32 Ang Sirena

131 26 10
                                    

Ika-Tatlumpu't Dalawang Kababalaghan

Ang Sirena

"ATE, GISING." Halos hindi magrehistro ang mga tinig na 'yon sa tainga ni Maggie, singlabo at singlalim ng tubig ng lawa.

"M-Mike?" pilit niyang sabi kahit naglalasang lumot at putik ang kaniyang bibig. Iminulat niya ang mga mata at bumungad ang uhuging mukha ng kaniyang kapatid.

"Gising na, Ate. 'Wag mo 'kong pilitin."

Sinubukan ni Maggie na igalaw ang nanghihina pa ring mga braso at hawakan ang basang uniform ni Mike. "P-pilitin ang alin?"

Pak! Malakas na sampal mula sa kapatid ang nagpagising kay Maggie.

"Aray!" Napahawak siyang bigla sa mga pisngi, nangingilo ang mga ngipin. "Walang'ya ka. Gising ako."

"Hindi kaya. Naglalaway ka na nga, eh. Kinakabahan na 'ko."

Mas luminaw na ang tingin niya sa paligid. Kinaya na niyang makaupo sa itim na buhangin. Malamig pa rin ang simoy ng hangin. Malalaki't mabababa ang mga itim na ulap na nakabitin sa langit, takip ang haring araw. Tumatampisaw sa pwesto nila ang alon ng lawa. "Nas'an tayo?

"Nasa isla na."

"Totoo ba?" Nilingon ni Maggie ang kaniyang likuran na puno ng matatayog at naglalakihang punong-kahoy. Halos mangitim ang dahon ng mga ito na nagbibigay ng nakatatakot at nakalulumbay na atmospera sa kapaligiran.

Nakapa niya pa rin ang buntot-pagi na nakakapit sa kaniyang braso. Nalamog 'ata ang katawan niya't medyo nananakit ang kaniyang lalamunan. Kahit basa pa ay tinanggal niya sa pagkakatali sa beywang ang kaniyang leather jacket at sinuot. Baka sakaling magbigay init.

"Where's Rigel?" Nilinga ni Maggie ang direksyong itinuro ni Mike. Inaalo ni Yana ang likod ni Rigel habang sumusuka sa tabi ng isang puno. Hindi na siguro nakayanan ang hilo sa mga nangyari sa kanila.

Napasinghap si Maggie nang maalala ang ginawa ni Yana kanina. Hindi pa rin siya makapaniwalang kinalaban nito ang halimaw sa pamamagitan ng pagkontrol ng alon ng lawa.

"Na'san na ang buwaya?" tanong niya kay Mike ba hindi rin mawala ang tingin kay Yana.

"Hindi ko rin alam. Baka bumalik na sa lungga niya."

"S-siya ba ang nagligtas sa atin? Si Yana?"

"Ah. Hindi. Nauna pa nga akong nagising diyan, eh."

"Edi, sino?"

"Si Larina."

"Sino?"

"Ang malditang sirena."

"Alam mo, ramdam ko pa rin 'yung sampal mo, ha. Kung 'di ako pagod, nakatikim ka na."

"Aba, totoo nga sinasabi ko." 

Naagaw ang tingin ni Maggie sa bagay na kumikinang, ilang dipa mula sa pwesto nila ni Mike.

"Tumabi ka nga," hawi niya sa kapatid. Tinitigan niyang mabuti ang nilalang na 'yon. Iba't-ibang kulay ang ibinibigay na repleksyon nito sa tuwing tumatama ang liwanag, mga liwanag na parang kaleidoscope ang disenyo.

"Is this for real?" Napatakip sa bibig si Maggie nang maintindihan ang nakikitang imahe— isang buhay na sirena. Magandang dilag na may kulay gintong buhok at sa isda naman ang beywang hanggang buntot. Matiwasay iyong naka-upo sa dalampasigan, nakatanghod sa isa lang lalaking walang malay.

"'Tay? Si Tatay ba 'yon? OMG!" Napatayo bigla si Maggie at nagtatakbo palapit sa nakahiga niyang amang katabi ng sirena.

Agad na sumunod sa kaniya si Mike.

BALETE CHRONICLES: Unang AklatTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon