon