18 Ang Umalohokan

292 34 131
                                    

Ika-Labingwalong Kababalaghan

Ang Umalohokan


"Oookay! We're good to go." Pumasok na si Robin at umupo sa driver seat matapos ang ilang beses na pagche-check sa sásakyan nilang taxi.

"Seatbelt, ma'am?" Bahagyang nagulat si Maggie nang napabalik siya mula sa malalim na pag-iisip sa may passenger seat.

"Sorry." Pero bago pa niya higitin ang safety belt ay mabilis na gumiya ang katawan ng binata sa harap niya para ito mismo ang mag-lock ng seatbelt niya. Amoy hamog ng damuhan sa umaga ang leeg nito. 'Di niya alam kung kaaya-aaya bang klase ng pabango iyon o hinahayaan lang ng lalaki na madapuan ng simoy sa mga lugar na huli nitong napuntahan.

"There you go." Malaki at matamis ang ngiti ng binata. Mukha nito'y hindi pa rin umaalis sa harap niya. Maghahating-gabi na pero mukhang bagong gising ito dahil sa magulong buhok na pilit na ikinulong ng pulang bandanang suot nito. May muta pa nga sa kaliwang mata.

"Kuya Robin, kelan mo 'ko tuturuan mag-drive?" tanong ni Mike na sa likod nakaupo kasama si Mart.

'Maka-kuya naman 'to,' isip ni Maggie. 'Ilang oras pa lang silang nagkakakilala, kala mo bespren.'

Sinilip niya ang mga kapatid gamit ang rearview mirror sa taas ng front seat. School uniform lang din ang ipinalit ni Mike sa butas-butas na damit kanina. Si Mart naman ay balot ng pulang jacket, kandong ang matabang backpack na pinuno ng mga "dapat" daw dala nila sa paglalakbay na 'yon – first aid kit, ilang flashlight, batteries, energy bars, lighter, bote ng asin. May kutsilyo pa nga at maging ang taser ng kanilang amang security guard ay binitbit ng kaniyang kapatid. Sinigurado ni Maggie na hawak ni Mart ang mumurahing de-keypad na cellphone para kung sakali, dito niya sila kokontakin. Ayaw man niya ngunit 'di maalis sa isip ni Maggie na baka magkahiwa-hiwalay na naman sila.

Hinawakan ni Maggie ang suot na kwintas na may maliit na bote bilang pendant. Laman nito ang ilang dahong pinakuluan sa langis. Bago sila umalis, tigigisa silang binigyan ng kanilang lola nito bilang babala sa tuwing may malapit na kampon ng kadiliman.

"Mart? Dala mo inhaler mo?"

"Opo."

"Ba't may dala kang libro?" asar ni Mike sa katabi. "Aanhin mo 'yan? Papambato sa aswang? Hahaha."

"Ikaw nga, walang dala d'yan, eh. Naka-uniform ka pa. A-attend ng flag ceremony?" sagot ni Mart. Napapalakpak sa tawa si Maggie sa banat ng kapatid. 'Boom. Basag.'

"Boys, 'wag ng malikot. Seatbelt niyo," saway niya habang tahimik na natatawa.

"Yes, boss," sagot ni Mike. "Ba't ang panghi dito, Kuya Robin?"

"'Di mo siya kuya," singit ni Maggie. "Wala kang kuya. Mahiya ka nga."

"Sensiya na. Hiniram ko lang 'to sa kakilala kong Maharlika. Gamit niya as one of their disguises. Isa kasi sa trabaho nila ang pagpapatrolya para masigurong walang maligno ang mangaabuso laban sa mga timawa... and vice versa."

'Cool!' isip ni Maggie. 'Gan'on pala tungkulin ng mga Maharlika.' Bakit bawat sambitin nito, nagdudulot sa kaniya ng pananabik? Nahúli 'ata siya nitong nakatitig sa kaniya.

"Ma'am, thank you nga pala sa alok na masarap na hapunan." Lumalabas ang mababaw na dimple nito sa kanang pisngi kapag ngumingiti.

"Ay, wala 'yon. Masarap talaga... este, masarap magluto si Lola," nahihiya niyang tugon.

"I like what you did with your hair," komento ng lalaki sa bangs ni Maggie na pinakulayan niya ng pula nung nakabalik sila mula sa probinsya. Nakatirintas naman ang dulo ng kaniyang hanggang beywang na buhok.

BALETE CHRONICLES: Unang AklatTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon